Roma 3
Ang Biblia, 2001
3 Ano nga ang kalamangan ng Judio? O ano ang pakinabang sa pagtutuli?
2 Napakarami. Ang una sa lahat, ipinagkatiwala sa kanila ang mga aral ng Diyos.
3 Ano nga kung ang ilan ay hindi tapat? Ang kanila bang kawalan ng katapatan ay nagpapawalang saysay sa katapatan ng Diyos?
4 Huwag(A) nawang mangyari! Hayaang ang Diyos ay maging tapat, kahit na ang bawat tao'y sinungaling, gaya ng nasusulat,
“Upang ikaw ay ariing-ganap sa iyong mga salita,
at magtagumpay ka kapag ikaw ay hinatulan.”
5 Subalit kung ang ating kasamaan ay nagpapatibay sa katarungan ng Diyos, ano ang ating sasabihin? Ang Diyos ba ay di-makatarungan sa paglalapat ng parusa sa atin? (Nagsasalita ako sa paraan ng tao.)
6 Huwag nawang mangyari! Sapagkat kung gayo'y paano hahatulan ng Diyos ang sanlibutan?
7 Subalit kung sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay sumagana ang katotohanan ng Diyos sa ikaluluwalhati niya, bakit hinahatulan pa rin akong tulad sa isang makasalanan?
8 At bakit hindi sabihin (gaya ng paninirang-puri sa atin ng iba na nagpapatotoo na sinasabi raw natin), “Gumawa tayo ng masama upang dumating ang mabuti?” Ang kahatulan sa kanila ay nararapat.
Walang Matuwid
9 Ano ngayon? Tayo bang mga Judio ay nakakalamang? Hindi, kahit na sa anong paraan; sapagkat amin nang napatunayan na ang lahat ng tao, maging mga Judio at mga Griyego, ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan,
10 gaya(B) ng nasusulat,
“Walang matuwid, wala, wala kahit isa;
11 wala ni isang nakakaunawa,
wala ni isang humahanap sa Diyos.
12 Lahat ay lumihis, sama-sama silang nawalan ng kabuluhan;
walang gumagawa ng mabuti,
wala, wala kahit isa.”
13 “Ang(C) kanilang lalamunan ay isang libingang bukas;
sa pamamagitan ng kanilang mga dila ay gumagawa sila ng pandaraya.”
“Ang kamandag ng mga ulupong ay nasa ilalim ng kanilang mga labi.”
14 “Ang(D) kanilang bibig ay punô ng panunumpa at kapaitan.”
15 “Ang(E) kanilang mga paa ay matutulin sa pagpapadanak ng dugo;
16 pagkawasak at kalungkutan ang nasa kanilang mga landas,
17 at ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nakilala.”
18 “Walang(F) takot sa Diyos sa kanilang mga mata.”
19 Ngayon ay nalalaman natin na anumang sinasabi ng kautusan, iyon ay sinasabi sa mga nasa ilalim ng kautusan; upang matahimik ang bawat bibig, at ang buong sanlibutan ay mapasailalim ng hatol ng Diyos.
20 Sapagkat(G) sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay “walang tao[a] na ituturing na ganap sa paningin niya,” sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan.
Ang Pag-aaring-ganap ng Diyos sa Tao
21 Subalit ngayon ay ipinahahayag ang pagiging matuwid ng Diyos na hiwalay sa kautusan at pinatotohanan ng kautusan at ng mga propeta;
22 ang(H) pagiging matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo sa lahat ng mga sumasampalataya. Sapagkat walang pagkakaiba,
23 yamang ang lahat ay nagkasala, at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos;
24 sila ngayon ay itinuturing na ganap ng kanyang biyaya bilang kaloob sa pamamagitan ng pagtubos na na kay Cristo Jesus;
25 na siyang inialay ng Diyos bilang handog na pantubos sa pamamagitan ng kanyang dugo na mabisa sa pamamagitan ng pananampalataya. Ito ay kanyang ginawa upang maipakita ang pagiging matuwid ng Diyos, sapagkat sa kanyang banal na pagtitiis ay kanyang pinalampas ang mga kasalanang nagawa sa nakaraan;
26 upang mapatunayan sa panahong kasalukuyan na siya'y matuwid at upang siya'y maging ganap at taga-aring-ganap sa taong mayroong pananampalataya kay Jesus.[b]
27 Kaya nasaan ang pagmamalaki? Ito'y hindi kasama. Sa pamamagitan ng anong kautusan? Ng mga gawa? Hindi, kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya.
28 Sapagkat pinaninindigan natin na ang tao ay itinuturing na ganap sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan.
29 O ang Diyos ba ay Diyos ng mga Judio lamang? Hindi ba Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, ng mga Hentil din naman;
30 yamang(I) iisa ang Diyos, na kanyang ituturing na ganap ang pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya, at ang di-pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya.
31 Kung gayon, pinawawalang-saysay ba natin ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari; kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan.