Pahayag 17
Ang Dating Biblia (1905)
17 At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok, at nagsalita sa akin, na nagsasabi, Pumarito ka, ipakikita ko sa iyo ang hatol sa bantog na patutot na nakaupo sa maraming tubig;
2 Na siyang pinakiapiran ng mga hari sa lupa, at ang mga nananahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kaniyang pakikiapid.
3 At ako'y kaniyang dinalang nasa Espiritu sa isang ilang: at nakita ko ang isang babae na nakasakay sa isang hayop na pula, na puno ng mga pangalang pamumusong, na may pitong ulo at sangpung sungay.
4 At nararamtan ang babae ng kulay-ube at ng pula, at nahihiyasan ng ginto at ng mga mahalagang bato at mga perlas, na sa kaniyang kamay ay may isang sarong ginto na puno ng mga kasuklamsuklam, at ng mga bagay na marurumi ng kaniyang pakikiapid,
5 At sa kaniyang noo ay nakasulat ang isang pangalan, HIWAGA, DAKILANG BABILONIA, INA NG MGA PATUTOT AT NG MGA KASUKLAMSUKLAM SA LUPA.
6 At nakita ko ang babae na lasing sa dugo ng mga banal, at sa dugo ng mga martir ni Jesus. At nang aking makita siya ay nanggilalas ako ng malaking panggigilalas.
7 At sinabi sa akin ng anghel, Bakit ka nanggilalas? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae, at ng hayop na sinasakyan niya, na may pitong ulo at sangpung sungay.
8 At ang hayop na nakita mo ay naging siya, at wala na; at malapit ng umahon sa kalaliman, at patungo sa kapahamakan. At silang mga nananahan sa lupa ay manggigilalas na ang kanilang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula nang itatag ang sanglibutan, pagkakita nila sa hayop, kung paano naging siya at wala na, at darating.
9 Narito ang pagiisip na may karunungan. Ang pitong ulo ay pitong bundok na kinauupuan ng babae:
10 At sila'y pitong hari; ang lima ay nanga buwal, ang isa'y narito, ang isa ay hindi pa dumarating; at pagdating niya ay dapat magtagal na sangdaling panahon.
11 At ang hayop na naging siya, at wala na, ay siya ring ikawalo at siya'y sa pito at siya'y patungo sa kapahamakan.
12 At ang sangpung sungay na iyong nakita ay sangpung hari, na hindi pa nagsisitanggap ng kaharian; datapuwa't magsisitanggap sila ng kapamahalaang paghahari na isang oras na kasama ng hayop.
13 Ang mga ito ay may isang kaisipan, at ibinibigay nila ang kanilang kapangyarihan at kapamahalaan sa hayop.
14 Makikipagbaka ang mga ito laban sa Cordero, at sila'y dadaigin ng Cordero, sapagka't siya'y Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga Hari; at ng mga kasama niya, na mga tinawag at mga pili at mga tapat ay nananaig din.
15 At sinabi niya sa akin, Ang tubig na iyong nakita, na kinauupuan ng patutot, ay mga bayan, at mga karamihan, at mga bansa, at mga wika.
16 At ang sangpung sungay na iyong nakita, at ang hayop, ay siyang nangapopoot sa patutot, at siya'y pababayaan at huhubaran, at kakanin ang kaniyang laman, at siya'y lubos na susupukin ng apoy.
17 Sapagka't inilagay ng Dios sa kanilang mga puso na gawin ang kaniyang kaisipan, at mangagkaisa ng kaisipan, at ibigay ang kanilang kaharian sa hayop, hanggang sa maganap ang mga salita ng Dios.
18 At ang babae na iyong nakita ay ang dakilang bayan, na naghahari sa mga hari sa lupa.
Apocalipsis 17
Ang Biblia, 2001
Ang Reyna ng Kahalayan
17 At(A) dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok at nagsalita sa akin na nagsasabi, “Halika. Ipapakita ko sa iyo ang hatol sa tanyag na mahalay na babae[a] na nakaupo sa ibabaw ng maraming tubig;
2 na(B) sa kanya'y nakiapid ang mga hari sa lupa, at ang mga naninirahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kanyang pakikiapid.
