Pahayag 11
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Dalawang Saksi
11 Pagkatapos (A) nito may nagbigay sa akin ng isang panukat na parang tungkod na nagsasabi, “Tumayo ka at sukatin mo ang templo ng Diyos, at ang dambana, pati ang mga sumasamba doon. 2 Ngunit (B) huwag mong sukatin ang patyo sa labas ng templo; hayaan mo na iyon, sapagkat ipinaubaya iyon sa mga bansa. Kanilang tatapak-tapakan ang mga banal na lungsod sa loob ng apatnapu't dalawang taon. 3 Bibigyan ko ng kapangyarihang magpahayag ng propesiya sa loob ng 1,260 araw ang aking dalawang saksi na nakasuot ng damit panluksa.”
4 Ang (C) mga saksing ito'y ang dalawang puno ng olibo at dalawang ilawang nakatayo sa harap ng Panginoon ng lupa. 5 Kung may magtangkang saktan sila, lalabas sa kanilang bibig ang apoy na lalamon sa kanilang mga kaaway. Sinumang magtatangkang saktan sila ay papatayin sa ganitong paraan. 6 Sila'y (D) may kapangyarihang isara ang langit upang huwag umulan sa mga araw na nagpapahayag sila ng propesiya. At mayroon din silang kapangyarihang gawing dugo ang tubig at bigyan ng anumang uri ng salot ang lupa, anumang oras nila ito naisin.
7 Nang matapos (E) na nila ang kanilang patotoo, makikipagdigmaan sa kanila ang hayop na umahon mula sa walang hangganang kalaliman, dadaigin at papatayin sila nito. 8 (F) Ang kanilang mga bangkay ay ikakalat sa lansangan ng malaking lungsod, na sa pananalitang espirituwal ay Sodoma at Ehipto, kung saan ang kanilang Panginoon ay ipinako sa krus. 9 Sa loob ng tatlo't kalahating araw ay pagmamasdan ng mga taong mula sa mga bayan, mga lipi, mga wika, at mga bansa ang mga bangkay at hindi nila pahihintulutang mailibing ang mga ito. 10 Ang mga naninirahan sa lupa ay magagalak sa sinapit ng dalawang saksi. Magdiriwang sila at magpapalitan ng mga handog, sapagkat pinahirapan ng dalawang propetang ito ang mga naninirahan sa lupa.
11 At pagkatapos (G) ng tatlo't kalahating araw, pumasok sa kanila ang hininga ng buhay na mula sa Diyos. Nagtayuan sila, at nangibabaw sa mga nakakita ang matinding takot. 12 At pagkatapos (H) narinig nila ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi, “Umakyat kayo rito!” Kaya sa ibabaw ng isang ulap ay umakyat sila sa langit, habang minamasdan sila ng kanilang mga kaaway. 13 Nang (I) oras ding iyon ay lumindol nang malakas, at nagiba ang ikasampung bahagi ng lungsod. Pitong libong tao ang namatay sa lindol, at ang iba nama'y natakot at nagbigay-papuri sa Diyos ng kalangitan.
14 Naganap na ang ikalawang malagim na pangyayari. Ang ikatlo'y malapit nang maganap.
Ang Ikapitong Trumpeta
15 Pagkatapos, hinipan (J) ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, at sa langit ay narinig ang malalakas na tinig na nagsasabi,
“Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon
at ng kanyang Cristo,
at maghahari siya magpakailanman.”
16 At ang dalawampu't apat na matatanda na nakaupo sa kanilang trono sa harapan ng Diyos ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos. 17 Wika nila,
“Salamat po, Panginoon naming Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
na siyang ngayon, at noon,
sapagkat tinaglay mo ang iyong dakilang kapangyarihan
at nagsimula nang maghari.
18 Nagalit (K) ang mga bansa,
ngunit dumating ang iyong poot
at ang panahon upang hatulan ang mga patay,
at upang gantimpalaan ang iyong mga lingkod na mga propeta at mga banal
at lahat silang natatakot sa iyong pangalan,
maging mga hamak o mga dakila,
at upang puksain silang mga pumipinsala sa mundo.”
19 Pagkatapos ay (L) nabuksan ang templo ng Diyos sa langit, at nahayag ang kaban ng tipan. Gumuhit ang mga kidlat, nagkaingay, dumagundong ang mga kulog, lumindol, at umulan ng mga tipak ng yelo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.