Add parallel Print Page Options

Ang Lugar na Tinawag na Tabera

11 Dahil sa hirap na dinaranas, nagreklamo ang mga Israelita. Dahil dito, nagalit si Yahweh at pinaulanan ng apoy ang isang bahagi ng kanilang kampo. Kaya, nagmakaawa kay Moises ang mga Israelita at agad naman siyang dumulog kay Yahweh. Dininig naman siya at namatay ang apoy. At ang lugar na iyo'y tinawag nilang Tabera[a] sapagkat nagliyab doon ang apoy mula kay Yahweh.

Pumili si Moises ng Pitumpung Pinuno

Ang mga dayuhang sumama sa paglalakbay ng mga Israelita ay nanabik sa dati nilang pagkain at nagaya sa kanila ang mga Israelita. Kaya, nagreklamo na naman sila. Ang sabi nila, “Kailan pa ba tayo makakatikim ng karne? Mabuti pa sa Egipto! Doon, nahihingi lang ang isda. At naaalaala ba ninyo ang pipino, pakwan, sibuyas, bawang at gulay na kinakain natin noon? Nanghihina na tayo ngayon. Walang makain dito kundi ang mannang ito!”

Ang(A) manna ay parang buto ng kulantro at kakulay ng bedelio. Ito ang laging pinupulot ng mga tao. Ginigiling nila ito o binabayo. Kapag niluto, ito'y lasang tinapay na sinangkapan ng langis. Ito'y(B) kasama ng hamog na bumabagsak kung gabi.

10 Narinig ni Moises ang reklamo ng lahat ng sambahayan na nakatayo sa pintuan ng kani-kanilang tolda. Nagalit nang labis si Yahweh, kaya't nanlumo si Moises. 11 Itinanong ni Moises kay Yahweh, “Bakit ninyo ako ginaganito? Anong ikinagagalit ninyo sa akin? Bakit ninyo ako binigyan ng ganito kabigat na pasanin? 12 Ako ba ang nagsilang sa kanila? Aalagaan ko ba sila tulad ng pag-aalaga ng ina sa kanyang anak, hanggang makarating kami sa lupaing ipinangako ninyo sa aming mga ninuno? 13 Ayaw nila akong tigilan sa kahihingi ng karne. Saan ako kukuha ng karne para sa ganito karaming tao? 14 Hindi ko sila kayang alagaang mag-isa. Napakabigat ng pasaning ito para sa akin! 15 Kung ganito rin lamang ang gagawin ninyo sa akin, mabuti pa'y mamatay na ako ngayon din kaysa maghirap nang matagal.”

16 Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumili ka ng pitumpung matatandang pinuno sa Israel, iyong mga kinikilala ng kanilang lipi, at isama mo sa Toldang Tipanan. 17 Pagdating ninyo roon, bababâ ako at makikipag-usap sa iyo. Babahaginan ko sila ng espiritung ibinigay ko sa iyo upang makatulong mo sila. 18 Sabihin mo naman sa buong bayan na ihanda nila ang kanilang mga sarili sapagkat bukas ay makakakain na sila ng karne. Nagrereklamo na naman sila. Itinatanong nila kung kailan pa sila makakatikim ng karne. Sinabi pang mabuti pa sa Egipto at marami silang pagkain. Kaya, bukas, ibibigay ko sa kanila ang pagkaing gusto nila. 19 Hindi lamang para sa isa, dalawa, lima, sampu, dalawampung araw ang ibibigay ko sa kanila, 20 kundi para sa isang buong buwan. Laging ito ang kakainin nila hanggang sa magsawa sila at magkandasuka sa pagkain nito sapagkat itinakwil nila ako at sinabi pa nilang mabuti pang hindi na sila umalis sa Egipto.”

21 Sumagot si Moises, “Lahat-lahat ng kasama ko'y 600,000, at sinasabi mong bibigyan mo sila ng karne para sa isang buong buwan? 22 Kahit na patayin ang lahat naming hayop o mahuli ang lahat ng isda sa dagat ay hindi sasapat sa ganito karaming tao.”

23 Sinabi ni Yahweh, “Moises, mayroon ba akong hindi kayang gawin? Ngayon di'y ipapakita ko sa iyo kung totoo o hindi ang aking sinasabi.”

24 Lumakad na si Moises at ibinalita sa mga Israelita ang sinabi ni Yahweh. Isinama niya ang pitumpung pinuno ng Israel at pinatayo sa paligid ng Toldang Tipanan. 25 Bumabâ si Yahweh sa ulap at kinausap si Moises. Ang pitumpung matatandang pinuno ay binahaginan nga niya ng espiritu, tulad ng ibinigay niya kay Moises. Sila'y napuspos ng kapangyarihan at nagpropesiya ngunit hindi na nila ito muling nagawa.

26 May naiwang dalawang pinuno sa kampo, Eldad ang pangalan ng isa at Medad naman ang isa. Tinawag silang kasama ng pitumpu ngunit hindi sumama. Gayunman, binahaginan din sila ng espiritu ni Yahweh kaya sila'y nagpahayag din tulad ng mga propeta sa loob ng kampo. 27 Nakita pala sila ng isang binata at patakbo itong nagpunta kay Moises. Sinabi niya, “Sina Eldad at Medad ay nagpapahayag sa kampo.”

28 Dahil dito, sinabi ni Josue na anak ni Nun at lingkod ni Moises, “Bakit di po ninyo sila sawayin?”

29 Ngunit sinabi ni Moises, “Nangangamba ka bang ako'y mababawasan ng karangalan? Gusto ko ngang maging propeta at mapuspos ng espiritu ni Yahweh ang lahat ng mga Israelita.” 30 Si Moises at ang pitumpung pinuno ng Israel ay nagbalik na sa kampo.

Nagpadala ng Napakaraming Pugo si Yahweh

31 Si Yahweh ay nagpadala ng hanging may tangay na laksa-laksang pugo mula sa kabila ng dagat. Ang mga ito'y nagliliparan sa paligid ng kampo. Isang metro lang ang taas ng kanilang lipad mula sa lupa at ang lawak ay isang araw na lakarin sa kabi-kabilang kampo. 32 Lumabas ng kampo ang mga Israelita at nanghuli ng pugo hanggang kinabukasan; ang pinakakaunting nahuli ng isang tao ay aabot sa sampung malalaking sisidlan.[b] Ang mga ito'y ibinilad nila sa paligid ng kampo. 33 Ngunit bago pa lamang nila ito kinakagat, ibinuhos na ni Yahweh ang kanyang galit sa mga Israelita at siya'y nagpadala ng isang kakila-kilabot na salot. 34 Ang lugar na iyon ay tinawag na Kibrot-hataava sapagkat doon nalibing ang mga taong naging hayok sa karne. 35 Mula roon, nagpatuloy sila ng paglalakbay hanggang sa Hazerot.

Footnotes

  1. Mga Bilang 11:3 TABERA: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “Tabera” at “nagliliyab” ay magkasintunog.
  2. Mga Bilang 11:32 MALALAKING SISIDLAN: Ang mga sisidlang ito ay maaaring maglaman ng timbang na halos 220 litro.