3 At(C) ako'y kanyang dinalang nasa Espiritu sa isang ilang at nakita ko ang isang babae na nakasakay sa isang halimaw na pula, na punô ng mga pangalan ng kalapastanganan na may pitong ulo at sampung sungay.
4 Ang(D) babae ay nakadamit ng kulay-ube at ng matingkad na pula, nagagayakan ng ginto at ng mahahalagang bato at mga perlas, at hawak sa kanyang kamay ang isang kopang ginto na punô ng mga karumaldumal at mga bagay na marurumi ng kanyang pakikiapid,
5 at sa kanyang noo ay nakasulat ang isang pangalan, ang isang hiwaga: “dakilang Babilonia, ina ng mga mahalay na babae[b] at ng mga karumaldumal sa lupa.”
6 At nakita ko ang babae na lasing sa dugo ng mga banal, at sa dugo ng mga martir[c] ni Jesus. Nang makita ko siya, ako ay lubhang nanggilalas.
7 Ngunit sinabi sa akin ng anghel, “Bakit ka nanggilalas? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae, at ng sinasakyan niyang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay.
8 Ang(E) halimaw na nakita mo ay buháy noon[d] at ngayo'y wala na, at malapit nang umahon mula sa di-matarok na kalaliman at patungo sa kapahamakan. At silang mga naninirahan sa lupa, na ang kanilang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula nang itatag ang sanlibutan, ay manggigilalas kapag nakita nila ang halimaw, sapagkat buháy noon ngunit ngayo'y wala na at darating pa.
9 “Kailangan dito ang pag-iisip na may karunungan: ang pitong ulo ay pitong bundok na kinauupuan ng babae; sila rin ay pitong hari,
10 ang lima sa kanila ay bumagsak, ang isa'y nananatili pa, ang isa ay hindi pa dumarating at pagdating niya, kailangang magpatuloy siya nang sandaling panahon.
11 At ang halimaw na buháy noon at ngayo'y wala na, ay siya ring ikawalo ngunit kabilang sa pito at siya'y patungo sa kapahamakan.
12 At(F) ang sampung sungay na iyong nakita ay sampung hari, na hindi pa tumatanggap ng kaharian; subalit sila'y tatanggap ng kapangyarihan bilang mga hari sa loob ng isang oras, kasama ng halimaw.
13 Ang mga ito ay may isang pag-iisip at ibinibigay nila ang kanilang kapangyarihan at kapamahalaan sa halimaw.
14 Makikipagdigma ang mga ito laban sa Kordero at sila'y dadaigin ng Kordero, sapagkat siya'y Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, at ang mga kasama niya ay mga tinawag, mga hinirang at tapat.”
15 At sinabi niya sa akin, “Ang tubig na iyong nakita, na kinauupuan ng mahalay na babae[e] ay mga bayan, napakaraming tao, mga bansa, at mga wika.
16 At ang sampung sungay na iyong nakita, sila at ang halimaw ay mapopoot sa mahalay na babae;[f] siya'y pababayaan at huhubaran nila, lalamunin ang kanyang laman at siya'y lubos na susunugin sa apoy.
17 Sapagkat inilagay ng Diyos sa kanilang mga puso na gawin ang kanyang layunin at magkaisa ng pag-iisip at ibigay ang kanilang paghahari sa halimaw, hanggang sa maganap ang mga salita ng Diyos.
18 Ang babae na iyong nakita ay ang dakilang lunsod na naghahari sa mga hari sa lupa.”
Footnotes
- Apocalipsis 17:1 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw .
- Apocalipsis 17:5 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw .
- Apocalipsis 17:6 o saksi .
- Apocalipsis 17:8 Sa Griyego ay naging siya .
- Apocalipsis 17:15 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw .
- Apocalipsis 17:16 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw .
