Add parallel Print Page Options

Mula kay Pablo na isang lingkod[a] ni Cristo Jesus, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Magandang Balita ng Diyos.

Ang Magandang Balitang ito na ipinangako niya noong una pa man sa pamamagitan ng mga propeta, at sinasabi sa mga Banal na Kasulatan, 3-4 ay tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Tungkol sa kanyang pagiging tao, siya'y ipinanganak mula sa lahi ni David; subalit tungkol sa kanyang pagka-Diyos, pinatunayan ng Banal na Espiritu na siya ay Anak ng Diyos sa pamamagitan ng isang makapangyarihang gawa, ang kanyang muling pagkabuhay. Sa pamamagitan niya, tinanggap namin mula sa Diyos ang kaloob na maging apostol alang-alang kay Cristo, upang ang mga Hentil ay akayin sa pagsunod na naaayon sa pananampalataya. Kayo'y kabilang sa mga tinawag na maging mga tagasunod ni Jesu-Cristo.

Sa inyong lahat na nasa Roma, mga minamahal ng Diyos at tinawag upang maging banal, sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Nais ni Pablo na Dumalaw sa Roma

Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay balitang-balita sa buong daigdig. Saksi ko ang Diyos, na pinaglilingkuran ko nang buong puso sa pamamagitan ng aking pangangaral ng Magandang Balita tungkol sa kanyang Anak, na lagi ko kayong idinadalangin. 10 Lagi kong hinihiling na loobin nawa ng Diyos na sa wakas matuloy din ang pagpunta ko riyan. 11 Nananabik akong makita kayo upang mamahagi sa inyo ng mga kaloob ng Espiritu sa ikatatatag ninyo. 12 Ang ibig kong sabihi'y upang magkatulungan tayo sa ikalalakas ng bawat isa sa atin sa pamamagitan ng ating pananalig sa Diyos.

13 Mga(A) kapatid, nais kong malaman ninyo na ilang ulit ko nang binalak na pumunta riyan, ngunit laging may nagiging hadlang. Nais ko ring makahikayat diyan ng mga sasampalataya kay Cristo, tulad ng nagawa ko na sa ibang mga Hentil. 14 May pananagutan ako sa lahat ng mga tao: sa mga sibilisado man o hindi, sa marurunong at sa mga mangmang. 15 Kaya nga, nais ko ring ipangaral diyan sa Roma ang Magandang Balita.

Ang Kapangyarihan ng Magandang Balita

16 Hindi(B) ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego. 17 Sapagkat(C) sa Magandang Balita ay ipinapakita kung paano itinutuwid ng Diyos ang kaugnayan ng tao sa kanya. Ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya buhat sa simula hanggang sa wakas. Tulad ng sinasabi sa Kasulatan, “Ang itinuring ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.”[b]

Mga Kasalanan ng Sangkatauhan

18 Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong dahil sa kanilang kasamaan ay hinahadlangan ang katotohanan. 19 Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag, dahil iyon ay ipinapahayag sa kanila ng Diyos. 20 Mula(D) pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya't wala na silang maidadahilan pa. 21 Kahit na kilala nila ang Diyos, siya'y hindi nila pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan kaya't nagdilim ang hangal nilang pag-iisip. 22 Sila'y nagmamarunong ngunit lumitaw na sila'y mga hangal. 23 Tinalikuran(E) nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila'y mga larawan ng mga taong may kamatayan, ng mga ibon, ng mga hayop na lumalakad, at ng mga hayop na gumagapang.

24 Kaya't hinayaan na sila ng Diyos sa kanilang maruruming pagnanasa hanggang sa hindi na nila mapigil ang paggawa ng kahalayan sa isa't isa. 25 Tinalikuran nila ang katotohanan tungkol sa Diyos at pinalitan ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha, sa halip na ang lumikha, na siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen.

26 Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mahahalay na pagnanasa. Ayaw nang makipagtalik ng babae sa lalaki ayon sa likas na kaparaanan, at sa halip ay sa kapwa babae sila nakikipag-ugnayan. 27 Ganoon din ang mga lalaki; ayaw na nilang makipagtalik sa mga babae ayon sa likas na kaparaanan, at sa kanilang kapwa lalaki sila nahuhumaling. Ginagawa nila ang mga kasuklam-suklam na bagay, kaya't sila'y paparusahan ng nararapat sa kanilang masasamang gawa.

28 Dahil ayaw nilang kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa masasamang pag-iisip at sa mga gawaing kasuklam-suklam. 29 Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kabuktutan,[c] kasakiman, maruruming pag-iisip, pagkainggit, pagpaslang, pagtatalo, pandaraya at masasamang hangarin. Sila'y naging mahilig sa tsismis, 30 mapanirang puri, nasusuklam sa Diyos,[d] walang pakundangan, mapagmataas, mayayabang, mapagkatha ng kasamaan, at suwail sa magulang. 31 Sila'y naging mga hangal, mga taksil, mga walang puso, at di-marunong lumingap sa kapwa. 32 Nalalaman nila ang utos ng Diyos na karapat-dapat sa parusang kamatayan ang mga gumagawa nito. Gayunman, hindi lamang patuloy sila sa paggawa nito kundi sumasang-ayon pa sila sa mga gumagawa rin ng mga ito.

Footnotes

  1. Roma 1:1 lingkod: Sa Griego ay alipin .
  2. Roma 1:17 Ang itinuring…ay mabubuhay: o kaya'y Ang itinuring ng Diyos na matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya .
  3. Roma 1:29 kabuktutan: Sa ibang manuskrito'y pakikiapid .
  4. Roma 1:30 nasusuklam sa Diyos: o kaya'y kinasusuklaman ng Diyos .