Roma 4
Ang Biblia, 2001
Ang Halimbawa ni Abraham
4 Ano nga ang ating sasabihin na natuklasan ni Abraham na ating ninuno ayon sa laman?
2 Sapagkat kung si Abraham ay itinuring na ganap sa pamamagitan ng mga gawa, ay mayroon sana siyang ipagmamalaki, ngunit hindi sa Diyos.
3 Sapagkat(A) ano ang sinasabi ng kasulatan? “Sumampalataya si Abraham sa Diyos, at iyon ay ibinilang sa kanya na katuwiran.”
4 Ngayon sa gumagawa, ang kabayaran ay hindi itinuturing na biyaya, kundi siyang talagang nararapat.
5 Ngunit sa kanya na hindi gumagawa, kundi sumasampalataya sa kanya na umaaring-ganap sa masamang tao, ang kanyang pananampalataya ay itinuturing na katuwiran.
6 Gaya naman ng sinasabi ni David tungkol sa pagiging mapalad ng tao na itinuturing ng Diyos na matuwid na hiwalay sa gawa:
7 “Mapapalad(B) ang mga pinatatawad sa kanilang mga masasamang gawa,
at ang mga tinakpan ang kanilang mga kasalanan.
8 Mapalad ang tao na hindi ibibilang laban sa kanya ng Panginoon ang kasalanan.”
9 Ipinahayag nga ba ang pagiging mapalad na ito sa pagtutuli, o gayundin sa di-pagtutuli? Sapagkat sinasabi natin, “Ang pananampalataya ay ibinilang na pagiging matuwid kay Abraham.”
10 Paano nga ito ibinilang? Iyon ba'y bago siya tinuli o nang tuli na siya? Iyon ay hindi pagkatapos na siya ay tuliin, kundi bago siya tinuli.
11 Tinanggap(C) niya ang tanda ng pagtutuli, na isang tatak ng pagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya na nasa kanya nang siya'y di pa tuli. Ang layunin ay upang siya'y maging ama ng mga sumasampalataya, bagaman sila'y di-tuli, at upang ang pagiging matuwid ay maibilang din sa kanila,
12 gayundin ang ama ng pagtutuli na hindi lamang sa mga pagtutuli kundi pati naman sa mga sumusunod sa mga hakbang ng pananampalataya na taglay ng ating amang si Abraham na nasa kanya bago siya tinuli.
Makakamit ang Pangako sa Pamamagitan ng Pananampalataya
13 Sapagkat(D) ang pangako na kanyang mamanahin ang sanlibutan ay hindi dumating kay Abraham o sa kanyang binhi sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pamamagitan ng pagiging matuwid ng pananampalataya.
14 Sapagkat(E) kung silang nasa kautusan ang siyang mga tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya, at pinawawalang saysay ang pangako.
15 Sapagkat ang kautusan ay gumagawa ng galit; ngunit kung saan walang kautusan ay wala ring paglabag.
16 Dahil(F) dito, iyon ay batay sa pananampalataya, upang maging ayon sa biyaya; upang ang pangako ay maging tiyak para sa lahat ng binhi, hindi lamang sa nasa kautusan, kundi pati naman sa nasa pananampalataya ni Abraham (na ama nating lahat,
17 gaya(G) ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa”) sa harapan ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, na nagbibigay-buhay sa mga patay, at ang mga bagay na hindi buháy noon ay binubuhay niya ngayon.
18 Umaasa(H) kahit wala nang pag-asa, siya'y sumampalataya na siya'y magiging “ama ng maraming bansa” ayon sa sinabi, “Magiging napakarami ang iyong binhi.”
19 Hindi(I) siya nanghina sa pananampalataya, itinuring niya ang sariling katawan tulad sa patay na (sapagkat siya'y may mga isandaang taon na noon), at ang pagkabaog ng bahay-bata ni Sarah.
20 Gayunman, hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ng di-paniniwala, kundi pinalakas siya ng pananampalataya habang niluluwalhati niya ang Diyos,
21 at lubos na naniwala na kayang gawin ng Diyos ang kanyang ipinangako.
22 Kaya't ang kanyang pananampalataya[a] ay ibinilang na katuwiran sa kanya.
23 Ngayo'y hindi lamang dahil sa kanya isinulat ang salitang, “sa kanya'y ibinilang,”
24 kundi dahil din naman sa atin, na ibibilang sa atin na mga sumasampalataya sa kanya na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon mula sa mga patay,
25 na(J) ibinigay sa kamatayan dahil sa ating mga pagsuway at muling binuhay upang tayo'y ariing-ganap.
Footnotes
- Roma 4:22 Sa Griyego ay ito .