Pahayag 15-22
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang mga Anghel na may Huling Salot
15 Pagkatapos ay nakita ko ang isa pang tanda sa langit, kapansin-pansin at kamangha-mangha: pitong anghel na may pitong salot. Ito ang mga huling salot, sapagkat sa mga ito matatapos ang poot ng Diyos. 2 At nakita ko ang isang tulad ng dagat na kristal na may halong apoy, at ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa larawan nito at sa bilang ng pangalan nito. Sila'y nakatayo sa tabi ng dagat na kristal, at may hawak na mga alpa ng Diyos. 3 Umaawit (A) sila ng awit ni Moises na lingkod ng Diyos, at ng awit ng Kordero:
“Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa,
Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat!
O hari ng mga bansa,
ang mga paraan mo'y totoo at makatarungan,
4 (B) Panginoon, sinong hindi matatakot
at magpupuri sa iyong pangalan?
Sapagkat ikaw lamang ang banal.
Darating lahat ang mga bansa
at sila'y sasamba sa iyo,
sapagkat nahayag ang matutuwid mong kahatulan.”
5 Pagkatapos (C) nito'y tumingin ako, at nabuksan sa langit ang templo ng tolda ng patotoo. 6 At lumabas mula sa templo ang pitong anghel na may pitong salot, na nakabihis ng dalisay at makinang na lino, at may mga gintong bigkis sa kanilang dibdib. 7 Isa sa apat na buhay na nilalang ay nagbigay sa pitong anghel ng pitong gintong mangkok na puno ng poot ng Diyos, siya na nabubuhay magpakailanpaman. 8 Ang (D) templo ay napuno ng usok mula sa kaluwalhatian ng Diyos at mula sa kanyang kapangyarihan, at walang makapasok sa templo hanggang sa matapos ang pitong salot ng pitong anghel.
Mga Mangkok ng Poot ng Diyos
16 At narinig ko mula sa templo ang isang malakas na tinig na nagsasabi sa pitong anghel, “Humayo kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang pitong mangkok ng poot ng Diyos.” 2 Kaya (E) umalis ang unang anghel at ibinuhos ang kanyang mangkok sa lupa, at nagkaroon ng nakapandidiri at napakasakit na sugat ang mga may tatak ng halimaw at mga sumasamba sa larawan nito.
3 Ibinuhos ng ikalawang anghel ang kanyang mangkok sa dagat, at ito'y naging tulad ng dugo ng isang bangkay, at ang bawat nilalang na may buhay sa dagat ay namatay. 4 Ibinuhos (F) ng ikatlong anghel ang kanyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig, at naging dugo ang mga ito. 5 At narinig ko ang anghel ng tubig na nagsasabi,
“O Banal, ikaw na siyang ngayon at noon,
ikaw ay Makatarungan sa iyong ginawang paghatol;
6 Sapagkat sila ang nagpadanak ng dugo ng mga banal at ng mga propeta,
binigyan mo sila ng dugo para inumin.
Dapat lang iyan sa kanila!”
7 At narinig ko ang dambana na nagsasabi,
“Opo, Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
ang mga hatol mo ay totoo at makatarungan!”
8 At ibinuhos ng ikaapat na anghel ang kanyang mangkok sa araw, at pinayagan itong pasuin ang mga tao, 9 at sila ay napaso sa matinding init. Ngunit nilait nila ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihan sa mga salot na ito, at hindi sila nagsisi ni lumuwalhati sa kanya.
10 Ibinuhos (G) ng ikalimang anghel ang kanyang mangkok sa trono ng halimaw, at ang kanyang kaharian ay nagdilim. Dahil sa kirot, kinagat ng mga tao ang kanilang mga dila. 11 Nilait nila ang Diyos na nasa langit dahil sa kanilang mga hirap at mga sugat, at hindi nila pinagsisihan ang kanilang mga gawa.
12 (H) Ibinuhos ng ikaanim na anghel ang kanyang mangkok sa malaking Ilog Eufrates, at natuyo ang tubig nito upang ihanda ang daan para sa mga hari mula sa silangan. 13 Pagkatapos, nakita kong lumalabas mula sa bibig ng dragon, mula sa bibig ng halimaw, at mula sa bibig ng huwad na propeta ang tatlong maruruming espiritu na parang mga palaka. 14 Sapagkat ang mga ito'y mga espiritu ng demonyo na gumagawa ng mga tanda. Pumupunta sila sa mga hari ng buong sanlibutan upang tipunin sila para sa digmaan sa dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 15 “Tandaan (I) ninyo, dumarating ako na tulad ng isang magnanakaw! Pinagpala ang laging nakahanda at nakadamit, upang hindi siya lumakad nang hubad at mapahiya sa madla.” 16 At (J) tinipon ng mga espiritu ang mga hari sa lugar na tinatawag sa wikang Hebreo na Armagedon.
17 At ibinuhos ng ikapitong anghel ang kanyang mangkok sa himpapawid, at mula sa templo ay lumabas ang isang malakas na tinig, mula sa trono, na nagsasabi, “Nangyari na!” 18 At (K) gumuhit ang mga kidlat, nagkaingay, dumagundong ang mga kulog, at lumindol ng malakas, na hindi pa nangyayari buhat nang magkatao sa lupa. Napakalakas ng lindol na iyon. 19 Nahati (L) sa tatlo ang malaking lungsod, at ang mga lungsod ng mga bansa ay nagbagsakan. Ibinaling ng Diyos ang kanyang pansin sa tanyag na Babilonia, at pinasaid niya rito ang kopa ng alak ng kanyang matinding poot. 20 Tumakas (M) ang bawat pulo at naglaho ang mga bundok na matagpuan. 21 Mula (N) sa langit ay bumagsak sa mga tao ang malalaking tipak ng yelo na tumitimbang ng halos isandaang libra, at nilait nila ang Diyos dahil doon. Kasindak-sindak ang salot na iyon.
Ang Babae at ang Halimaw
17 Pagkatapos, (O) isa sa pitong anghel na may pitong mangkok ay dumating at nagsabi sa akin, “Halika, ipakikita ko sa iyo ang hatol sa napakahalay na babaing nakaupo sa ibabaw ng maraming tubig. 2 Nakiapid (P) sa kanya ang mga hari sa daigdig, at nalasing sa alak ng kanyang pakikiapid ang mga naninirahan sa lupa.” 3 At (Q) habang nasa Espiritu, dinala niya ako sa ilang, at nakita ko ang isang babae na nakaupo sa pulang halimaw na puno ng mga pangalang mapaglapastangan at ito ay may pitong ulo at sampung sungay. 4 Ang (R) (S) babae ay nakadamit ng kulay-ube at pula, at nababalutan ng ginto at mamahaling bato at perlas, hawak niya ang isang gintong kopa na puno ng mga karumihan at mga kahalayan ng kanyang pakikiapid. 5 Sa kanyang noo ay nakasulat ang isang mahiwagang pangalan: “Tanyag na Babilonia, ina ng mahahalay na babae at ng mga kalaswaan ng daigdig.” 6 At nakita ko ang babae, lasing sa dugo ng mga banal at ng mga nagpatotoo para kay Jesus.
Labis akong nagtaka nang makita ko siya. 7 Ngunit sinabi sa akin ng anghel, “Bakit ka nagtataka? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae, at ng kanyang sinasakyang halimaw, na may pitong ulo at sampung sungay. 8 Ang halimaw na nakita mo ay buháy noon, at ngayo'y wala na, at malapit nang umahon mula sa walang hanggang kalaliman patungo sa pagkawasak. Ang mga naninirahan sa lupa na ang mga pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula pa nang likhain ang sanlibutan ay mamamangha sa sandaling makita nila ang halimaw sapagkat siya'y buháy noon at ngayo'y wala na, at darating pa.
9 “Nangangailangan ito ng isip na may karunungan: ang pitong ulo ay pitong bundok kung saan nakaupo ang babae. Sila rin ang pitong hari, 10 at lima sa kanila ay bumagsak na, ang isa'y buhay pa, ang isa ay hindi pa dumarating; at sa kanyang pagdating, sandali lang siyang mananatili. 11 At ang halimaw na buhay noon at ngayo'y wala na ang ikawalo, ngunit kabilang din sa pito, at siya'y patungo sa pagkawasak. 12 Ang (T) sampung sungay na nakita mo ay ang sampung hari na hindi pa nakakatanggap ng kaharian, subalit tatanggap sila ng kapangyarihan bilang mga hari sa loob ng isang oras, kasama ng halimaw. 13 Nagkakaisa ang mga ito sa pag-iisip, at ibinigay nila ang kanilang kapangyarihan at pamamahala sa halimaw. 14 Makikipagdigma sila laban sa Kordero, ngunit dadaigin sila ng Kordero, sapagkat siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, at ang mga kasama niya ay yaong mga tinawag, mga hinirang at mga tapat.”
