Add parallel Print Page Options

Tiyak na ang iyong pagkawasak!

    Lunsod ng mga sinungaling at mamamatay-tao,
    puno ng kayamanang mananakaw at masasamsam.
Lumalagapak ang mga latigo,
    dumadagundong ang mga gulong,
    humahagibis ang mga kabayo,
    rumaragasa ang mga karwahe!
Sumusugod ang mga mangangabayo,
    kumikinang ang kanilang espada, kumikislap ang dulo ng sibat!
Nakabunton ang mga bangkay,
    di mabilang ang mga patay,
    sa mga ito'y natatalisod ang mga nagdaraan!
Ang Nineve ay katulad ng isang mahalay na babae,
    mapanukso at puno ng kamandag.
Binighani niya ang ibang mga bansa at inalipin ang mga ito.

Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
“Paparusahan kita, Nineve!
    Huhubaran kita nang makita ka ng ibang mga bansa.
    Dahil dito'y mapapahiya ka.
Tatabunan kita ng dumi,
    at gagawing hamak.
    Mandidiri sa iyo ang mga tao.
Lalayuan ka ng lahat ng makakakita sa iyo.
    Sasabihin nila, ‘Wasak na ang Nineve!
    Sino ang magmamalasakit sa kanya?
    Sino ang aaliw sa kanya?’”

Hindi Maipagtatanggol ng Nineve ang Kanyang Sarili

Nakahihigit ka ba sa Tebez?
Siya rin naman ay may ilog
    na nakapalibot gaya ng isang pader,
    ang Ilog Nilo na kanyang tanggulan.
Pinangunahan niya ang Etiopia[a] at Egipto,
    walang hanggan ang kanyang kapangyarihan;
    ang Libya ay kapanalig ng Tebez.
10 Gayunma'y dinala siyang bihag ng kanyang kaaway.
Ipinaghampasan sa mga panulukang daan ang kanilang mga anak.
Ginapos ng tanikala ang magigiting nilang lalaki,
    at ang mga ito'y pinaghati-hatian ng mga bumihag sa kanila.
11 Nineve, ikaw man ay malalasing at mahihilo.
    Sisikapin mo ring tumakas sa iyong mga kaaway.
12 Ang lahat ng iyong kuta ay magiging parang mga puno ng igos
    na hinog na ang mga bunga.
Kapag inuga ang mga puno, malalaglag ang mga bunga
    sa mismong bibig ng gustong kumain.
13 Parang mga babae ang iyong mga hukbo,
    at ang iyong bansa ay hindi kayang magtanggol laban sa kaaway.
Lalamunin ng apoy ang mga panara sa iyong mga pintuan.
14 Mag-ipon ka na ng tubig para sa panahon ng pagkubkob sa iyo.
    Tibayan mo ang iyong mga tanggulan.
Simulan mo na ang pagmamasa ng luwad,
    at hulmahin ang mga tisa.
15 Anuman ang gawin mo, matutupok ka pa rin
    at mamamatay sa labanan.
    Malilipol ka tulad ng pananim na kinain ng mga balang.
Magpakarami kang gaya ng mga balang!
16 Pinarami mo ang iyong mangangalakal;
    higit pa sila sa mga bituin sa kalangitan!
Ngunit wala na sila ngayon,
    tulad ng mga balang na nagbubuka ng kanilang mga pakpak upang lumipad palayo.
17 Ang mga pinuno mo ay parang mga balang,
    na nakadapo sa mga pader kung malamig ang panahon,
ngunit nagliliparan pagsikat ng araw,
    at walang nakakaalam kung saan sila pupunta.

18 Ang mga pinuno mo'y patay na, Asiria, gayon din ang iyong mga maharlika. Nagkalat sa parang ang iyong mamamayan at walang magtipon sa kanila. 19 Wala man lang gumamot sa iyong sugat na malubha at nagnanaknak. Lahat ng makabalita sa sinapit mo ay natutuwa't pumapalakpak, sapagkat ginawan mo silang lahat nang napakasama.

Footnotes

  1. 9 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan.