Roma 8:18-10:21
Ang Salita ng Diyos
Kaluwalhatian sa Hinaharap
18 Ito ay sapagkat itinuturing ko na ang mga paghihirap sa kasalukuyan ay hindi karapat-dapat ihalintulad sa kaluwalhatiang ihahayag na sa atin.
19 Ito ay sapagkat ang matamang pag-asam ng nilikha ay naghihintay sa paghahayag sa mga anak ng Diyos. 20 Ang nilikha ay ipinasakop sa paggawa ng mga bagay na walang kabuluhan. Hindi nang kusang loob, subalit sa pamamagitan niya na nagpasakop nito sa pag-asa. 21 Upang ang nilikha din naman ay mapalaya mula sa pagkaalipin ng kabulukan patungo sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.
22 Ito ay sapagkat alam natin na hanggang ngayon ang buong nilikha ay sama-samang dumadaing at naghihirap tulad ng babaeng nanganganak. 23 Hindi lang iyan, maging tayo na may unang-bunga ng Espiritu ay dumadaing din. Tayo sa ating sarili ay dumadaing sa ating kalooban na naghihintay ng pag-ampon na walang iba kundi ang katubusan ng ating katawan. 24 Ito ay sapagkat sa pag-asa tayo ay naligtas, ngunit ang pag-asa na nakikita ay hindi pag-asa sapagkat bakit aasa pa ang tao sa nakikita na niya? 25 Ngunit kung tayo ay umaasa sa hindi natin nakikita, naghihintay tayo na may pagtitiis.
26 Sa gayong paraan, ang Espiritu rin ay kasamang tumutulong sa ating mga kahinaan sapagkat hindi natin alam kung ano ang kinakailangan nating ipanalangin. Subalit ang Espiritu mismo ang siyang namamagitan para sa atin na may pagdaing na hindi kayang ipahayag ng salita. 27 Siya na sumusuri sa mga puso ang siyang nakakaalam ng kaisipan ng Espiritu sapagkat ang Espiritu ay namamagitan para sa mga banal ayon sa kalooban ng Diyos.
Higit pa sa Mananakop
28 Alam natin na ang lahat ng mga bagay ay magkakalakip-lakip na gumagawa para sa kabutihan nila na mga umiibig sa Diyos, sa kanila na mga tinawag ng Diyos ayon sa kaniyang layunin.
29 Ito ay sapagkat ang mga kilala na ng Diyos nang una pa ay itinalaga rin niya nang una pa na magingkawangis ng kaniyang Anak, upang siya ay maging panganay sa maraming kapatiran. 30 At sila na itinalaga niya nang una pa ay tinawag din niya. Sila na tinawag niya ay pinaging-matuwid din niya at sila na pinaging-matuwid niya ay niluwalhati din niya.
31 Ano nga ang sasabihin natin sa mga bagay na ito? Yamang ang Diyos ay kakampi natin, sino ang tatayong laban sa atin? 32 Hindi niya ipinagkait ang sarili niyang Anak, kundi ipinagkaloob niya siya para sa ating lahat. Papaano ngang hindi niya ipagkaloob nang walang bayad sa atin ang lahat ng mga bagay? 33 Sino ang magsasakdal laban sa pinili ng Diyos?Ang Diyos na siyang nagpapaging-matuwid. 34 Sino ang magbibigay hatol? Si Cristo nga na namatay, ngunit higit dito, siya ay bumangong muli na ngayon ay nasa dakong kanan ng Diyos at namamagitan para sa atin. 35 Sino ang maghihiwalay sa atin mula sa pag-ibig ni Cristo? Ang paghihirap ba, o kagipitan, o pag-uusig, o kagutuman, o kahubaran, o panganib o tabak? 36 Ayon sa nasusulat:
Alang-alang sa inyo, pinapatay nila kami buong araw. Itinuturing kaming mga tupang kakatayin.
37 Subalit sa lahat ng mga bagay na ito, tayo ay higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niya na umiibig sa atin. 38 Ito ay sapagkat nakakatiyak ako na walang makakapaghiwalay sa atin mula sa pag-ibig ng Diyos. Hindi ang kamatayan, o buhay, o mga anghel, o mga pamunuan, o mga kapangyarihan, o mga bagay sa kasalukuyan o mga bagay na darating. 39 Hindi ang matataas na bagay, o mga kalaliman o kahit anumang bagay na nilikha. Walang anumang makakapaghiwalay sa atin mula sa pag-ibig ng Diyos na na kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Pumipili ang Diyos Ayon sa Kaniyang Kaluguran
9 Sinasabi ko ang katotohanan na kay Cristo. Hindi ako nagsisinungaling. Kasama kong nagpapatotoo ang aking budhi na nasa Banal na Espiritu.
