Pahayag 1:4-7
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Pagbati sa Pitong Iglesya
4-5 Mula kay Juan, para sa pitong iglesya sa probinsya ng Asia.
Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang galing sa Dios, sa Espiritu, at kay Jesu-Cristo. Kung tungkol sa Dios, siyaʼy hindi nagbabago ngayon, noon, at sa hinaharap. Kung tungkol sa pitong Espiritu,[a] siyaʼy nasa harapan ng trono ng Dios. At kung tungkol kay Jesu-Cristo, siya ang mapagkakatiwalaang saksi. Siya ang unang nabuhay mula sa mga patay.[b] At siya rin ang namumuno sa lahat ng hari sa lupa. Iniibig niya tayo, at sa pamamagitan ng kanyang dugo[c] iniligtas niya tayo sa ating mga kasalanan. 6 Ginawa niya tayong mga hari[d] at mga pari upang maglingkod sa Dios na kanyang Ama. Sa kanya ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailanman. Amen.
7 Magsipaghanda kayo! Darating si Jesus na nasa mga ulap. Makikita siya ng lahat ng tao, pati na ng mga pumatay sa kanya. At iiyak ang mga tao sa lahat ng bansa sa mundo dahil sa takot nilang sila ay parurusahan na niya. Totoo ito at talagang mangyayari.
Read full chapterFootnotes
- 1:4-5 pitong Espiritu: Ang ibig sabihin, ang kabuuan ng Espiritu. Sapagkat ang bilang na “pito” ay nangangahulugang buo, kumpleto o ganap. Sa ibang salin, pitong espiritu.
- 1:4-5 Siya ang unang nabuhay mula sa mga patay na hindi na mamamatay pang muli.
- 1:4-5 kanyang dugo: Ang ibig sabihin ay ang kamatayan niya sa krus bilang handog.
- 1:6 mga hari: o, isang kaharian.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®