Roma 12
Ang Biblia (1978)
12 Kaya nga, mga kapatid, (A)ipinamamanhik ko sa inyo, alangalang sa mga kahabagan ng Dios, na (B)inyong iharap ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, na kaayaaya sa Dios, na siya ninyong katampatang pagsamba.
2 At (C)huwag kayong magsiayon (D)sa sanglibutang ito: kundi magiba kayo (E)sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pagiisip, upang mapatunayan ninyo (F)kung alin ang mabuti at kaayaaya at lubos na kalooban ng Dios.
3 Sapagka't sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na sa akin ay ibinigay, sa bawa't tao sa inyo, na (G)huwag magisip sa kaniyang sarili ng totoong matayog kay sa nararapat niyang isipin; kundi magisip na may kahinahunan, (H)ayon sa kasukatan ng pananampalataya na ibinahagi ng Dios sa bawa't isa.
4 Sapagka't (I)kung paanong sa isang katawan ay mayroong tayong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ay hindi pareho ang gawain:
5 Ay gayon din tayo, na (J)marami, ay iisang katawan kay Cristo, at (K)mga sangkap na samasama sa isa't isa.
6 (L)At yamang may mga kaloob na nagkakaibaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin, kung (M)hula, ay manganghula tayo ayon sa kasukatan ng ating pananampalataya;
7 O kung ministerio, ay gamitin natin ang ating sarili sa ating ministerio; o ang nagtuturo, ay sa kaniyang pagtuturo;
8 O ang umaaral, ay sa kaniyang pagaral: ang namimigay, ay magbigay na may magandang-loob; ang nagpupuno, ay magsikap; ang nahahabag ay magsaya.
9 Ang pagibig ay maging walang pagpapaimbabaw. Kapootan ninyo ang masama; makisanib kayo sa mabuti.
10 Sa pagibig sa mga kapatid ay mangagmahalan kayo; sa kapurihan ay ipagpauna ng isa't isa ang iba;
11 Huwag mga tamad sa pagsusumikap; maningas sa espiritu; mapaglingkod sa Panginoon;
12 Mangagalak sa pagasa; magmatiisin sa kapighatian; (N)magmatiyagain sa pananalangin;
13 (O)Mapagdamay sa mga kailangan ng mga banal; maging mapagpatuloy.
14 Pagpalain ninyo (P)ang mga sa inyo'y nagsisiusig; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain.
15 Makigalak kayo sa (Q)nangagagalak; makiiyak kayo sa nagsisiiyak.
16 (R)Mangagkaisa kayo ng pagiisip. (S)Huwag ninyong ilagak ang inyong pagiisip sa mga bagay na kapalaluan, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. (T)Huwag kayong mga pantas sa inyong sariling mga haka.
17 (U)Huwag kayong mangagbayad sa kanino man ng masama sa masama. (V)Isipin ninyo ang mga bagay na kapuripuri sa harapan ng lahat ng mga tao.
18 Kung maaari, ayon sa inyong makakaya, ay (W)magkaroon kayo ng kapayapaan sa lahat ng mga tao.
19 Huwag kayong (X)mangaghigantihan, mga iniibig, kundi bigyan ninyong daan ang galit ng Dios: sapagka't nasusulat, (Y)Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.
20 Kaya't (Z)kung ang iyong kaaway ay magutom, pakanin mo; kung siya'y mauhaw, painumin mo: sapagka't sa paggawa mo ng gayon ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kaniyang ulo.
21 Huwag kang padaig sa masama, kundi bagkus daigin mo ng mabuti ang masama.
Roma 12
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Bagong Buhay kay Cristo
12 Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa habag ng Diyos, ipinapakiusap ko sa inyo na ialay ninyo ang inyong mga katawan bilang handog na buháy, banal, at kalugud-lugod sa Kanya. Ito ang inyong karapat-dapat na pagsamba.[a] 2 Huwag kayong makiayon sa takbo ng kapanahunang ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Sa gayon, mapapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.
3 Ayon sa kaloob na aking tinanggap, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo na huwag ninyong ituring ang inyong sarili nang higit sa nararapat. Sa halip, ituring ninyo ang inyong sarili ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo. 4 Kung (A) paanong ang ating katawan ay binubuo ng maraming bahagi, at magkakaiba ang gawain ng bawat isa, 5 gayundin naman, kahit na tayo'y marami, tayo ay iisang katawan kay Cristo, at bawat isa ay bahagi ng isa't isa. 6 Mayroon (B) tayong mga kaloob na magkakaiba ayon sa biyayang ibinigay sa atin. Kung ang kaloob natin ay pagpapahayag ng propesiya, gamitin natin ito ayon sa sukat ng pananampalataya. 7 Kung paglilingkod, gamitin sa paglilingkod. Kung pagtuturo, sa pagtuturo. 8 Kung pagpapalakas ng loob, sa pagpapalakas ng loob. Kung pagbibigay ay bukas-palad sa pagbibigay. Kung pamumuno, mamuno nang buong sikap. Kung pagkakawanggawa, gawin ito nang masaya.
9 Maging lantay ang pag-ibig. Kamuhian ninyo ang masama at panindigan ang mabuti. 10 Maging mapagmahal sa isa't isa bilang tunay na magkakapatid, at pahalagahan ninyo ang inyong kapwa nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyong mga sarili. 11 Magpakasipag kayo at ang kalooba'y lalo pang pag-alabin sa paglilingkod sa Panginoon. 12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa pagdurusa, at maging matiyaga sa pananalangin. 13 Tulungan ninyo ang mga kapatid[b] na nangangailangan. Buksan ang inyong mga tahanan sa mga dayuhan. 14 Pagpalain (C) ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo at huwag sumpain. 15 Makigalak kayo sa mga nagagalak; makitangis sa mga umiiyak. 16 Magkaisa (D) kayo sa pag-iisip. Huwag kayong magmataas, sa halip ay makisama sa mga dukha.[c] Huwag ninyong ipalagay na napakagaling ninyo. 17 Huwag ninyong gantihan ang masama ng masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa paningin ng lahat. 18 Sa abot ng inyong makakaya, makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng tao. 19 Mga (E) minamahal, huwag kayong maghihiganti, sa halip ay bigyang-daan ang galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” 20 Ngunit, (F) “kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung siya'y nauuhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo nito ay parang malalagyan mo siya ng baga sa kanyang ulo.” 21 Huwag kang magpadaig sa masama, sa halip ay daigin mo ng mabuti ang masama.
Footnotes
- Roma 12:1 o paglilingkod.
- Roma 12:13 Sa Griyego, mga banal.
- Roma 12:16 makibagay maging sa mga dukha: O kaya'y ialay ninyo ang inyong sarili sa mga gawaing mababa.
Roma 12
Ang Salita ng Diyos
Mga Haing Buhay
12 Kaya nga, mga kapatid, sa pamamagitan ng mga kaawaan ng Diyos, ako ay namamanhik sa inyo. Iharap ninyo ang inyong mga katawan sa Diyos bilang isang haing buhay, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang inyong katampatang paglilingkod.
2 Huwag ninyong iayon ang inyong mga sarili sa kapanahunang ito. Sa halip ay mabago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong isipan. Ito ay upang masuri ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.
3 Ito ay sapagkat sa pamamagitan ng biyaya na ibinigay sa akin, sinasabi ko sa inyong lahat: Huwag kayong mag-isip ng higit pa sa dapat ninyong isipin patungkol sa inyong sarili. Subalit mag-isip kayo sa wastong pag-iisip ayon sa sukat ng pananampalataya na ibinahagi ng Diyos sa bawat isa. 4 Ito ay sapagkat sa isang katawan ay mayroon tayong maraming bahagi. Ngunit ang mga bahaging ito ay may iba’t ibang gamit. 5 Gayundin tayo, na bagamat marami, ay iisang katawan kay Cristo. Ang bawat isa ay bahagi ng ibang bahagi. 6 Ngunit mayroon tayong iba’t ibang kaloob ayon sa biyaya na ibinigay ng Diyos sa atin. Kung ito man ay paghahayag ng salita ng Diyos, siya ay maghayag ayon sa sukat ng bahagi ng pananampalataya. 7 Kung ang kaloob ay paglilingkod, paglingkurin siya. Kung ito ay sa pagtuturo, pagturuin siya. 8 Kung ito ay sa pagpapayo, pagpayuhin siya. Kung ito ay sa pagbibigay, magbigay siya ng may katapatan. Kung ito ay sapangunguna, papangunahin siyang may kasigasigan. Kung ito ay pagkamahabagin, mahabag siyang may kasiyahan.
Pag-ibig
9 Ang pag-ibig ay dapat walang pakunwari. Kapootan ninyo ang masama. Manangan kayo sa mabuti.
10 Maging magiliwin kayo sa isa’t isa tulad ng pag-ibig ninyo sa magkakapatid. Igalang ninyo ang isa’t isa nang higit pa inyong sarili. 11 Huwag maging tamad sa halip ay maging masigasig. Maging maningas kayo sa Espiritu, na naglilingkod sa Panginoon. 12 Magalak sa pag-asa. Sa inyong paghihirap, maging matiisin. Sa inyong pananalangin, magpatuloy kayong matatag. 13 Magbigay sa pangangailangan ng mga banal. Ipagpatuloy ang pagtanggap sa mga bisita.
14 Pagpalain ninyo sila na umuusig sa inyo. Pagpalain ninyo sila at huwag silang sumpain. 15 Makigalak kayo sa kanila na nagagalak at makiiyak sa kanila na umiiyak. 16 Magkaroon kayo ng iisang kaisipan. Huwag kayong mag-isip nang may kapalaluan sa inyong mga sarili. Sa halip, makisalamuha kayo sa mga taong mapagpakumbaba. Huwag ninyong ipalagay ang inyong mga sarili na matatalino.
17 Huwag kayong gumanti ng masama sa masama sa sinuman. Magkaloob nga kayo ng mga mabubuting mga bagay sa harap ng mga tao. 18 Kung maaari, yamang ito ay nasasainyo, mamuhay kayong may kapayapaan sa lahat ng tao. 19 Mga minamahal, huwag kayong maghiganti, sa halip, bigyan ninyo ng puwang ang galit ng Diyos sapagkat nasusulat:
Ang paghihiganti ay sa akin, pagbabayarin ko sila sa kanilang ginawa.
Ito ang sinabi ng Panginoon.
20 Kaya nga:
Kapag nagutom ang inyong kaaway, pakainin mo siya. Kapag nauhaw siya, painumin mo siya sapagkat kapag ginawa mo ito, bubuntunan mo ng nagbabagang uling ang kaniyang ulo.
21 Huwag magpatalo sa masama, sa halip, talunin mo ng mabuti ang masama.
Roma 12
Ang Biblia, 2001
Pamumuhay Cristiano
12 Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buháy, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod.[a]
2 Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito; kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kasiya-siya, at lubos na kalooban ng Diyos.
3 Sapagkat sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na ibinigay sa akin, na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip sa kanyang sarili nang higit kaysa nararapat niyang isipin; kundi mag-isip nang may katinuan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinamahagi ng Diyos sa bawat isa.
4 Sapagkat(A) kung paanong sa isang katawan ay mayroon tayong maraming mga bahagi, at ang mga bahagi ay hindi magkakatulad ang gawain;
5 kaya't tayo na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga bahagi na sama-sama sa isa't isa.
6 Tayo(B) ay may mga kaloob na magkakaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin: kung propesiya ay gamitin ito ayon sa sukat ng pananampalataya;
7 kung paglilingkod ay sa paglilingkod, o ang nagtuturo ay sa pagtuturo;
8 o ang nangangaral ay sa pangangaral; ang nagbibigay ay magbigay na may magandang-loob; ang namumuno ay may pagsisikap; ang mahabagin ay may kasiglahan.
9 Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kapootan ninyo ang masama; panghawakan ang mabuti.
10 Magmahalan kayo na may pag-ibig bilang magkakapatid; sa pagpaparangal sa iba ay mag-unahan kayo,
11 huwag maging tamad sa pagsisikap, maging maalab sa espiritu, na naglilingkod sa Panginoon.
12 Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa kapighatian, matiyaga sa pananalangin.
13 Magbigay sa mga pangangailangan ng mga banal at magmagandang-loob sa mga dayuhan.
14 Pagpalain(C) ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain.
15 Makigalak kayo sa mga nagagalak; makiiyak kayo sa mga umiiyak.
16 Magkaisa(D) kayo ng pag-iisip. Huwag ninyong ituon ang inyong pag-iisip sa mga palalong bagay, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong magmagaling sa inyong mga sarili.
17 Huwag ninyong gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuri-puri sa harapan ng lahat ng mga tao.
18 Kung maaari, hanggang sa inyong makakaya, ay makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng mga tao.
19 Mga(E) minamahal, huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, kundi ipaubaya iyon sa galit ng Diyos; sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.”
20 Kaya't(F) “kung ang iyong kaaway ay magutom, pakainin mo; kung siya'y mauhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo ng ganito ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kanyang ulo.”
21 Huwag kang padaig sa masama, kundi daigin mo ng mabuti ang masama.
Footnotes
- Roma 12:1 o pagsamba .
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Copyright © 1998 by Bibles International
