Pahayag 8
Ang Salita ng Diyos
Ang Ikapitong Selyo at ang Ginintuang Sunugan ng Insenso
8 At nang buksan niya ang ikapitong selyo, tumahimik sa langit nang may kalahating oras.
2 At nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Diyos. Binigyan sila ng pitong trumpeta.
3 At isa pang anghel ang dumating at tumayo sa tabing dambana. Siya ay may taglay na gintong suuban ng kamangyan. Binigyan siya ng maraming kamangyan upang ihandog niya itong kasama ng mga panalangin ng lahat ng banal sa ginintuang dambana na nasa harapan ng trono. 4 Ang usok ng kamangyan, kasama ang mga panalangin ng mga banal ay pumailanglang sa harapan ng Diyos mula sa kamay ng anghel. 5 Kinuha ng anghel ang suuban ng kamangyan at pinuno ito ng apoy na mula sa dambana. Inihagis niya ito sa lupa. Nagkaroon ng ingay, kulog, kidlat at lindol.
Ang mga Trumpeta
6 Inihanda ng pitong anghel, na may pitong trumpeta, ang kanilang mga sarili upang hipan ang kanilang mga trumpeta.
7 Hinipan ng unang anghel ang kaniyang trumpeta. Bumagsak ang graniso at apoy na may kahalong dugo. Inihagis ito sa lupa. Ika-tatlong bahagi ng mga punong-kahoy ang nasunog at lahat ng sariwang damo ay nasunog.
8 Hinipan ng pangalawang anghel ang kaniyang trumpeta. At isang katulad ng malaking bundok na nagliliyab, ito ay itinapon sa dagat. At ang ika-tatlong bahagi ng dagat ay naging dugo. 9 At ang ika-tatlong bahagi ng mga buhay na nilalang na nasa dagat ang namatayat ang ika-tatlong bahagi ng mga sasakyang dagat ay nawasak.
10 Hinipan ng pangatlong anghel ang kaniyang trumpeta. Isang malaking bituin ang bumagsak mula sa langit na nagniningas na katulad ng isang ilawan. At ito ay bumagsak sa ikatlong bahagi sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig. 11 Ang pangalan ng bituin ay Kapaitan. Ang ika-tatlong bahagi ng tubig ay pumait. Maraming tao ang namatay dahil pumait ang tubig.
12 Hinipan ng pang-apat na anghel ang kaniyang trumpeta. Napinsala ang ika-tatlong bahagi ng araw at ang ika-tatlong bahagi ng buwan at ang ika-tatlong bahagi ng mga bituin upang magdilim ang ika-tatlong bahagi nito at ang ika-tatlong bahagi ng isang araw ay hindi magliliwanag at gayundin ng sa gabi.
13 At nakita ko at narinig ang isang anghel na lumilipad sa gitna ng langit na nagsasabi sa malakas na tinig: Sa aba, sa aba, sa aba sa kanila na naninirahan sa lupa dahil sa nananatili pang tunog ng trumpeta ng tatlong anghel na kanila pang hihipan.
Copyright © 1998 by Bibles International