15 At sinabi ng anghel sa akin, “Ang mga tubig na iyong nakitang kinauupuan ng mahalay na babae ay mga bayan at napakaraming tao, mga bansa at mga wika. 16 Ang nakita mo namang sampung sungay, ang mga ito at ang halimaw ay masusuklam sa mahalay na babae. Siya'y kanilang pababayaan at iiwang hubad at kanilang lalamunin ang kanyang laman at siya'y susunugin sa apoy. 17 Sapagkat inilagay ng Diyos sa kanilang mga puso na gawin ang kanyang layunin at pagkaisahin sila na ibigay ang kanilang kaharian sa halimaw, hanggang sa matupad ang mga salita ng Diyos. 18 Ang babaing nakita mo ay ang tanyag na lungsod na naghahari sa mga hari ng daigdig.”
Ang Pagbagsak ng Babilonia
18 Pagkatapos ng mga ito, nakita ko ang isa pang anghel na bumababa mula sa langit. Taglay niya ang dakilang kapangyarihan; at naliwanagan ng kanyang kaluwalhatian ang daigdig. 2 Sumigaw (U) siya nang napakalakas,
“Bumagsak na, bumagsak na ang tanyag na Babilonia!
Tirahan na ito ng mga demonyo,
kulungan ng bawat maruming espiritu,
kulungan ng bawat maruming ibon,
at kulungan ng bawat marumi't nakapandidiring hayop.
3 Sapagkat (V) lahat ng bansa ay uminom
ng alak ng kanyang kahalayan,
at sa kanya'y nakiapid ang mga hari ng daigdig,
at mula sa kapangyarihan ng kanyang kaluhuan,
ang mga mangangalakal ng daigdig ay nagpayaman.”
4 Pagkatapos, (W) mula sa langit ay narinig ko ang isa pang tinig na nagsasabi,
“Lumabas kayo mula sa kanya, bayan ko,
upang kayo'y hindi makabahagi sa kanyang mga kasalanan,
at upang sa kanyang mga salot ay hindi kayo madamay;
5 sapagkat (X) abot na sa langit ang kanyang mga kasalanan,
at binalingan ng Diyos ang kanyang mga kasamaan.
6 Ibalik (Y) ninyo sa kanya kung ano'ng ibinigay niya,
at bayaran ninyo siya ng doble sa kanyang mga gawa;
sa pinaghaluan niyang kopa, ipaghalo ninyo siya ng doble.
7 Gaya (Z) ng pagpaparangal niya sa kanyang sarili at kaluhuan,
ganoon din karaming pahirap at pighati ang ibigay ninyo sa kanya.
Sapagkat sinasabi niya sa kanyang puso,
‘Nakaupo akong isang reyna,
hindi ako isang balo,
at kailanma'y hindi ko malalasap ang dalamhati.’
8 Dahil dito ay darating ang mga salot sa kanya sa loob ng isang araw—
kamatayan, pagluluksa, taggutom—
at siya'y susunugin sa apoy;
sapagkat ang Panginoong Diyos na humatol sa kanya ay makapangyarihan.”
9 At (AA) ang mga hari ng daigdig na nakiapid sa kanya at nagpasasa sa kaluhuan kasama niya ay tatangisan at pagluluksaan siya kapag nakita na nila ang usok ng pagsunog sa kanya. 10 Tatayo sila sa malayo dahil sa takot sa kanyang paghihirap at sasabihing,
“Kakila-kilabot ang sinapit mo, dakilang lungsod,
makapangyarihang lungsod ng Babilonia!
Sapagkat sa loob ng isang oras, naigawad ang parusa sa iyo.”
11 At (AB) ang mga mangangalakal ng daigdig ay tumatangis at nagluluksa dahil sa kanya, sapagkat wala nang bumibili ng kanilang paninda— 12 panindang (AC) ginto, pilak, mamahaling bato at perlas, pinong lino; granate, sutla at pulang tela; lahat ng uri ng mabangong kahoy, mga kasangkapang garing, mamahaling kahoy, tanso, bakal, at marmol; 13 sinamon, pampalasa, kamanyang, mira at insenso, alak, langis, magandang uri ng harina at trigo, mga baka, mga tupa, mga kabayo at mga karwahe, at mga katawan, samakatuwid ay mga kaluluwa ng tao.
14 “Ang mga bungang ninasa ng kaluluwa mo'y
wala na sa iyo,
at lahat ng mga marangya at maringal na bagay
ay naglaho sa iyo,
at kailanma'y hindi na matatagpuan ang mga ito!”
15 Ang (AD) mga mangangalakal ng mga bagay na ito, na yumaman dahil sa kanya, ay tatayo sa malayo dahil sa takot sa paghihirap niya, na sila'y nagluluksa, malakas na tumatangis, 16 na nagsasabi,
Kaysaklap, kaysaklap ng sinapit ng tanyag na lungsod,
siya na nakasuot ng pinong lino at kulay ube at pulang damit,
at napalamutian ng ginto, mamahaling bato at perlas!
17 Sapagkat (AE) ang lahat ng yamang iyon ay naglaho sa loob ng isang oras!”
At lahat ng kapitan ng barko at mga naglalayag, ang mga mandaragat at lahat ng mangangalakal sa dagat ay tumayo sa malayo. 18 Sumigaw (AF) (AG) sila habang pinagmamasdan ang usok ng kanyang pagkasunog na nagsasabi,
“Saan mo ihahambing ang tanyag na lungsod?”
19 Nagsaboy sila ng alikabok sa kanilang mga ulo habang tumatangis at nagluluksa na sumisigaw,
“Kaysaklap, kaysaklap ng sinapit ng tanyag na lungsod,
na nagpayaman sa lahat ng may barko sa dagat, mula sa kanyang kayamanan!
Sapagkat sa loob ng isang oras siya ay nawasak.
20 O (AH) langit, magalak ka dahil sa kanya,
kayong mga banal at mga apostol at mga propeta!
Sapagkat alang-alang sa inyo ay iginawad ng Diyos ang parusang hatol sa kanya.”
21 Pagkatapos, (AI) isang malakas na anghel ang dumampot ng isang batong tulad ng isang malaking gilingan at itinapon iyon sa dagat. Ang sabi ng anghel,
“Ganito karahas ibabagsak ang tanyag na lungsod na Babilonia,
at hindi na siya muling makikita;
22 at (AJ) (AK) ang himig ng mga manunugtog ng alpa at ng mga musikero at ng mga manunugtog ng plauta, at ng trumpeta
kailanma'y hindi na maririnig mula sa iyo;
at bawat manggagawa ng anumang kalakal
kailanma'y hindi na matatagpuan sa iyo;
ang tunog ng gilingang bato
kailanma'y hindi na maririnig sa iyo.
23 Ang liwanag ng ilawan
kailanma'y hindi na tatanglaw sa iyo;
at ang tinig ng lalaki at babaing ikakasal
kailanma'y hindi na maririnig sa iyo;
sapagkat ang iyong mga mangangalakal ay dating mga kilalang tao sa daigdig,
at sapagkat sa pangkukulam mo ay nadaya ang lahat ng mga bansa.
24 Sa (AL) kanya natagpuan ang dugo ng mga propeta at ng mga banal,
at lahat ng mga pinaslang sa ibabaw ng lupa.”
Ang Kasiyahan sa Langit
19 Pagkatapos ng mga ito, narinig ko ang tila malakas na tinig ng napakaraming tao sa langit na nagsasabi,
“Aleluia!
Ang pagliligtas, kaluwalhatian at kapangyarihan ay sa ating Diyos,
2 sapagkat (AM) ang hatol niya ay tunay at makatarungan;
hinatulan niya ang tanyag na babaing mahalay
na sumira ng daigdig sa pamamagitan ng kanyang imoralidad
at ipinagbayad siya ng Diyos sa dugo ng kanyang mga lingkod.”
3 At (AN) nagsalita silang muli,
“Aleluia!
Ang usok mula sa tanyag na lungsod ay pumapailanlang magpakailanpaman.”
4 At ang dalawampu't apat na matatanda at ang apat na buháy na nilalang ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono. At sila'y nagsabi,
“Amen. Aleluia!”
5 Mula (AO) sa trono ay lumabas ang isang tinig,
“Purihin ninyo ang ating Diyos,
kayong lahat na mga lingkod niya,
kayong mga natatakot sa kanya,
mga hamak man o dakila.”
6 At (AP) narinig ko ang parang tinig ng napakaraming tao, tulad ng lagaslas ng maraming tubig at tulad ng malalakas na dagundong ng kulog, na nagsasabi,
“Aleluia!
Sapagkat ang Panginoon nating Diyos
na Makapangyarihan sa lahat ay naghahari.
7 Magalak tayo at magdiwang,
luwalhatiin natin siya,
sapagkat sumapit na ang kasal ng Kordero,
at inihanda ng kanyang kasintahan ang kanyang sarili.
8 Binigyan siya ng pinong lino
makintab at malinis upang isuot niya”—
sapagkat ang pinong lino ay ang matutuwid na gawa ng mga banal.
9 At (AQ) sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: Pinagpala ang mga inanyayahan sa handaan ng kasal ng Kordero.” At sinabi niya sa akin, “Ito ay tunay na mga salita ng Diyos.” 10 Nagpatirapa ako sa kanyang paanan upang sumamba sa kanya, subalit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako ay kapwa mo lingkod na kasama mo at ng iyong mga kapatid na naninindigan sa patotoo ni Jesus. Sa Diyos ka sumamba! Sapagkat ang patotoo ni Jesus ang espiritu ng propesiya.”
Ang Nakasakay sa Puting Kabayo
11 Pagkatapos, (AR) nakita kong bumukas ang langit, at doon ay lumitaw ang isang puting kabayo. Tapat at Totoo ang tawag sa nakasakay dito, at makatarungan siyang humahatol at nakikipagdigma. 12 Ang (AS) mga mata niya ay parang ningas ng apoy, at sa ulo niya ay maraming korona. Mayroon sa kanyang nakasulat na pangalan na siya lamang ang nakakaalam. 13 Ang (AT) suot niyang damit ay itinubog sa dugo, at siya'y tinatawag sa pangalang Ang Salita ng Diyos. 14 At ang mga hukbo ng langit na nakasuot ng pinong lino, puti at dalisay ay sumusunod sa kanya; sila'y nakasakay sa mga puting kabayo. 15 Mula (AU) sa kanyang bibig ay lumalabas ang isang matalas na tabak na pantaga sa mga bansa, at siya ay maghahari sa kanila gamit ang tungkod na bakal. Tatapak-tapakan niya ang mga ubas sa pisaan upang lumabas ang katas ng bagsik ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. 16 Sa kanyang damit at hita ay may nakasulat na pangalan, “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.”
17 Pagkatapos, nakita (AV) ko ang isang anghel na nakatayo sa araw, at siya'y sumigaw ng malakas na nagsasabi sa lahat ng mga ibong lumilipad sa himpapawid, “Halikayo, magsama-sama kayo upang dumalo sa malaking piging na inihanda ng Diyos. 18 Halikayo at kainin ninyo ang karne ng mga hari, ang karne ng mga kapitan, ang karne ng mga taong makapangyarihan, ang karne ng mga kabayo at ng mga nakasakay sa kanila—ang karne ng lahat ng tao, malaya man o alipin, hamak man o dakila.” 19 At nakita ko ang halimaw at ang mga hari sa daigdig kasama ang kanilang mga hukbo na nagsama-sama upang makidigma sa nakasakay sa kabayo at sa kanyang hukbo. 20 Hinuli (AW) ang halimaw, kasama ang kanyang huwad na propeta na sa kanyang harapan ay gumawa ng tanda na ginamit niya upang linlangin ang mga tumanggap ng tanda ng halimaw at sa mga sumamba sa larawan niya. Ang dalawang ito ay itinapon nang buháy sa lawa ng nagliliyab na asupre. 21 At ang mga iba naman ay pinatay sa pamamagitan ng tabak ng nakasakay sa kabayo, ang tabak na lumabas mula sa kanyang bibig; at lahat ng mga ibon ay nabusog sa kanilang mga laman.
