Pahayag 11
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Dalawang Saksi
11 Pagkatapos,(A) binigyan ako ng isang panukat na parang tungkod at sinabihan, “Tumayo ka at sukatin mo ang templo ng Diyos at ang dambana, at bilangin mo ang mga sumasamba roon. 2 Ngunit(B) huwag mo nang sukatin ang mga bulwagan sa labas ng templo, sapagkat ibinigay na iyon sa mga taong di-kumikilala sa Diyos. Yuyurakan nila ang Banal na Lungsod sa loob ng apatnapu't dalawang buwan. 3 Isusugo ko ang dalawa kong saksi na nakadamit ng sako, at sa loob ng isang libo, dalawandaan at animnapung (1,260) araw ay ipahahayag nila ang mensaheng mula sa Diyos.”
4 Ang(C) mga saksing ito ay ang dalawang punong olibo at dalawang ilawang nakatayo sa harap ng Panginoon ng daigdig. 5 Kapag may nagtangkang manakit sa kanila, may lalabas na apoy sa kanilang bibig at tutupukin ang kanilang mga kaaway. Sa ganoong paraa'y mamamatay ang sinumang magtangkang manakit sa kanila. 6 May(D) kapangyarihan silang isara ang langit upang hindi umulan sa panahon ng pagpapahayag nila ng mensaheng mula sa Diyos. May kapangyarihan din silang gawing dugo ang tubig, at magpadala ng anumang salot sa lupa tuwing naisin nila.
7 Pagkatapos(E) nilang magpatotoo, aahon ang halimaw na nasa napakalalim na hukay at makikipaglaban sa kanila. Matatalo sila at mapapatay ng halimaw, 8 at(F) ang kanilang bangkay ay mahahandusay sa lansangan ng dakilang lungsod, na ang patalinghagang pangalan ay Sodoma o Egipto, kung saan ipinako sa krus ang kanilang Panginoon. 9 Sa loob ng tatlo't kalahating araw, ang kanilang mga bangkay ay pagmamasdan ng mga tao mula sa iba't ibang lahi, lipi, wika, at bansa, at hindi papayag ang mga ito na mailibing ang mga bangkay. 10 Magagalak ang lahat ng tao sa daigdig dahil sa pagkamatay ng dalawang saksi. Magdiriwang sila at magbibigayan ng mga regalo sapagkat ang dalawang propetang iyon ay nagdulot sa kanila ng labis na kahirapan.
11 Pagkalipas(G) ng tatlo't kalahating araw, pumasok sa kanila ang hininga ng buhay mula sa Diyos. Sila'y tumayo at labis na nasindak ang mga nakakita sa kanila. 12 Pagkatapos(H) ay narinig nilang nagsalita ang isang malakas na tinig mula sa langit, “Umakyat kayo rito!” At habang nakatingin ang kanilang mga kaaway, umakyat sila sa langit habang nakasakay sa ulap. 13 Nang(I) oras ding iyon ay lumindol nang napakalakas at nawasak ang ikasampung bahagi ng lungsod at pitong libong tao ang namatay. Ang mga natirang tao ay natakot, at niluwalhati nila ang Diyos ng kalangitan.
14 Natapos na ang ikalawang lagim, at ang ikatlong lagim ay malapit na.
Ang Ikapitong Trumpeta
15 Pagkatapos ay hinipan(J) ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta at sa langit ay may malalakas na tinig na nagsabi, “Ang paghahari sa sanlibutan ay paghahari na ngayon ng ating Panginoon at ng kanyang Cristo. Maghahari siya magpakailanman!”
16 At ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno na nakaupo sa kani-kanilang trono sa harapan ng Diyos ay nagpatirapa at sumamba sa kanya. 17 Sinabi nila,
“Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na siyang kasalukuyan, at ang nakaraan!
Nagpapasalamat kami na ginamit mo ang iyong walang hanggang kapangyarihan
at nagpasimula ka nang maghari!
18 Galit na galit(K) ang mga bansang di-kumikilala sa iyo,
dahil dumating na ang panahon ng iyong poot,
ang paghatol sa mga patay,
at pagbibigay ng gantimpala sa mga propetang lingkod mo,
at sa iyong mga hinirang, sa lahat ng may takot sa iyo,
dakila man o hamak.
Panahon na upang wasakin mo ang mga nagwawasak sa daigdig.”
19 At(L) nabuksan ang templo ng Diyos sa langit, at nakita ang Kaban ng Tipan sa loob nito. Pagkatapos ay kumidlat, dumagundong, kumulog, lumindol at umulan ng batong yelo.