Pahayag 3
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Mensahe para sa Sardis
3 “At sa anghel ng iglesya sa Sardis, isulat mo: Ito ang mga sinasabi niya na may pitong espiritu ng Diyos at pitong bituin:
“Alam ko ang iyong mga gawa, kilala ka bilang buháy, subalit ikaw ay patay. 2 Gumising ka, palakasin mo ang natitira sa iyo na malapit nang mamatay, sapagkat natagpuan kong kulang ang iyong mga gawa sa paningin ng aking Diyos. 3 Kaya't (A) alalahanin mo ang iyong tinanggap at narinig; gawin mo ito, at magsisi ka. Kung hindi ka gigising, darating akong parang magnanakaw, at hindi mo alam kung anong oras ako darating. 4 Subalit mayroon pang ilan sa Sardis na ang mga damit ay walang bahid; lalakad silang nakaputi kasama ko, sapagkat sila'y karapat-dapat. 5 Ang (B) nagtatagumpay ay magdadamit ng puti, at kailanma'y hindi ko buburahin ang pangalan niya sa aklat ng buhay. Kikilalanin ko ang pangalan niya sa harap ng aking Ama at ng kanyang mga anghel. 6 Makinig ang may pandinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.
Ang Mensahe para sa Filadelfia
7 (C) “At sa anghel ng iglesya sa Filadelfia, isulat mo:
Ito ang sinasabi ng banal, at ng totoo,
na may hawak ng susi ni David,
na nagbubukas at walang makapagsasara,
na nagsasara at walang makapagbubukas:
8 “Alam ko ang mga gawa mo. Tingnan mo, naglagay ako sa harapan mo ng isang bukás na pinto, na walang sinumang makapagsasara nito. Maliit lang ang iyong kapangyarihan, gayon ma'y tinupad mo ang aking salita at hindi mo ikinaila ang aking pangalan. 9 Tingnan (D) mo ang mga kabilang sa sinagoga ni Satanas na nagsasabing sila'y mga Judio ngunit hindi naman, at nagsisinungaling lamang—papupuntahin ko sila sa inyo at pasasambahin sa inyong paanan, at malalaman nilang ikaw ang aking minahal. 10 Dahil tinupad mo ang sinabi kong ikaw ay magtiis, ilalayo kita sa oras ng pagsubok na paparating sa buong sanlibutan upang subukin ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa. 11 Darating ako agad; manindigan ka sa anumang nasa iyo, nang sa gayon ay walang makaagaw ng iyong korona. 12 Ang (E) nagtatagumpay ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Diyos; at hindi na siya lalabas mula roon. Isusulat ko sa kanya ang pangalan ng aking Diyos, at ang pangalan ng lungsod ng aking Diyos, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit ng aking Diyos, at ang bago kong pangalan. 13 Makinig ang sinumang may pandinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.
Ang Mensahe para sa Laodicea
14 (F) “At sa anghel ng iglesya sa Laodicea, isulat mo: Ang sinasabi ng Amen, ang tapat at totoong saksi, ang pinagmulan ng mga nilikha ng Diyos:
15 “Alam ko ang mga gawa mo; hindi ka malamig ni mainit. Nais ko sanang ikaw ay malamig o kaya'y mainit. 16 Kaya dahil ikaw ay maligamgam, hindi malamig ni mainit man, iluluwa kita. 17 Sapagkat sinasabi mo, ‘Mayaman ako, masagana, at wala nang kailangan pa.’ Hindi mo alam na ikaw ay aba, kawawa, dukha, bulag, at hubad. 18 Kaya't, pinapayuhan kita na bumili sa akin ng gintong dinalisay sa apoy para yumaman ka, at ng puting kasuotan na maidadamit sa iyo upang hindi malantad ang nakahihiya mong kahubaran, at bumili ka rin ng gamot na pampahid sa iyong mga mata upang makakita ka. 19 Sinasaway (G) ko at dinidisiplina ang mga minamahal ko. Kaya magsikap ka at magsisi. 20 Narito ako! Ako'y nakatayo sa may pintuan at kumakatok; sinumang makinig sa aking tinig at magbukas ng pintuan, papasok ako sa kanya at kakaing kasalo niya, at siya'y kasalo ko. 21 Ang nagtatagumpay ay bibigyan ko ng karapatang makasama ko sa aking trono, kung paanong nagtagumpay ako at umupo kasama ng aking Ama sa kanyang trono. 22 Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.