Ang Sanlibong Taon
20 Pagkatapos ay nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit, dala ang susi ng walang hanggang kalaliman at ang isang malaking tanikala. 2 Sinunggaban (AX) niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at iginapos niya ito ng sanlibong taon. 3 Itinapon niya ito sa walang hanggang kalaliman, isinara niya ito at tinatakan sa ibabaw, upang hindi na ito makapanlinlang ng mga bansa, hanggang sa matapos ang sanlibong taon. Pagkalipas nito ay pakakawalan siya sa maikling panahon.
4 Pagkatapos, (AY) nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo roon ay binigyan ng kapangyarihang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa kanilang patotoo para kay Jesus at paghahayag ng salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw o kaya'y sa larawan nito at hindi sila tumanggap ng tatak nito sa kanilang mga noo o mga kamay. Nabuhay sila at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng sanlibong taon. 5 Ang ibang mga patay ay hindi nabuhay hanggang sa matapos ang sanlibong taon. Ito ang unang muling pagkabuhay. 6 Pinagpala at banal ang mga nakasama sa unang muling pagkabuhay. Walang kapangyarihan sa kanila ang ikalawang kamatayan, kundi sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghahari silang kasama niya sa loob ng sanlibong taon.
Ang Pagkagapi ni Satanas
7 Kapag natapos ang sanlibong taon, pakakawalan si Satanas mula sa kanyang bilangguan, 8 at lalabas (AZ) siya upang linlangin ang mga bansa sa apat na sulok ng lupa, ang Gog at Magog, upang tipunin sila para sa pakikipaglaban; sila'y kasindami ng mga buhangin sa dagat. 9 Sila'y umahon sa malawak na lupa at pinaligiran ang kampo ng mga banal at ang minamahal na lungsod. Ngunit may apoy na bumaba mula sa langit at nilamon sila. 10 Ang diyablong luminlang sa kanila ay itinapon sa lawa ng apoy at asupre, kung saan naroon ang halimaw at ang huwad na propeta at doon ay pahihirapan sila araw at gabi magpakailanpaman.
Ang Paghuhukom sa Harap ng Puting Trono
11 At (BA) nakita ko ang isang malaking puting trono at ang nakaupo roon; mula sa kanyang harapan ay tumakas ang lupa at ang langit, at wala nang matagpuang lugar para sa kanila. 12 At nakita ko ang mga patay, mga dakila at mga hamak, na nakatayo sa harap ng trono, at binuksan ang mga aklat. Isa pang aklat ang binuksan, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang mga gawa, batay sa nakasulat sa mga balumbon. 13 Ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kanya, ibinigay rin ng Kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at silang lahat ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa. 14 At ang Kamatayan at ang Hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy. 15 At ang sinuman na ang pangalan ay hindi nakasulat sa balumbon ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy.
Ang Bagong Langit at ang Bagong Lupa
21 Pagkatapos, (BB) nakakita ako ng bagong langit at ng bagong lupa; sapagkat lumipas na ang unang langit at ang unang lupa, at wala na ang dagat. 2 Nakita (BC) ko ring bumababa mula sa langit, galing sa Diyos, ang banal na lungsod, ang bagong Jerusalem, inihandang tulad ng isang babaing ikakasal na inayusan para sa kanyang asawa. 3 At (BD) mula sa trono, isang malakas na tinig ang aking narinig,
“Masdan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay kasama na ng mga tao.
Maninirahan siya sa kanila bilang Diyos nila;
sila'y magiging bayan niya,
at ang Diyos mismo ay makakasama nila at magiging Diyos nila;[a]
4 papahirin (BE) niya ang bawat luha sa kanilang mga mata.
Hindi na magkakaroon ng kamatayan;
ni magkakaroon ng pagluluksa at pagtangis, at kahit kirot ay di na rin mararanasan,
sapagkat lumipas na ang mga unang bagay.”
