Roma 12
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Bagong Buhay kay Cristo
12 Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, ipinapakiusap ko sa inyo na ialay ninyo ang inyong mga katawan bilang handog na buháy, banal, at kalugud-lugod sa Kanya. Ito ang inyong karapat-dapat na pagsamba.[a] 2 Huwag kayong makiayon sa takbo ng kapanahunang ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Sa gayon, mapapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.
3 Ayon sa kaloob na aking tinanggap, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo na huwag ninyong ituring ang inyong sarili nang higit sa nararapat. Sa halip, ituring ninyo ang inyong sarili ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo. 4 Kung (A) paanong ang ating katawan ay binubuo ng maraming bahagi, at magkakaiba ang gawain ng bawat isa, 5 gayundin naman, kahit na tayo'y marami, tayo ay iisang katawan kay Cristo, at bawat isa ay bahagi ng isa't isa. 6 Mayroon (B) tayong mga kaloob na magkakaiba ayon sa biyayang ibinigay sa atin. Kung ang kaloob natin ay pagpapahayag ng propesiya, gamitin natin ito ayon sa sukat ng pananampalataya. 7 Kung paglilingkod, gamitin sa paglilingkod. Kung pagtuturo, sa pagtuturo. 8 Kung pagpapalakas ng loob, sa pagpapalakas ng loob. Kung pagbibigay ay bukas-palad sa pagbibigay. Kung pamumuno, mamuno nang buong sikap. Kung pagkakawanggawa, gawin ito nang masaya.
9 Maging lantay ang pag-ibig. Kamuhian ninyo ang masama at panindigan ang mabuti. 10 Maging mapagmahal sa isa't isa bilang tunay na magkakapatid, at pahalagahan ninyo ang inyong kapwa nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyong mga sarili. 11 Magpakasipag kayo at ang kalooba'y lalo pang pag-alabin sa paglilingkod sa Panginoon. 12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa pagdurusa, at maging matiyaga sa pananalangin. 13 Tulungan ninyo ang mga kapatid[b] na nangangailangan. Buksan ang inyong mga tahanan sa mga dayuhan. 14 Pagpalain (C) ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo at huwag sumpain. 15 Makigalak kayo sa mga nagagalak; makitangis sa mga umiiyak. 16 Magkaisa (D) kayo sa pag-iisip. Huwag kayong magmataas, sa halip ay makisama sa mga dukha.[c] Huwag ninyong ipalagay na napakagaling ninyo. 17 Huwag ninyong gantihan ang masama ng masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa paningin ng lahat. 18 Sa abot ng inyong makakaya, makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng tao. 19 Mga (E) minamahal, huwag kayong maghihiganti, sa halip ay bigyang-daan ang galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” 20 Ngunit, (F) “kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung siya'y nauuhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo nito ay parang malalagyan mo siya ng baga sa kanyang ulo.” 21 Huwag kang magpadaig sa masama, sa halip ay daigin mo ng mabuti ang masama.
Footnotes
- Roma 12:1 o paglilingkod.
- Roma 12:13 Sa Griyego, mga banal.
- Roma 12:16 makibagay maging sa mga dukha: O kaya'y ialay ninyo ang inyong sarili sa mga gawaing mababa.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.