Pahayag 15
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang mga Panghuling Salot
15 Nakita ko rin sa langit ang isa pang kakaiba at kagila-gilalas na palatandaan: may pitong anghel na may dalang pitong salot. Ito ang mga panghuling salot sapagkat dito matatapos ang poot ng Diyos.
2 May nakita akong parang dagat na kristal na nagliliyab. Nakita ko rin ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa larawan nito, at sa nagtataglay ng bilang na katumbas ng kanyang pangalan. Nakatayo sila sa tabi ng dagat na kristal, hawak ang mga alpang bigay sa kanila ng Diyos. 3 Inaawit(A) nila ang awit ni Moises na lingkod ng Diyos, at ang awit ng Kordero:
“Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
dakila at kahanga-hanga ang iyong mga gawa!
O Hari ng mga bansa[a],
matuwid at totoo ang iyong mga paraan!
4 Sino(B) ang hindi matatakot sa iyo, Panginoon?
Sino ang hindi magpupuri sa iyong pangalan?
Ikaw lamang ang banal!
Lahat ng mga bansa ay lalapit
at sasamba sa iyo,
sapagkat nakita ng lahat ang matuwid mong mga gawa.”
5 Pagkatapos(C) nito'y nakita ko ring bumukas ang templo sa langit, ang Toldang Tipanan. 6 Lumabas mula sa templo ang pitong anghel na may dalang pitong salot. Nakasuot sila ng damit na malinis at nakakasilaw sa kaputian at may gintong pamigkis sa dibdib. 7 Ibinigay sa kanila ng isa sa apat na nilalang na buháy ang pitong mangkok na ginto na punung-puno ng poot ng Diyos, na siyang nabubuhay magpakailanman. 8 Ang(D) templo ay napuno ng usok na nagmumula sa kaluwalhatian at kapangyarihan ng Diyos at walang makapasok sa templo hangga't hindi natatapos ang pitong salot na dala ng pitong anghel.
Footnotes
- 3 Hari ng mga bansa: Sa ibang manuskrito'y Hari sa lahat ng panahon .