Add parallel Print Page Options

Ang Babae at ang Dragon

12 Pagkatapos nito, isang kagila-gilalas na bagay ang nagpakita sa langit. Nakita ko ang isang babaeng nadaramitan ng araw at nakatuntong sa buwan. May korona siya sa ulo na may 12 bituin. Manganganak na siya, kaya dumadaing siya dahil sa matinding sakit.

May isa pang kagila-gilalas na bagay akong nakita sa langit: isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay na may korona sa bawat ulo. Tinangay ng buntot niya ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at itinapon sa lupa. Tumayo ang dragon sa harap ng babaeng manganganak na upang lamunin ang sanggol sa oras na isilang ito. At nanganak nga ang babae ng isang sanggol na lalaki na siyang maghahari[a] sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng kamay na bakal. Hindi nakain ng dragon ang sanggol dahil inagaw agad ang sanggol at dinala sa Dios doon sa kanyang trono. Ang babae naman ay tumakas sa ilang, sa isang lugar na inihanda ng Dios para sa kanya, upang maalagaan siya roon sa loob ng 1,260 araw.

Pagkatapos nito, nagkaroon ng digmaan sa langit. Si Micael at ang mga kasama niyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon. At lumaban din ang dragon at ang kanyang mga anghel. Ngunit natalo ang dragon at ang kanyang mga anghel, at pinalayas sila mula sa langit. Kaya itinaboy ang malaking dragon – ang ahas noong unang panahon na tinatawag na diyablo o Satanas na nanlilinlang sa mga tao sa buong mundo. Itinapon siya sa lupa kasama ang kanyang mga anghel.

10 Pagkatapos, narinig ko ang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi, “Dumating na ang pagliligtas ng Dios sa mga tao. Ipinapakita na niya ang kanyang kapangyarihan bilang hari at ang awtoridad ni Cristo na kanyang pinili. Sapagkat pinalayas na mula sa langit ang umaakusa sa ating mga kapatid sa harap ng Dios araw at gabi. 11 Ngunit natalo na siya ng ating mga kapatid sa pamamagitan ng dugo ng Tupa at ng katotohanang ipinangangaral nila. Hindi sila takot na ialay ang kanilang buhay alang-alang sa kanilang pananampalataya. 12 Kaya magalak kayo, kayong nakatira sa kalangitan. Pero nakakaawa kayong mga nakatira sa lupa at dagat dahil itinapon na riyan sa inyo si Satanas. Galit na galit siya dahil alam niyang kakaunti na lang ang natitirang panahon para sa kanya.”

13 Nang makita ng dragon na itinapon na siya sa lupa, tinugis niya ang babaeng nanganak ng sanggol na lalaki. 14 Ngunit binigyan ang babae ng dalawang pakpak na tulad sa malaking agila upang makalipad sa isang lugar sa ilang na inihanda para sa kanya. Doon siya aalagaan sa loob ng tatloʼt kalahating taon, malayo at ligtas sa dragon. 15 Dahil dito, nagbuga ang dragon ng maraming tubig, parang baha, upang tangayin ang babae. 16 Pero tinulungan ng lupa ang babae. Bumitak ito nang malalaki at hinigop ang tubig na galing sa bibig ng dragon. 17 Lalo pang nagalit ang dragon kaya nilusob niya ang iba pang mga anak ng babae. Itoʼy walang iba kundi ang mga taong sumusunod sa mga utos ng Dios at sa mga katotohanang itinuro ni Jesus. 18 At tumayo ang dragon sa tabi ng dagat.

Footnotes

  1. 12:5 maghahari: sa literal, magpapastol.