Pahayag 21:1-8
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa
21 Pagkatapos nito, nakita ko ang bagong langit at ang bagong lupa. Naglaho na ang dating langit at lupa, pati na rin ang dagat. 2 At nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit galing sa Dios. Ang lungsod na iyon ay tulad ng isang babaeng ikakasal. Handang-handa na, at gayak na gayak sa pagsalubong sa lalaking mapapangasawa niya. 3 Narinig ko ang isang malakas na sigaw mula sa trono, “Ngayon, ang tahanan ng Dios ay nasa piling na ng mga tao! Mananahan na siyang kasama nila. Silaʼy magiging mga mamamayan niya. At siyaʼy makakapiling na nila [at magiging Dios nila.] 4 Papahirin niya ang mga luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, kalungkutan, iyakan o sakit. Sapagkat lumipas na ang dating kalagayan.”
5 At sinabi ng nakaupo sa trono, “Binabago ko na ngayon ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo ang sinasabi ko dahil totoo ito at maaasahan.” 6 At sinabi pa niya, “Naganap na ang lahat! Ako ang Alpha at ang Omega, na ang ibig sabihin, ang simula at ang katapusan ng lahat. Ang sinumang nauuhaw ay paiinumin ko nang walang bayad sa bukal na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. 7 Ang mga magtatagumpay ay gagawin kong mga anak ko, at akoʼy magiging Dios nila. 8 Pero nakakatakot ang sasapitin ng mga duwag, mga ayaw sumampalataya sa akin, marurumi ang gawain, mga mamamatay-tao, mga imoral, mga mangkukulam, mga sumasamba sa mga dios-diosan, at lahat ng sinungaling. Itatapon sila sa nagliliyab na lawang apoy at asupre, na siyang ikalawang kamatayan.”
Read full chapterAng Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®