2 Ito ang nagpapatotoo naako ay may malaking kalungkutan at walang tigil na pagdadalamhati sa aking puso. 3 Ito ay sapagkat hinangad ko pa na ako ay sumpain at ihiwalay mula kay Cristo alang-alang sa aking mga kapatid, sa aking mga kamag-anak ayon sa laman. 4 Sila ay ang mga taga-Israel. Sa kanila ang pag-ampon, ang kaluwalhatian at mga tipan, at ang pagbibigay ng kautusan. Sa kanila rin ang paglilingkod at mga pangako. 5 Sa kanila nagmula ang mga ninuno at si Cristo, sa pamamagitan ng laman, ay nagmula sa kanila. Siya ang pinakadakila sa lahat, ang Diyos na pinupuri magpakailanman. Siya nawa.
6 Ito ay sapagkat hindi ang salita ng Diyos ay waring nagkulang sapagkat hindi lahat ng nagmula sa Israel ay tunay na mga taga-Israel. 7 Gayundin naman ang mga nanggaling sa lahi ni Abraham ay hindi lahat tunay na mga anak ni Abraham. Subalit sinasabi: Kay Isaac tatawagin ang iyong binhi. 8 Ito ay hindi ang mga anak na ayon sa laman ang siyang mga anak ng Diyos. Ngunit ang mga anak ng pangako ang ibinilang na binhi. 9 Ito ay sapagkat ganito ang sinasabi ng pangako:
Sa takdang panahon ako ay darating at si Sara ay magkakaanak ng isang lalaki.
10 Hindi lang iyan, kundi si Rebecca ay naglihi sa pamamagitan ng isang lalaki. Siya ay ang ating ninunong si Isaac. 11 Ito ay sapagkat bago pa ipinanganak ang mga bata, bago pa sila nakagawa ng mabuti o ng masama, nangusap na ang Diyos kay Rebecca upang ang layunin ng Diyos na kaniyang pinili ay manatili. Ito ay hindi mula sa gawa kundi mula sa kaniya na tumatawag. 12 Sinabi ng Diyos kay Rebecca: Ang matandang kapatid ay maglilingkod sa batang kapatid. 13 Ayon sa nasusulat:
Inibig ko si Jacob, kinapootan ko si Esau.
14 Ano ang sasabihin natin? May kalikuan ba sa Diyos? Huwag nawang mangyari. 15 Sinabi ng Diyos kay Moises:
Mahahabag ako sa sinumang kahahabagan ko. Maaawa ako sa sinumang kaaawaan ko.
16 Kaya nga, ito ay hindi sa kaniya na nagnanais o sa kaniya na tumatakbo. Subalit ito ay sa Diyos na siyang may kahabagan. 17 Ito ay sapagkat sinabi ng kasulatan kay Faraon:
Upang maipakita ko sa pamamagitan mo ang aking kapangyarihan, inilagay kita sa kinalalagyan mo ngayon. Ginawa ko ito upang maihayag ang aking pangalan sa buong lupa.
18 Kaya nga, mahahabag ang Diyos sa sinumang ibig niyang kahabagan. Patitigasin niya ang puso ng sinumang ibig niyang patigasin ang puso.
19 Kaya nga, sinasabi: Bakit pa niya tayo pinagbibintangan? Sino ang tumanggi sa kaniyang kalooban? 20 Oo, at higit pa dito, tao, sino ka upang makipagtalo laban sa Diyos? Sasabihin ba ng hinubog sa humubog sa kaniya: Bakit mo ako ginawang ganito? 21 Hindi ba ang magpapalayok ang may kapamahalaan sa putik? Mula sa putik ding iyon siya ay maaaring gumawa rin ng sisidlang pangmarangal ang gamit at ang ibang sisidlang hindi pangmarangal ang gamit.
22 Yamang ibig ng Diyos na ipahayag ang kaniyang galit, at upang maipaalam niya sa kaniyang mga tao ang kaniyang kapangyarihan, nagtitiis siyang may pagtitiyaga sa mga sisidlang tatanggap ng galit. Inihanda na niya sila sa kapahamakan. 23 Ginawa niya ito upang ipaalam niya ang kayamanan ng kaniyang kaluwalhatian sa mga sisidlang kaniyang kinahabagan. Sila ay inihanda niya sa nakaraang kaluwalhatian. 24 Iyan nga tayo, na kaniyang tinatawag, hindi lamang mula sa mga Judio kundi mula sa mga Gentil din naman. 25 Sa aklat ni Hosea ay sinabi rin niya:
Tatawagin kong mga tao ko sila na hindi ko mga tao. Tatawagin ko na aking iniibig ang mga hindi ko iniibig.
26 At mangyayari, na sa dako na kung saan ay sinabi sa kanila: Hindi ko kayo mga tao. Sa dako ring iyon ay tatawagin ko sila: Kayo ay mga anak ng buhay na Diyos.
27 Ngunit sumigaw si Isaias patungkol sa Israel:
Ang bilang ng mga anak ni Israel ay tulad sa bilang ng buhangin sa dagat. Kahit ganito ang bilang nila, maliit na pangkat lamang ang maliligtas.
28 Ito ay sapagkat tatapusin niya ang bagay na iyon. Kaniyang iiklian iyon ayon sa katuwiran sapagkat pinaiklian ng Panginoon ang kaniyang gawain sa ibabaw ng lupa.
