Salmo 29
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Makapangyarihang Tinig ng Panginoon
29 Purihin ang Panginoon, kayong mga anak ng makapangyarihang Dios.[a]
Purihin siya sa kanyang kadakilaan at kapangyarihan.
2 Papurihan ang Panginoon ng mga papuring nararapat sa kanyang pangalan.
Sambahin ninyo siya sa kanyang banal na presensya.
3 Ang tinig ng Panginoong Dios na makapangyarihan ay dumadagundong
na parang kulog sa ibabaw ng malalakas na alon ng karagatan.
4 Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan at kagalang-galang.
5 Ang tinig ng Panginoon ay makakabali
at makakapagpira-piraso ng pinakamatibay na mga puno ng sedro sa Lebanon.
6 Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang mga bundok sa Lebanon
at ang bundok ng Hermon[b], na parang bisirong baka na tumatalon-talon.
7 Ang tinig ng Panginoon ang nagpapakidlat.
8 Ang tinig din ng Panginoon ang nagpapayanig sa Disyerto ng Kadesh.
9 Sa tinig ng Panginoon, napapagalaw ang mga puno ng ensina,[c]
at nalalagas ang mga dahon sa kagubatan.
At ang lahat ng nasa templo ay sumisigaw,
“Ang Dios ay makapangyarihan!”
10 Ang Panginoon ang may kapangyarihan sa mga baha.
Maghahari siya magpakailanman.
11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng kalakasan sa kanyang mga mamamayan,
at pinagpapala niya sila ng mabuting kalagayan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®