Pahayag 2
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Mensahe para sa Efeso
2 “Sa anghel ng iglesya ng Efeso, isulat mo: Ito ang sinasabi niya na may hawak ng pitong bituin sa kanyang kanang kamay, na naglalakad sa gitna ng pitong gintong ilawan: 2 ‘Alam ko ang iyong mga gawa, ang iyong pagpapagal at ang iyong pagtitiis. Alam kong hindi mo kayang palampasin ang masasama. Sinubok mo ang mga nag-aangking sila ay mga apostol, ngunit hindi pala at natuklasan mong sila'y mga huwad. 3 Ikaw rin ay matiyagang nagpapatuloy at nagpapasakit alang-alang sa aking pangalan, at hindi ka nanlupaypay. 4 Subalit mayroon akong isang bagay na laban sa iyo, na iniwan mo ang una mong pag-ibig. 5 Kaya alalahanin mo ang kinalalagyan mo bago ka nahulog. Magsisi ka, at muli mong gawin ang mga bagay na ginawa mo noong una. Kung hindi, pupuntahan kita at tatanggalin ko ang iyong ilawan sa kinalalagyan nito, at ito'y kung hindi ka magsisisi. 6 Ngunit ito naman ang mayroon ka: kinamumuhian mo ang mga gawain ng mga Nicolaita, na kinamumuhian ko rin. 7 (A) Makinig ang sinumang may pandinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Sa sinumang magtagumpay, ibibigay ko sa kanya ang karapatang kumain mula sa puno ng buhay na nasa paraiso ng Diyos.’
Ang Mensahe para sa Smirna
8 (B) “At sa anghel ng iglesya sa Smirna, isulat mo: Ito ang sinasabi niya na una at huli, na namatay at nabuhay: 9 ‘Alam ko ang iyong pagdurusa at ang iyong pagiging dukha, bagaman ikaw ay mayaman. Alam ko ang paninira sa iyo ng mga nagsasabing sila ay mga Judio ngunit hindi naman, kundi isang sinagoga ni Satanas. 10 Huwag kang matakot sa pagdurusang malapit mo nang maranasan. Mag-ingat kayo dahil malapit nang itapon ng diyablo ang ilan sa inyo sa bilangguan upang kayo ay subukin. At sa loob ng sampung araw ay magdurusa kayo. Maging tapat ka hanggang kamatayan at igagawad ko sa iyo ang korona ng buhay. 11 Sinumang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Ang magtagumpay ay hindi kailanman magdurusa ng ikalawang kamatayan.’
Ang Mensahe para sa Pergamo
12 “At sa anghel ng iglesya sa Pergamo, isulat mo: Ito ang sinasabi niya na may tabak na may dalawang talim na matalas:
13 “Alam ko kung saan ka naninirahan doon, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas. Gayunma'y nananatili kang tapat sa aking pangalan, at hindi mo itinakwil ang pananampalataya sa akin maging noong mga araw ng tapat kong saksi na si Antipas, na pinatay diyan sa inyo na tinitirhan ni Satanas. 14 Subalit (C) mayroon akong ilang bagay laban sa iyo: ikaw ay may ilan na naninindigan sa turo ni Balaam, na nagturo kay Balak na maglagay ng dahilan upang magkasala ang Israel at kumain ng pagkaing inialay sa diyus-diyosan at makiapid. 15 Mayroon din sa iyo na naninindigan sa turo ng mga Nicolaita. 16 Kaya magsisi ka. Kung hindi, pupuntahan kita agad at makikipagdigma sa kanila gamit ang tabak ng aking bibig. 17 Ang (D) sinumang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya, ang magtagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong manna. Bibigyan ko rin siya ng puting bato na may bagong pangalan na nakasulat dito, na walang nakakaalam kundi ang tumatanggap lamang nito.
Ang Mensahe para sa Tiatira
18 “At sa anghel ng iglesya sa Tiatira, isulat mo: Ito ang sinasabi ng Anak ng Diyos na may mga matang tila nagniningas na apoy, at ang kanyang mga paa ay tila pinakintab na tanso.
19 “Alam ko ang mga gawa mo—ang iyong pag-ibig, pananampalataya, paglilingkod, at pagtitiis. Alam kong ang mga huli mong ginawa ay higit kaysa una. 20 Subalit (E) mayroon akong bagay na laban sa iyo: hinahayaan mo ang babaing si Jezebel, na nagsasabing siya'y propeta. Sa pagtuturo ay inililigaw niya ang mga lingkod ko upang makiapid at kumain ng pagkaing inialay sa diyus-diyosan. 21 Binigyan ko siya ng panahon upang magsisi, subalit tumanggi siyang magsisi sa kanyang pakikiapid. 22 Tandaan mo, iraratay ko siya sa higaan ng karamdaman, maging ang mga nakiapid sa kanya ay itatapon ko rin sa matinding pagdurusa, maliban kung pagsisihan nila ang kanyang mga gawa. 23 Tiyak na papatayin (F) ko ang kanyang mga anak. At malalaman ng lahat ng mga iglesya na ako ang sumisiyasat ng mga kaisipan at mga puso. Bibigyan ko ang bawat isa sa inyo ng nararapat sa inyong mga gawa. 24 Ngunit sinasabi ko sa iba sa inyo riyan sa Tiatira na hindi naninindigan sa turong ito, at hindi natutuhan ang tinatawag ng ilan na ‘Malalalim na bagay ni Satanas’, hindi ako maglalagay ng iba pang pasanin sa inyo, 25 manindigan ka lang hanggang sa pagdating ko. 26 Sa (G) sinumang nagtatagumpay at nagpapatuloy sa paggawa ng mga gawain ko hanggang sa katapusan,
Bibigyan ko siya ng kapangyarihan sa mga bansa;
27 upang mamuno sa kanila gamit ang isang pamalong bakal,
upang duruging parang mga pasô—
28 gaya ng pagtanggap ko ng kapangyarihan mula sa aking Ama. Ibibigay ko rin sa kanya ang bituin sa umaga. 29 Makinig ang sinumang may tainga sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.