29 Ayon din sa sinabi ni Isaias noong una:
Kung hindi nagtira ng binhi sa atin ang Panginoon ng mga hukbo, magiging tulad tayo ng mga tao ng Sodoma at tulad ng mga tao ng Gomora.
Hindi Sumampalataya ang mga Taga-Israel
30 Ano nga ang sasabihin natin? Sasabihin ba natin: Ang mga Gentil na hindi nagsikap sumunod sa katuwiran ay tumanggap ng katuwiran. Ang katuwirang ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya.
31 Ang Israel ay nagsikap sumunod sa kautusan ng katuwiran ngunit hindi sila nakaabot sa katuwiran ng kautusan. 32 Bakit? Ito ay sapagkat hindi sila nagsikap sa pamamgitan ng pananampalataya kundi sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan. Sila ay natisod sa batong katitisuran. 33 Ayon sa nasusulat:
Narito, naglagay ako sa Zion ng batong katitisuran at batong ikabubuwal nila. At ang bawat isang sumasampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.
10 Mga kapatid, ang mabuting kaluguran ng aking puso at dalangin sa Diyos para sa Israel ay maligtas sila. 2 Pinatotohanan ko na sila ay may kasigasigan sa Diyos ngunit ang kasigasigan nila ay hindi ayon sa lubos na kaalaman. 3 Hindi nila alam ang katuwiran ng Diyos. At sapagkat sinisikap nilang maitatag ang kanilang katuwiran, hindi sila nagpapasakop sa katuwiran ng Diyos. 4 Ito ay sapagkat si Cristo ang hangganan ng kautusan patungo sa katuwiran ng lahat ng sumasampalataya.
5 Ito ay sapagkat sumulat si Moises patungkol sa katuwiran sa pamamagitan ng kautusan. Sinulat niya:
Ang taong gumaganap ng mga bagay na ito ay mabubuhay sa pamamagitan niyon.
6 Gayunman, ang katuwirang mula sa pananampalataya ay nagsasabi: Huwag mong sabihin sa iyong puso ang ganito: Sino ang papaitaas sa langit? Iyon ay upang ibaba si Cristo. 7 Huwag ding sabihin: Sino ang bababa sa walang hanggang kalaliman? Iyon ay upang ibalik si Cristo mula sa mga patay. 8 Ano ang sinasabi ng kasulatan?
Ang salita ay malapit saiyo, ito ay nasa iyong bibig at sa iyong puso.
Ang salitang ito ay ang salita ng pananampalataya na ipinahahayag namin.
9 Ipahayag mong si Jesus ay Panginoon at sampalatayanan mo sa iyong puso na binuhay siyang mag-uli ng Diyos. Kapag ginawa mo ito, ikaw ay maliligtas. 10 Ito ay sapagkat sa pamamagitan ng puso ikaw ay sumasampalataya patungo sa pagiging-matuwid. Sa pamamagitan ng bibig ikaw ay nagpapahayag patungo sa kaligtasan. 11 Ito ay sapagkat sinasabi ng kasulatan:
Ang bawat isang sumasampalataya sa kaniya ay hindi mapapahiya.
12 Ito ay sapagkat walang pagkakaiba sa mga Judio at mga Gentil sapagkat iisa ang Panginoon na nagpapala ng masagana sa lahat ng tumatawag sa kaniya. 13 Ito ay sapagkat:
Ang bawat isang tatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.
14 Papaano nga sila tatawag sa kaniya kung hindi sila sumasampalataya sa kaniya? Papaano sila sasampalataya sa kaniya kung hindi sila nakakapakinig patungkol sa kaniya? Papaano sila makakapakinig kung walang mangangaral? 15 Papaano sila makakapangaral malibang sila ay isugo? Ayon sa nasusulat:
Kayganda ng mga paa nila na nagpapahayag ng ebanghelyo ng kapayapaan at ang mga paa ng mga nagdadala ng ebanghelyo ng mabubuting bagay.
16 Subalit hindi lahat ay sumunod sa ebanghelyo sapagkat si Isaias ang nagsabi:
Panginoon, sino ang sumampalataya sa aming ulat?
17 Kaya nga, ang pananampalataya ay mula sa pakikinig at ang pakikinig ay mula sa salita ng Diyos. 18 Ngunit sinasabi ko: Hindi ba nakapakinig silang lahat? Totoong nakapakinig silang lahat:
Ang kanilang tinig ay kumalat sa buong lupa. Ang kanilang salita ay kumalat sa lahat ng sulok ng sanlibutan.
19 Ngunit sinasabi ko: Hindi ba nalalaman ng Israel? Una, sinabi ni Moises:
Paiinggitin ko kayo sa pamamagitan nila na hindi isang bansa. Pagagalitin ko kayo sa pamamagitan ng bansang walang pang-unawa.
20 May katapangang sinabi ni Isaias:
Nasumpungan ako ng mga hindi naghahanap sa akin. Inihayag ko ang aking sarili sa kanila na hindi nagtanong patungkol sa akin.
21 Ngunit patungkol sa mga tao ng Israel ay sinabi niya:
Buong araw kong iniaalok ang aking kamay sa mga taong masuwayin at mga taong sumasalungat.
Copyright © 1998 by Bibles International