Roma 2
Ang Biblia, 2001
Ayon sa Katotohanan ang Hatol ng Diyos
2 Kaya't(A) wala kang maidadahilan, O tao, maging sino ka man na humahatol, sapagkat sa paghatol mo sa iba, ay ang iyong sarili ang hinahatulan mo; sapagkat ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng gayong mga bagay.
2 Subalit nalalaman natin na ang hatol ng Diyos sa kanila na nagsisigawa ng gayong mga bagay ay ayon sa katotohanan.
3 At inaakala mo ba ito, O tao, na humahatol sa mga gumagawa ng gayong mga bagay, at gayundin ang ginagawa mo, na ikaw ay makakatakas sa hatol ng Diyos?
4 O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kanyang kabutihan, pagtitiis, at pagtitiyaga na hindi mo nababatid na ang kabutihan ng Diyos ang umaakay sa iyo sa pagsisisi?
5 Ngunit ayon sa iyong katigasan at pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka para sa iyong sarili ng poot sa araw ng kapootan at pagpapahayag ng matuwid na paghuhukom ng Diyos.
6 Kanyang(B) gagantihan ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa:
7 sa kanila na sa pamamagitan ng pagtitiyaga sa mabubuting gawa, na naghahanap ng kaluwalhatian at karangalan at ng kawalan ng kasiraan, ay magbibigay siya ng buhay na walang hanggan;
8 samantalang sa kanila na makasarili at hindi sumusunod sa katotohanan, kundi bagkus ay sumusunod sa kasamaan ay para sa kanila ang poot at galit.
9 Magkakaroon ng hirap at pighati sa bawat kaluluwa ng tao na gumagawa ng kasamaan, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego;
10 subalit kaluwalhatian, karangalan, at kapayapaan sa bawat gumagawa ng mabuti, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego:
11 sapagkat(C) ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao.
12 Sapagkat ang lahat ng nagkasala nang walang kautusan ay mapapahamak din nang walang kautusan; at ang lahat ng nagkasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan hahatulan.
13 Sapagkat hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang ganap sa harapan ng Diyos, kundi ang tumutupad sa kautusan ay aariing-ganap.
14 Sapagkat kung ang mga Hentil na likas na walang kautusan ay gumagawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, bagaman walang kautusan, ay siyang kautusan sa kanilang sarili.
15 Kanilang ipinakita na ang hinihiling ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, na rito'y nagpapatotoo rin ang kanilang budhi, at ang kanilang mga pag-iisip ay nagbibintang o nagdadahilan sa isa't isa;
16 sa araw na hahatulan ng Diyos ang mga lihim ng mga tao ayon sa aking ebanghelyo, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo.
Ang mga Judio at ang Kautusan
17 Ngunit kung ikaw na tinatawag na Judio ay umaasa sa kautusan, at nagmamalaki sa Diyos,
18 at nakakaalam ng kanyang kalooban, at sumasang-ayon sa mga bagay na magagaling, palibhasa'y naturuan ka ng kautusan,
19 at nagtitiwala ka sa sarili na ikaw ay taga-akay ng mga bulag, isang ilaw ng mga nasa kadiliman,
20 tagasaway sa mga hangal, guro ng mga bata, na taglay sa kautusan ang pinakadiwa ng kaalaman at katotohanan;
21 ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo ba tuturuan ang iyong sarili? Ikaw na nangangaral sa tao na huwag magnakaw, nagnanakaw ka ba?
22 Ikaw na nagsasabing huwag mangalunya, nangangalunya ka ba? Ikaw na nasusuklam sa mga diyus-diyosan, ninanakawan mo ba ang mga templo?
23 Ikaw na nagmamalaki dahil sa kautusan, nilalapastangan mo ba ang Diyos sa pamamagitan ng paglabag sa kautusan?
24 “Sapagkat(D) ang pangalan ng Diyos ay nalalait sa mga Hentil dahil sa inyo,” gaya ng nasusulat.
25 Sapagkat tunay na may kabuluhan ang pagtutuli kung tinutupad mo ang kautusan; ngunit kung ikaw ay sumusuway sa kautusan, ang iyong pagtutuli ay nagiging di-pagtutuli.
26 Kaya't kung ang di-pagtutuli ay tumutupad sa mga itinatakda ng kautusan, hindi ba ibibilang na pagtutuli ang kanilang di pagtutuli?
27 Kaya't ang mga di-tuli sa laman, subalit tumutupad ng kautusan, ay hahatol sa iyo na may kautusang nakasulat at may pagtutuli ngunit sumusuway sa kautusan.
28 Sapagkat ang isang tao'y hindi Judio sa panlabas lamang; ni ang pagtutuli ay hindi panlabas o sa laman.
29 Kundi(E) ang isang tao'y Judio sa kalooban; at ang pagtutuli yaong sa puso, sa espiritu at hindi sa titik; ang kanyang pagpupuri ay hindi mula sa mga tao, kundi mula sa Diyos.