Mikas 5
Ang Biblia, 2001
Nangako ang Diyos ng Isang Pinuno mula sa Bethlehem
5 Ngayon ay magtipun-tipon kayo sa mga hukbo, O anak na babae ng mga hukbo,
sila'y naglagay ng pagkubkob laban sa atin;
kanilang hahampasin ng tungkod
ang pisngi ng hukom ng Israel.
2 Ngunit(A) ikaw, Bethlehem sa Efrata,
na maliit upang mapabilang sa mga angkan ng Juda,
mula sa iyo ay lalabas para sa akin
ang isa na magiging pinuno sa Israel;
na ang pinagmulan ay mula nang una,
mula nang walang hanggan.
3 Kaya't kanyang ibibigay sila hanggang sa panahon
na siya na nagdaramdam ay manganak;
kung magkagayon ang nalabi sa kanyang mga kapatid ay babalik
sa mga anak ni Israel.
4 At siya'y titindig at pakakainin ang kanyang kawan sa lakas ng Panginoon,
sa kamahalan ng pangalan ng Panginoon niyang Diyos.
At sila'y mananatili, sapagkat sa panahong iyon siya'y magiging dakila
hanggang sa mga dulo ng lupa.
5 At ang isang ito ay magiging kapayapaan.
Kapag ang taga-Asiria ay sumalakay sa ating lupain,
at kapag tinapakan niya ang ating mga muog,
kung gayon tayo ay maglalagay laban sa kanya ng pitong pastol,
at walong pinuno ng mga tao.
6 Kanilang(B) pamumunuan ng tabak ang lupain ng Asiria,
at ang lupain ng Nimrod sa mga pasukan niyon,
at kanyang ililigtas tayo sa taga-Asiria,
kapag siya'y sumalakay sa ating lupain,
at kapag siya'y tumapak sa ating nasasakupan.
7 At ang nalabi sa Jacob
ay magiging parang hamog na mula sa Panginoon
sa gitna ng maraming bayan,
parang ulan sa damo
na hindi naghihintay sa tao,
ni naghihintay man sa mga anak ng tao.
8 At ang nalabi sa Jacob
ay makakasama ng mga bansa,
sa gitna ng maraming bayan,
parang leon sa gitna ng mga hayop sa gubat,
parang batang leon sa gitna ng mga kawan ng mga tupa;
na kapag siya'y dumaan, yumapak
at lumapa, at walang magligtas.
9 Itataas ang iyong kamay sa iyong mga kaaway,
at lilipulin ang lahat ng iyong mga kaaway.
10 At sa araw na iyon, sabi ng Panginoon,
aking aalisin sa iyo ang mga kabayo mo,
at aking sisirain ang iyong mga karwahe,
11 at aking wawasakin ang mga lunsod ng iyong lupain,
at aking ibabagsak ang lahat ng iyong tanggulan.
12 Aalisin ko ang mga panghuhula sa iyong kamay;
at hindi ka na magkakaroon ng mga manghuhula:
13 Aalisin ko ang iyong mga larawang inanyuan
at ang iyong mga haligi sa gitna ninyo,
at hindi ka na sasamba
sa gawa ng iyong mga kamay;
14 at aking bubunutin ang iyong mga Ashera mula sa gitna mo;
at aking wawasakin ang iyong mga bayan.
15 Sa galit at poot ay maglalapat ako ng paghihiganti
sa mga bansa na hindi nakinig.