Roma 15
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Bigyang-kasiyahan ang Kapwa, Huwag ang Sarili
15 Tayong malalakas sa paniniwala ay dapat tumulong sa mahihina at huwag ang pansariling kasiyahan lamang ang ating isipin. 2 Sikapin nating lahat na itaguyod ang kapakanan ng ating kapwa para sa kanyang ikalalakas. 3 Sapagkat(A) maging si Cristo man ay hindi naghangad ng sariling kasiyahan subalit nagpaubaya; tulad ng nasusulat, “Ako ang binagsakan ng mga pag-alipusta na sa iyo ipinapatama.” 4 Anumang(B) nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakas ng loob mula sa kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa. 5 Ipagkaloob nawa ng Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng katatagan at lakas ng loob, na kayo'y mamuhay nang may pagkakaisa ayon kay Cristo Jesus, 6 upang sa gayon, nagkakaisa kayong magpupuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Magandang Balita ay para rin sa mga Hentil
7 Kung paanong kayo'y malugod na tinanggap ni Cristo, tanggapin ninyo ang isa't isa upang mapapurihan ang Diyos. 8 Sinasabi ko sa inyo, si Cristo'y naglingkod sa mga Judio upang patunayang ang Diyos ay tapat, at tumutupad sa mga pangako niya sa kanilang mga ninuno, 9 at(C) upang ang mga Hentil naman ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag. Tulad ng nasusulat,
“Kaya't sa gitna ng mga Hentil, ika'y aking pupurihin,
At aawitan ko ang iyong pangalan.”
10 Sinabi(D) rin,
“Magalak kayo mga Hentil, kasama ng kanyang bayan!”
11 At(E) muling sinabi,
“Magpuri kayo sa Panginoon, kayong mga Hentil,
lahat ng bansa ay magpuri sa kanya!”
12 Sinabi pa ni Isaias,
“May isisilang sa angkan ni Jesse,
upang maghari sa mga Hentil;
siya ang kanilang magiging pag-asa.”
13 Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Ang Dahilan ng Pagsulat ni Pablo
14 Mga kapatid, lubos akong naniniwalang kayo mismo ay puspos ng kabutihan at punô ng kaalaman, kaya't matuturuan na ninyo ang isa't isa. 15 Gayunman, sa sulat na ito'y naglakas-loob akong paalalahanan kayo tungkol sa ilang bagay. Ginawa ko ito dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin 16 upang maging lingkod ni Cristo Jesus at gumanap ng tungkulin gaya ng isang pari sa mga Hentil. Ipinapangaral ko sa kanila ang Magandang Balita ng Diyos upang sila'y maging handog na kalugud-lugod sa kanya, dahil sila ay ginawang banal ng Espiritu Santo. 17 Kaya't sa pakikiisa ko kay Cristo Jesus, maipagmamalaki ko ang aking paglilingkod sa Diyos. 18 Wala akong pinapangahasang ipagmalaki kundi ang ginawa ni Cristo upang maakit ang mga Hentil na sumunod sa Diyos sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa, 19 sa tulong ng mga himala at mga kababalaghan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos.[a] Kaya't mula sa Jerusalem hanggang sa Ilirico, ipinangaral ko ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. 20 Ang hangad ko'y ipangaral ito sa mga lugar na hindi pa nakikilala si Cristo, upang hindi ako magtayo sa pundasyon ng iba. 21 Subalit(F) tulad ng nasusulat,
“Makakakilala ang hindi pa nakakabalita tungkol sa kanya.
Makakaunawa ang hindi pa nakakarinig tungkol sa kanya.”
Ang Balak ni Pablong Dumalaw sa Roma
22 Iyan(G) ang dahilan kung bakit hindi ako matuluy-tuloy sa pagpunta sa inyo. 23 Ngunit ngayong tapos na ang gawain ko sa lupaing ito, at dahil matagal ko na ring gustong pumunta riyan, 24 inaasahan kong magkikita-kita tayo pagdaan ko riyan papuntang Espanya. Inaasahan ko ring ako'y tutulungan ninyong makarating doon matapos nating magkasama-sama nang sandaling panahon. 25 Ngunit(H) sa ngayon ay pupunta muna ako sa Jerusalem upang dalhin ang tulong sa mga kapatid roon. 26 Sapagkat minabuti ng mga taga-Macedonia at taga-Acaya na magpadala ng tulong para sa mga mahihirap na kapatid sa Jerusalem. 27 Malugod(I) nilang ginawa iyon, at talaga namang dapat nilang gawin. Dahil ang mga Hentil ay nakabahagi sa mga pagpapalang espirituwal ng mga Judio, marapat lamang na bahaginan nila ang mga Judio sa pamamagitan ng mga pagpapalang materyal. 28 Kaya't pagkabigay ko ng nasabing tulong sa mga kapatid sa Jerusalem, daraan ako riyan pagpunta ko sa Espanya. 29 Naniniwala akong pagpunta ko riyan ay taglay ko ang masaganang pagpapala ni Cristo.
30 Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, alang-alang sa ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig ng Espiritu, tulungan ninyo ako sa pamamagitan ng inyong taimtim na pananalangin para sa akin. 31 Idalangin ninyong maligtas ako mula sa mga taga-Judea na ayaw sumampalataya, at nawa'y tanggapin ng mga kapatid sa Jerusalem ang paglilingkod ko para sa kanila. 32 Sa gayon, kung loloobin ng Diyos,[b] masaya akong makakarating diyan at muling pasiglahin sa inyong piling. 33 Sumainyo nawa ang Diyos na pinagmumulan ng kapayapaan. Amen.
Roma 15
Ang Biblia, 2001
Bigyang-lugod ang Kapwa, Huwag ang Sarili
15 Kaya't tayong malalakas ay nararapat magtiis sa kahinaan ng mahihina, at hindi upang magbigay-lugod sa ating mga sarili.
2 Bawat isa sa atin ay magbigay-lugod sa kanyang kapwa para sa kanyang kabutihan, tungo sa ikatitibay niya.
3 Sapagkat(A) si Cristo man ay hindi nagbigay-lugod sa kanyang sarili; kundi gaya ng nasusulat, “Ang mga pag-alipusta ng mga umaalipusta sa iyo ay nahulog sa akin.”
4 Sapagkat ang anumang mga bagay na isinulat noong una ay isinulat upang tayo ay matuto, upang sa pamamagitan ng pagtitiyaga at sa pagpapasigla ng mga kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.
5 Ngayon, ipagkaloob nawa ng Diyos ng pagtitiis at kaaliwan, na kayo ay magkaisa ng pag-iisip sa isa't isa ayon kay Cristo Jesus,
6 upang kayo na may isang pag-iisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Ebanghelyo sa mga Hentil
7 Kaya't tanggapin ninyo ang isa't isa, gaya naman ni Cristo na tinanggap kayo sa ikaluluwalhati ng Diyos.
8 Sapagkat sinasabi ko na si Cristo ay naging lingkod sa pagtutuli upang ipakita ang katotohanan ng Diyos, upang kanyang mapagtibay ang mga pangako sa mga ninuno,
9 at(B) upang ang mga Hentil ay lumuwalhati sa Diyos dahil sa kanyang kahabagan, gaya ng nasusulat,
“Kaya't ikaw ay aking pupurihin sa gitna ng mga Hentil, at aawit ako ng papuri sa iyong pangalan.”
10 At(C) muling sinasabi niya,
“Magalak kayo, kayong mga Hentil, kasama ng kanyang bayan.”
11 At(D) muli,
“Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga Hentil; at purihin siya ng lahat ng mga bayan.”
12 At(E) muli, sinasabi ni Isaias,
“Darating ang ugat ni Jesse,
siya ang babangon upang maghari sa mga Hentil;
sa kanya aasa ang mga Hentil.”
13 Puspusin nawa kayo ng Diyos ng pag-asa, ng buong kagalakan at kapayapaan sa pananampalataya, upang kayo'y sumagana sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Ang Dahilan ng Ganitong Sulat ni Pablo
14 At ako naman sa aking sarili ay naniniwalang lubos tungkol sa inyo, mga kapatid ko, na kayo man ay punung-puno ng kabutihan, pinuspos ng lahat ng kaalaman, na may kakayahang magturo sa isa't isa.
15 Ngunit sa ibang bahagi ay sinulatan ko kayong may katapangan bilang pagpapaalala sa inyo, dahil sa biyayang sa akin ay ibinigay ng Diyos,
16 upang ako'y maging ministro ni Cristo Jesus sa mga Hentil, na naglilingkod sa banal na gawain sa ebanghelyo ng Diyos, upang ang paghahandog ng mga Hentil ay maging kalugud-lugod, yamang ito'y ginawang banal ng Espiritu Santo.
17 Kay Cristo Jesus, kung magkagayon, ay mayroon akong dahilan upang ipagmalaki ang tungkol sa aking gawain para sa Diyos.
18 Sapagkat hindi ako mangangahas magsalita ng anumang bagay, maliban sa mga ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko, upang sumunod ang mga Hentil, sa salita at sa gawa,
19 sa kapangyarihan ng mga tanda at ng mga kababalaghan, sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos;[a] kaya't buhat sa Jerusalem at sa palibot-libot hanggang sa Ilirico, ay aking ipinangaral na lubos ang ebanghelyo ni Cristo.
20 Kaya't ginawa kong mithiin na maipangaral ang ebanghelyo hindi doon sa naipakilala na si Cristo, upang hindi ako makapagtayo sa ibabaw ng pinagsaligan ng iba,
21 kundi,(F) gaya ng nasusulat,
“Silang hindi pa nabalitaan tungkol sa kanya ay makakakita, at silang hindi pa nakarinig ay makakaunawa.”
Ang Balak ni Pablo na Dumalaw sa Roma
22 Ito(G) ang dahilan kaya't madalas akong nahahadlangan sa pagpunta sa inyo.
23 Subalit ngayon, yamang ako ay wala nang lugar para sa gawain sa mga lupaing ito, at yamang matagal ko nang nais na pumunta sa inyo,
24 inaasahan kong makikita ko kayo sa aking paglalakbay patungo sa Espanya, at ako'y tutulungan ninyo patungo doon, pagkatapos makasama kayo na may kasiyahan nang kaunting panahon.
25 Ngunit(H) ngayon, ako'y patungong Jerusalem, upang maglingkod sa mga banal.
26 Sapagkat minabuti ng Macedonia at ng Acaia na gumawa ng isang ambagang laan sa mga dukha sa mga banal na nasa Jerusalem.
27 Ito'y(I) kalugud-lugod sa kanila; at sila ay may utang na loob sa kanila, sapagkat kung ang mga Hentil ay naging mga kabahagi sa kanilang mga bagay na espirituwal, nararapat naman nilang paglingkuran ang mga iyon sa mga bagay na ayon sa laman.
28 Kapag nagampanan ko na ito, at aking maibigay na sa kanila ang nalikom, magdaraan ako sa inyo patungong Espanya.
29 At nalalaman ko na pagpunta ko sa inyo, ay darating akong puspos ng pagpapala ng ebanghelyo ni Cristo.
30 Ngayo'y isinasamo ko sa inyo, mga kapatid, alang-alang sa ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa pag-ibig ng Espiritu, na kayo'y magsikap na kasama ko sa inyong mga panalangin sa Diyos para sa akin,
31 upang ako'y mailigtas sa mga hindi sumasampalataya na nasa Judea, at upang ang aking pamamahagi sa Jerusalem ay maging kalugud-lugod sa mga banal;
32 upang sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, ako'y makarating sa inyo na may kagalakan, at makapagpahingang kasama ninyo.
33 Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan ay sumainyo nawang lahat. Amen.
Footnotes
- Roma 15:19 Sa ibang mga kasulatan ay Espiritu Santo .
Roma 15
Ang Dating Biblia (1905)
15 Tayo ngang malalakas ay nararapat mangagbata ng kahinaan ng mahihina, at huwag tayong mangagbigay lugod sa ating sarili.
2 Bawa't isa sa atin ay magbigay lugod sa kaniyang kapuwa, sa kaniyang ikabubuti sa ikatitibay.
3 Sapagka't si Cristo man ay hindi nagbigay lugod sa kaniyang sarili; kundi gaya ng nasusulat, Ang mga pagalipusta ng mga nagsisialipusta sa iyo, ay nangahulog sa akin.
4 Sapagka't ang anomang mga bagay na isinulat nang una ay nangasulat dahil sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at pagaliw ng mga kasulatan ay mangagkaroon tayo ng pagasa.
5 Loobin nawa ng Dios ng pagtitiis at paggiliw, na kayo ay magkaisa ng pagiisip sa isa't isa ayon kay Cristo Jesus:
6 Upang kayo na may isang pagiisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo.
7 Sa ganito'y mangagtanggapan kayo, gaya naman ni Cristo na tinanggap kayo sa kaluwalhatian ng Dios.
8 Sapagka't sinasabi ko na si Cristo ay ginawang ministro ng pagtutuli dahil sa katotohanan ng Dios, upang kaniyang mapagtibay ang mga pangakong ibinigay sa mga magulang,
9 At upang ang mga Gentil ay makaluwalhati sa Dios dahil sa kaniyang kahabagan; gaya ng nasusulat, Kaya nga't ikaw ay aking pupurihin sa gitna ng mga Gentil. At aawit ako sa iyong pangalan.
10 At muling sinasabi niya, Makigalak kayo, kayong mga Gentil, sa kaniyang bayan.
11 At muli, Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga Gentil; At purihin siya ng lahat ng mga bayan.
12 At muli, sinasabi ni Isaias, Magkakaroon ng ugat kay Jesse, At siya'y lilitaw upang maghari sa mga Gentil; Ay sa kaniya magsisiasa ang mga Gentil.
13 Puspusin nga kayo ng Dios ng pagasa ng buong kagalakan at kapayapaan sa pananampalataya, upang kayo'y managana sa pagasa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.
14 At ako naman sa aking sarili ay naniniwalang lubos tungkol sa inyo mga kapatid ko, na kayo naman ay mangapuspos ng kabutihan, pinuspos ng lahat ng kaalaman, na ano pa't makapagpapaalaala naman kayo sa isa't isa.
15 Nguni't sinulatan ko kayo na may dakilang kalayaan na bilang pagpapaalaala sa inyo, dahil sa biyaya na sa akin ay ibinigay ng Dios,
16 Upang ako'y maging ministro ni Cristo Jesus sa mga Gentil, na nangangasiwa sa evangelio ng Dios, upang ang mga Gentil ay maging kalugodlugod na handog, palibhasa'y pinapaging banal ng Espiritu Santo.
17 Mayroon nga akong ipinagmamapuri kay Cristo Jesus sa mga bagay na nauukol sa Dios.
18 Sapagka't hindi ako nangangahas magsalita ng anomang mga bagay, maliban na sa mga ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko, sa pagtalima ng mga Gentil, sa salita at sa gawa,
19 Sa bisa ng mga tanda at ng mga kababalaghan, sa kapangyarihan ng Espiritu ng Dios; ano pa't buhat sa Jerusalem, at sa palibotlibot hanggang sa Ilirico, ay aking ipinangaral na lubos ang evangelio ni Cristo;
20 Aking nilayon na maipangaral ang evangelio, hindi doon sa napagbalitaan na kay Cristo, upang huwag akong magtayo sa ibabaw ng pinagsaligan ng iba;
21 Kundi, gaya ng nasusulat, Makakakita silang mga hindi dinatnan ng mga balita tungkol sa kaniya, At silang hindi nangakapakinig, ay mangakakatalastas.
22 Kaya't madalas namang napigil ako ng pagpariyan sa inyo:
23 Datapuwa't ngayon, na wala nang dako sa mga lupaing ito, at malaon nang panahong ako'y may nasang pumariyan sa inyo,
24 Pagparoon ko sa Espana ay paririyan ako (sapagka't inaasahan kong makikita ko kayo sa aking paglalakbay, at ako'y sasamahan ninyo patungo doon, pagkatapos na magkamit ng kaunting kasiyahan sa pakikisama sa inyo).