5 At nagsalita ang nakaupo sa trono, “Ngayon, ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” Sinabi rin niya, “Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.” 6 Pagkatapos (BF) ay sinabi niya sa akin, “Nangyari na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Sa nauuhaw ay ibibigay ko nang walang bayad ang tubig mula sa bukal ng tubig ng buhay. 7 Ang (BG) nagtatagumpay ay magmamana ng mga ito, at ako ang magiging Diyos niya, at siya'y magiging anak ko. 8 Ngunit para sa mga duwag, sa mga hindi sumasampalataya, sa mga karumal-dumal, mga mamamatay-tao, mga mapakiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa mga sinungaling, ang kalalagyan nila ay sa lawa na nagliliyab sa apoy at asupre; ito ang ikalawang kamatayan.”
Ang Bagong Jerusalem
9 Pagkatapos, ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok na puno ng pitong huling salot ay dumating at nagsabi sa akin, “Halika, ipakikita ko sa iyo ang babaing ikakasal, ang asawa ng Kordero.” 10 Habang (BH) nasa Espiritu, dinala niya ako sa isang malaki at mataas na bundok, at ipinakita niya sa akin ang banal na lungsod ng Jerusalem na bumababa mula sa langit, galing sa Diyos. 11 Taglay nito ang kaluwalhatian ng Diyos at ang ningning nito ay tulad sa isang mamahaling bato, gaya ng haspe, na kasinlinaw ng kristal. 12 Mayroon (BI) itong malaki at mataas na pader na may labindalawang pintuan. Sa mga pintuan ay may labindalawang anghel, at sa mga pintuan ay nakasulat ang mga pangalan ng labindalawang lipi ng mga anak ni Israel. 13 Sa silangan ay may tatlong pintuan, sa hilaga ay may tatlong pintuan, sa timog ay may tatlong pintuan, at tatlo rin sa kanluran. 14 Ang mga pader ng lungsod ay may labindalawang saligan, at sa kanila ay nakasulat ang labindalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.
15 Ang (BJ) anghel na nakipag-usap sa akin ay may panukat na ginto, upang sukatin ang lungsod at ang mga pintuan at pader nito. 16 Parisukat ang pagkagawa sa lungsod; ang haba nito ay katulad ng luwang nito. Sinukat ng anghel ang lungsod gamit ang kanyang panukat, labindalawang estadia;[b] ang haba, luwang at taas nito ay magkakapareho. 17 Sinukat din niya ang pader nito, isandaan apatnapu't apat na siko ang taas, ayon sa sukat ng tao, na siyang ginamit ng anghel. 18 Ang (BK) (BL) malaking bahagi ng pader ay haspe at dalisay na ginto naman ang lungsod, na kasinlinaw ng kristal. 19 Ang mga saligan ng pader ng lungsod ay napapalamutian ng iba't ibang mamahaling bato. Haspe ang una, safiro ang ikalawa, kalsedonya ang ikatlo, esmeralda ang ikaapat, 20 onise ang ikalima, kornalina ang ikaanim, krisolito ang ikapito, berilo ang ikawalo, topasyo ang ikasiyam, krisoprasio ang ikasampu, hasinto ang ikalabing-isa, amatista naman ang ikalabindalawa. 21 Ang labindalawang pintuan ay labindalawang perlas, ang bawat pintuan ay yari sa isang perlas. Ang lansangan ng lungsod, ay dalisay na ginto, kasinlinaw ng salamin.
22 At wala akong nakitang templo sa lungsod, sapagkat ang templo nito'y ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. 23 Hindi (BM) na kailangan pa ng lungsod ang araw o buwan upang tumanglaw doon, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang liwanag nito, at ang Kordero ang ilaw nito. 24 Sa pamamagitan ng liwanag nito ay lalakad ang mga bansa, at ang mga hari sa daigdig ay magdadala ng kanilang kaluwalhatian sa lungsod. 25 Ang (BN) mga pintuan nito ay hindi isasara kailanman, sapagkat wala nang gabi doon. 26 Sa loob nito ay dadalhin ang kaluwalhatian at karangalan ng mga bansa. 27 Subalit (BO) hindi makapapasok doon ang anumang maruming bagay, ang sinumang may gawaing karumal-dumal o sinungaling, kundi yaon lamang may mga pangalang nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero.
