Add parallel Print Page Options

Ang Kautusan ay Binasa ni Ezra sa Harap ng mga Tao

Ang buong bayan ay nagtipun-tipon na parang isang tao sa liwasang-bayan na nasa harapan ng Pintuang Tubig. Kanilang sinabi kay Ezra na eskriba na dalhin ang aklat ng kautusan ni Moises na ibinigay ng Panginoon sa Israel.

Dinala ng paring si Ezra ang aklat ng kautusan sa harapan ng kapulungan, na mga lalaki at mga babae, at sa lahat na makakarinig na may pang-unawa, nang unang araw ng ikapitong buwan.

Siya'y bumasa mula roon sa harapan ng liwasan na nasa harapan ng Pintuang Tubig, mula sa madaling-araw hanggang sa katanghaliang-tapat sa harapan ng mga lalaki at mga babae at ng mga nakakaunawa; at ang mga pandinig ng buong bayan ay nakatuon sa pakikinig sa aklat ng kautusan.

Si Ezra na eskriba ay tumayo sa pulpitong kahoy na kanilang ginawa para sa layuning ito. Sa tabi niya ay nakatayo sina Matithias, Shema, Anaias, Urias, Hilkias, at si Maasias ay nasa kanyang kanan. At sa kanyang kaliwa ay sina Pedaya, Misael, Malkia, Hasum, Hasbedana, Zacarias, at Mesulam.

Binuksan ni Ezra ang aklat sa paningin ng buong bayan; (sapagkat siya'y nasa itaas ng buong bayan;) at nang ito'y kanyang buksan, ang buong bayan ay tumayo:

Pinuri ni Ezra ang Panginoon, ang dakilang Diyos. At ang buong bayan ay sumagot, “Amen, Amen,” na nakataas ang kanilang mga kamay; at kanilang iniyukod ang kanilang mga ulo at sumamba sa Panginoon na ang kanilang mga mukha'y nakatungo sa lupa.

Gayundin sina Jeshua, Bani, Sherebias, Jamin, Akub, Sabetai, Hodias, Maasias, Kelita, Azarias, Jozabed, Hanan, Pelaia, ang mga Levita ay tumulong sa taong-bayan upang maunawaan ang kautusan, samantalang ang taong-bayan ay nanatili sa kanilang kinatatayuan.

Kaya't sila'y bumasa mula sa aklat, sa kautusan ng Diyos, na may pakahulugan. Kanilang ibinigay ang diwa, kaya't naunawaan ng mga tao ang binasa.

Si Nehemias na tagapamahala, ang pari at eskribang si Ezra, at ang mga Levita na nagturo sa bayan ay nagsabi sa buong bayan, “Ang araw na ito ay banal sa Panginoon ninyong Diyos; huwag kayong tumangis, ni umiyak man.” Sapagkat ang buong bayan ay umiyak nang kanilang marinig ang mga salita ng kautusan.

10 Pagkatapos ay kanyang sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa inyong lakad, kumain kayo ng masarap na pagkain at uminom kayo ng matamis na alak, at magpadala kayo ng mga bahagi sa mga walang naihanda, sapagkat ang araw na ito ay banal sa ating Panginoon. Huwag kayong malungkot, sapagkat ang kagalakan sa Panginoon ang inyong kalakasan.”

11 Sa gayo'y napatahimik ng mga Levita ang buong bayan, na sinasabi, “Kayo'y tumahimik, sapagkat ang araw na ito ay banal; huwag kayong malungkot.”

12 Ang buong bayan ay humayo sa kanilang lakad upang kumain at uminom at magdala ng mga bahagi, at para gumawa ng malaking kasayahan, sapagkat kanilang naunawaan ang mga salitang ipinahayag sa kanila.

Ang Pista ng mga Kubol

13 Sa ikalawang araw ay nagtipun-tipon ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng buong bayan kasama ang mga pari, at ang mga Levita kay Ezra na eskriba upang pag-aralan ang mga salita ng kautusan.

14 Kanilang(A) napag-alamang nakasulat sa kautusan na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na ang mga anak ni Israel ay manirahan sa mga kubol[a] sa kapistahan ng ikapitong buwan,

15 at dapat nilang ibalita at ipahayag ang ganito sa lahat ng kanilang mga bayan at sa Jerusalem, “Lumabas kayo sa bundok at kumuha kayo ng mga sanga ng olibo, mga sanga ng olibong-ligaw, mirto, palma, at iba pang madahong punungkahoy upang gumawa ng mga kubol, gaya ng nakasulat.”

16 Kaya't lumabas ang bayan at dinala ang mga iyon at gumawa ng mga kubol, bawat isa'y sa bubungan ng kanilang bahay, mga bulwagan, sa mga bulwagan ng bahay ng Diyos, sa liwasan sa Pintuang Tubig, at sa liwasan sa Pintuan ng Efraim.

17 Ang buong kapulungan nang bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng mga kubol, at nanirahan sa mga kubol; sapagkat mula sa mga araw ni Josue na anak ni Nun hanggang sa araw na iyon ay hindi gumawa ang mga anak ni Israel ng gayon. Nagkaroon ng napakalaking kasayahan.