25 Nguni't ngayon, sinasabi ko, ako'y pasasa-Jerusalem, upang mamahagi sa mga banal.
26 Sapagka't minagaling ng Macedonia at ng Acaya na gumawa ng isang ambagang laan sa mga dukha sa mga banal na nasa Jerusalem.
27 Oo, ito'y kalugodlugod sa kanila; at sila'y may utang na loob sa kanila. Sapagka't kung ang mga Gentil ay naging mga kabahagi sa kanilang mga bagay na ayon sa Espiritu, nararapat naman nilang paglingkuran ang mga yaon sa mga bagay na ayon sa laman.
28 Kung maganap ko nga ito, at aking matatakan na sa kanila ang bungang ito, ay magdaraan ako sa inyong patungo sa Espana.
29 At nalalaman ko na, pagpariyan ko sa inyo, ay darating akong puspos ng pagpapala ng evangelio ni Cristo.
30 Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, alangalang sa Panginoon nating Jesucristo, at sa pagibig ng Espiritu, na kayo'y makipagsikap na kasama ko sa inyong mga pananalangin sa Dios patungkol sa akin;
31 Upang ako'y maligtas sa mga hindi nagsisisampalataya na nangasa Judea, at nang ang aking pamamahagi sa Jerusalem ay maging kalugodlugod sa mga banal;
32 Upang sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, ako'y makarating sa inyo na may kagalakan, at ako'y makipamahinga sa inyo.
33 Ngayon ang Dios ng kapayapaan ay sumainyo nawang lahat. Siya nawa.
Roma 15
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Bigyang-lugod ang Kapwa, Huwag ang Sarili
15 Tayong malalakas ang dapat magtiis sa mga kakulangan ng mga mahihina at huwag ang sarili ang bigyang kasiyahan. 2 Dapat na magsikap ang bawat isa sa atin na bigyang-kasiyahan ang ating kapwa sa kanyang kabutihan upang siya'y maging matatag. 3 Si (A) Cristo man ay hindi naghangad ng sariling kasiyahan. Sa halip, tulad ng nasusulat, “Sa akin bumagsak ang mga pag-alipusta nila sa iyo.” 4 Anumang isinulat noong una ay isinulat upang turuan tayo, nang sa gayon ay magkaroon tayo ng pag-asa sa pamamagitan ng pagtitiis at pagpapasigla na nagmumula sa Kasulatan. 5 Ang Diyos, na pinagmumulan ng tatag at sigla ang siya nawang magkaloob sa inyo ng pagkakasundo na naaayon kay Cristo Jesus. 6 Sa gayon, kayong nabuklod sa isang diwa, ay magpuring iisang tinig sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Ebanghelyo sa mga Judio at sa mga Hentil
7 Kaya't tanggapin ninyo ang isa't isa, kung paanong tinanggap kayo ni Cristo, upang luwalhatiin ang Diyos. 8 Sinasabi ko sa inyo na si Cristo ay naging lingkod ng mga Judio[a] upang ipakita ang katapatan ng Diyos at upang pagtibayin ang kanyang mga pangako sa mga ninuno, 9 at (B) upang ang mga Hentil ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag, gaya ng nasusulat,
“Kaya't kikilalanin kita sa gitna ng mga Hentil,
at aawitan ko ng papuri ang iyong pangalan.”
10 Sinabi rin, (C)
“Magdiwang kayo, mga Hentil, kasama ng kanyang bayan.”
11 At sinabi rin, (D)
“Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga Hentil;
at purihin siya ng lahat ng mga bansa.”
12 Sinabi (E) rin ni Isaias,
“Ang ugat ni Jesse ay sisibol,
upang maghari sa mga bansa, siya'y babangon;
Ang pag-asa ng mga Hentil, sa kanya itutuon.”
13 Ang Diyos ng pag-asa ang nawa'y magbuhos sa inyo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng pananampalataya, upang kayo'y mag-umapaw sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.
Ang Pagsusugo kay Pablo
14 Ako mismo ang lubos na naniniwala, mga kapatid ko, na kayo'y punung-puno ng kabutihan, ng lubos na kaalaman, at kaya ninyong magturo sa isa't isa. 15 Gayunman, sa ibang bahagi ng sulat na ito'y buong loob akong nagpapaalala sa inyo tungkol sa ibang bagay. Ginawa ko ito dahil sa biyayang ibinigay sa akin ng Diyos 16 upang maging lingkod ni Cristo Jesus sa mga Hentil. Isang banal na gawain ang aking pangangaral ng ebanghelyo, upang ang mga Hentil ay maging kalugud-lugod na handog sa Diyos, yamang sila ay ginawang banal ng Banal na Espiritu. 17 Dahil kay Cristo Jesus, ipinagmamalaki ko ang paglilingkod ko sa Diyos. 18 Hindi ako maglalakas-loob magsalita ng anumang bagay maliban sa ginawa ni Cristo sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa, upang akayin ang mga Hentil sa pagsunod sa Diyos, 19 sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga himala at mga kababalaghan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos.[b] Kaya't lubos kong naipangaral ang ebanghelyo ni Cristo mula sa Jerusalem at palibut-libot hanggang sa Ilirico. 20 Ang hangarin ko'y maipangaral ang ebanghelyo sa mga dakong hindi pa nakikilala si Cristo, upang hindi ako magtayo sa pundasyong inilagay ng iba. 21 Sa halip, (F) gaya ng nasusulat,
“Silang hindi pa nakababalita tungkol sa kanya ay makakikita,
at silang hindi pa nakaririnig ay makauunawa.”
Balak ni Pablo na Dumalaw sa Roma
22 Ito (G) ang dahilan kung bakit ako'y madalas na hindi matuloy sa pagpunta sa inyo. 23 Subalit ngayong wala nang lugar na maaari kong puntahan para sa gawain sa mga lupaing ito, at dahil maraming taon ko na ring nais na madalaw kayo, 24 inaasahan kong magkikita tayo pagdaan ko riyan patungong Espanya. Inaasahan ko ring matutulungan ninyo ako sa aking paglalakbay patungo roon, matapos tayong magkasama-sama nang kaunting panahon. 25 Samantala, papunta (H) ako ngayon sa Jerusalem, na may dalang tulong sa mga kapatid[c] doon. 26 Sapagkat minabuti ng mga taga-Macedonia at ng mga taga-Acaia na magkaloob ng tulong para sa mga dukhang kapatid na nasa Jerusalem. 27 Malugod (I) nilang ginawa iyon bilang pagtanaw ng utang na loob sa mga Judio. Sapagkat ang mga Hentil ay naging kabahagi sa mga pagpapalang espirituwal ng mga Judio, nararapat lamang nilang tulungan ang mga Judio sa mga bagay na materyal. 28 Kapag nagawa ko na ito, at natiyak kong natanggap na nila ang kaloob na ito, daraan ako sa inyo patungong Espanya. 29 At alam kong pagpunta ko riyan ay taglay ko ang masaganang pagpapala ni Cristo.
30 Nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig ng Espiritu, na samahan ninyo ako sa taimtim na pananalangin sa Diyos alang-alang sa akin. 31 Idalangin ninyong mailigtas ako sa mga hindi sumasampalataya na nasa Judea, at nawa'y tanggapin ng mga kapatid sa Jerusalem ang paglilingkod ko[d] para sa kanila. 32 Sa gayon, ayon sa kalooban ng Diyos, ay makarating nawa ako sa inyo nang may kagalakan, at magtamasa ng ginhawa na kasama ninyo. 33 Sumainyo nawang lahat ang Diyos ng kapayapaan. Amen.
Footnotes
- Roma 15:8 Sa Griyego, pagtutuli.
- Roma 15:19 Sa ibang manuskrito Espiritu Santo.
- Roma 15:25 Sa Griyego, banal.
- Roma 15:31 paglilingkod ko: Sa ibang matatandang manuskritopagdadala ng kaloob.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.