22 Pagkatapos ay ipinakita (BP) sa akin ng anghel ang ilog ng tubig ng buhay na kasinlinaw ng kristal. Bumubukal iyon mula sa trono ng Diyos at ng Kordero 2 sa (BQ) gitna ng lansangan ng lungsod.Naroon sa magkabilang pampang ng ilog ang puno ng buhay na namumunga ng labindalawang uri ng prutas, namumunga ito bawat buwan; at ang mga dahon ng puno ay nakapagpapagaling sa mga bansa. 3 Hindi na (BR) magkakaroon doon ng anumang isinumpa, sapagkat ang trono ng Diyos at ng Kordero ay naroon, at sasambahin siya ng kanyang mga lingkod. 4 Makikita nila ang kanyang mukha, at ang pangalan niya ay masusulat sa kanilang mga noo. 5 Wala (BS) nang gabi; hindi na nila kakailanganin pa ng liwanag o ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magliliwanag sa kanila, at maghahari sila magpakailanpaman.
Ang Pagdating ni Cristo
6 At sinabi niya sa akin, “Ang mga salitang ito ay tapat at totoo. Ang Panginoon, na siyang Diyos ng mga espiritu ng mga propeta, ay nagsugo ng kanyang anghel upang ipakita sa kanyang mga lingkod kung ano ang malapit nang mangyari.”
7 “Tingnan mo, ako'y malapit nang dumating! Pinagpala ang nag-iingat ng mga salita ng propesiya ng aklat na ito.”
8 Akong si Juan ay nakarinig at nakakita sa mga bagay na ito. Matapos kong marinig at makita ang lahat, nagpatirapa ako upang sumamba sa harapan ng anghel na siyang nagpakita ng mga bagay na ito sa akin. 9 Ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako'y kapwa mo lingkod at ng mga kapatid mong propeta, at ng mga sumusunod sa mga salita sa aklat na ito. Sa Diyos ka sumamba!”
10 At sinabi pa niya sa akin, “Huwag mong takpan ng tatak ang mga salita ng propesiya ng aklat na ito, sapagkat ang panahon ay malapit na. 11 Hayaang (BT) magpakasama pa ang gumagawa ng masama, at ang marumi ay magpakarumi pa, ang matuwid ay magpakatuwid pa, at ang banal ay manatiling banal.”
12 “Tingnan (BU) mo, ako'y malapit nang dumating; dala ko ang aking gantimpala, upang gantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa. 13 Ako (BV) ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang simula at ang wakas.”
14 Pinagpala (BW) ang mga naghuhugas ng kanilang mga damit, upang magkaroon sila ng karapatan sa puno ng buhay at makapasok sa mga pintuan ng lungsod. 15 Sa labas naman ay ang mga aso, mga mangkukulam, mga mapakiapid, mga mamamatay-tao, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at ang bawat mahilig gumawa ng kasinungalingan.
16 “Akong (BX) si Jesus ang nagsugo ng aking anghel sa inyo upang magpatotoo sa mga bagay na ito sa harap ng mga iglesya. Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.”
17 Sinasabi (BY) ng Espiritu at ng babaing ikakasal, “Halika.”
Magsabi ang bawat nakikinig, “Halika.”
Lumapit ang nauuhaw.
Ang sinumang may nais ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad.
18 Binabalaan (BZ) ko ang sinumang nakikinig sa mga salita ng propesiya ng aklat na ito: sinumang magdagdag sa mga ito, idadagdag ng Diyos sa kanya ang mga salot na nakasulat sa aklat na ito; 19 at sinumang magbawas mula sa mga salita ng aklat ng propesiyang ito, babawasin ng Diyos ang kanyang bahagi sa puno ng buhay at sa banal na lungsod, na nakasulat sa aklat na ito.
20 Ang nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsasabi, “Oo, malapit na akong dumating.”[c]
Amen. Dumating ka nawa, Panginoong Jesus! 21 Pagpalain nawa ng Panginoong Jesus ang lahat. Amen.
Footnotes
- Pahayag 21:3 Sa ibang manuskrito, walangmagiging Diyos nila.
- Pahayag 21:16 humigit kumulang na 2,400 na kilometro.
- Pahayag 22:20 o mabilis akong dumarating.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.