18 At araw-araw, mula sa unang araw hanggang sa huling araw, siya ay bumasa mula sa aklat ng kautusan ng Diyos. Kanilang ipinagdiwang ang kapistahan sa loob ng pitong araw, at sa ikawalong araw ay nagkaroon ng isang taimtim na pagtitipon, ayon sa batas.

Footnotes

  1. Nehemias 8:14 o tabernakulo .

nagtipon silang lahat sa Jerusalem nang may pagkakaisa, doon sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig. Hiniling nila kay Ezra na tagapagturo ng kautusan na kunin niya at basahin ang Aklat ng Kautusan ni Moises na iniutos ng Panginoon sa mga Israelita.

2-3 Kaya nang araw na iyon, ang unang araw ng ikapitong buwan, dinala ng paring si Ezra ang Kautusan sa harap ng mga tao – mga lalaki, babae, at mga batang nakakaunawa na. Binasa niya ito sa kanila nang malakas mula sa pagsikat ng araw hanggang tanghali, doon sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig. At pinakinggang mabuti ng lahat ang Aklat ng Kautusan. Tumayo si Ezra sa mataas na entabladong kahoy na ginawa para sa okasyong iyon. Sa bandang kanan niya ay nakatayo sina Matitia, Shema, Anaya, Uria, Hilkia, at Maaseya. At sa bandang kaliwa ay nakatayo sina Pedaya, Mishael, Malkia, Hashum, Hasbadana, Zacarias, at Meshulam.

Nakikita si Ezra ng lahat dahil mataas ang kinatatayuan niya. At nang binuksan niya ang aklat, tumayo ang lahat ng tao. Pinapurihan ni Ezra ang Panginoon, ang makapangyarihang Dios! At sumagot ang mga tao, “Amen! Amen!” habang itinataas nila ang kanilang mga kamay. Pagkatapos, nagpatirapa sila at sumamba sa Panginoon.

Nang tumayo na ang mga tao, ipinaliwanag sa kanila ang Kautusan. Ang nagpaliwanag sa kanila ay ang mga Levita na sina Jeshua, Bani, Sherebia, Jamin, Akub, Shabetai, Hodia, Maaseya, Kelita, Azaria, Jozabad, Hanan, at Pelaya. Bumasa sila mula sa Aklat ng Kautusan ng Dios at ipinaliwanag ang kahulugan nito,[a] para maunawaan ng mga tao.

Habang nakikinig ang mga tao sa sinasabi ng Kautusan ay umiiyak sila. Sinabi sa kanila nina Nehemias na gobernador, Ezra na pari at tagapagturo ng kautusan, at ng mga Levita na nagpapaliwanag sa kanila ng Kautusan, “Ang araw na ito ay banal sa Panginoon na inyong Dios, kaya huwag kayong umiyak.” 10 Sinabi pa ni Nehemias, “Magdiwang kayo, kumain ng masasarap na pagkain at uminom ng masasarap na inumin. Bigyan nʼyo ang mga walang pagkain, dahil ang araw na ito ay banal sa Panginoon. At huwag kayong mabalisa, dahil ang kagalakang ibinigay ng Panginoon ay magpapatatag sa inyo.” 11 Sinabi rin ng mga Levita, “Tumahimik kayo! Huwag kayong mabalisa! Sapagkat banal ang araw na ito.” 12 Kaya umuwi ang lahat ng tao para kumain at uminom at magbigay ng pagkain sa iba. Nagdiwang sila nang may lubos na kagalakan dahil naunawaan nila ang mga mensahe ng Dios na binasa sa kanila.

Ang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol

13 Nang ikalawang araw ng buwang iyon, nagtipon sa harapan ni Ezra ang mga pinuno ng mga pamilya, ang mga pari at ang mga Levita para mag-aral pa tungkol sa Kautusan. 14 Natuklasan nila sa Kautusan na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises na ang mga Israelita ay dapat tumira sa mga kubol sa oras ng pista na ginaganap tuwing ikapitong buwan. 15 At dapat nilang ipaalam sa Jerusalem at sa iba pa nilang mga bayan ang utos ng Panginoon na pumunta sila sa mga kaburulan at kumuha ng mga sanga ng olibo, mirto, palma, at ng iba pang mga kahoy na malago para gawing mga kubol, ayon sa nakasulat sa Kautusan.

16 Kaya kumuha ang mga tao ng mga sanga at gumawa ng kubol sa patag na bubong ng mga bahay nila, sa bakuran ng mga bahay nila, sa bakuran ng templo ng Dios, sa plasa na nasa harapan ng Pintuan ng Tubig, at sa Pintuan ni Efraim. 17 Lahat sila na bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng mga kubol at doon tumira. Hindi pa nila nagawa ang ganito simula noong panahon ni Josue na anak ni Nun; at labis ang kasiyahan nila. 18 Araw-araw ay binabasa ni Ezra sa mga tao ang Aklat ng Kautusan ng Dios, mula sa una hanggang sa huling araw ng pista. Ipinagdiwang nila ang pista ng pitong araw, at nang ikawalong araw, nagtipon sila para sumamba sa Panginoon, ayon sa Kautusan.

Footnotes

  1. 8:8 ipinaliwanag ang kahulugan nito: Maaaring pati ang pagpapaliwanag ng Kautusan sa wikang Aramico dahil itoʼy nakasulat wikang Hebreo.