Roma 13
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Tungkulin sa mga Pinuno ng Bayan
13 Magpasakop kayong lahat sa mga namumuno sa pamahalaan. Sapagkat ang lahat ng pamahalaan ay nagmula sa Dios, at siya ang naglagay sa mga namumuno sa kanilang pwesto. 2 Kaya ang mga lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Dios, at dahil dito parurusahan niya sila. 3 Ang mga namumuno ay hindi dapat katakutan ng mga gumagawa ng mabuti. Ang dapat matakot sa kanila ay ang mga gumagawa ng masama. Kaya kung nais mo na wala kang ikatakot sa mga namumuno, gawin mo ang mabuti at pupurihin ka pa nila. 4 Sapagkat ang mga namumuno sa bayan ay mga lingkod ng Dios para sa ating ikabubuti. Pero kung gagawa ka ng masama, dapat kang matakot dahil may kapangyarihan silang parusahan ka. Silaʼy mga lingkod ng Dios na nagpaparusa sa mga gumagawa ng masama. 5 Kaya magpasakop kayo sa pamahalaan, hindi lang para maiwasan ang parusa kundi dahil ito ang nararapat gawin.
6 Iyan din ang dahilan kung bakit tayo nagbabayad ng buwis. Sapagkat ang mga namumuno ay lingkod ng Dios at inilalaan nila ang kanilang buong panahon sa pagtupad ng kanilang tungkulin. 7 Kaya ibigay ninyo ang nararapat ibigay. Bayaran ninyo ang inyong mga buwis, igalang ang dapat igalang, at parangalan ang dapat parangalan.
Tungkulin sa Isaʼt Isa
8 Huwag kayong mananatiling may utang kaninuman, maliban sa utang ng pagmamahalan. Sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay tumutupad sa Kautusan. 9 Ang mga kautusang, “Huwag kang mangangalunya, huwag kang papatay, huwag kang magnanakaw, huwag kang mag-iimbot,” at ang iba pang mga utos ay napapaloob sa iisang utos: “Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.” 10 Ang taong nagmamahal ay hindi gumagawa ng masama sa kanyang kapwa. Kaya kung nagmamahalan tayo, tinutupad natin ang buong Kautusan.
11 Dapat ninyong gawin ito dahil alam ninyong panahon na para gumising kayo. Sapagkat mas malapit na ngayon ang oras ng ating kaligtasan kaysa noong una, nang tayoʼy sumampalataya kay Jesu-Cristo. 12 Mag-uumaga na, kaya iwanan na natin ang mga gawain ng kadiliman at isuot na ang kabutihan bilang panlaban nating mga nasa liwanag. 13 Mamuhay tayo nang marangal dahil tayo ay nasa liwanag na. Huwag nating gawin ang paglalasing, magugulong kasiyahan, sekswal na imoralidad, kalaswaan, ang pag-aaway, at inggitan. 14 Sa halip, paghariin ninyo sa inyong buhay ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong pagbigyan ang inyong makamundong pagnanasa.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®