Mga Kawikaan 28
Ang Biblia, 2001
28 Ang masama ay tumatakas gayong wala namang humahabol;
ngunit ang mga matuwid ay matatapang na parang leon.
2 Kapag ang lupain ay naghihimagsik,
marami ang kanyang mga pinuno;
ngunit kapag ang pinuno ay may unawa at kaalaman,
magpapatuloy ang katatagan nito.
3 Ang dukha na umaapi sa dukha,
ay bugso ng ulan na walang pagkaing iniiwan.
4 Silang nagpapabaya sa kautusan ay nagpupuri sa masama;
ngunit ang nag-iingat ng kautusan ay nakipaglaban sa kanila.
5 Ang masasamang tao ay hindi nakakaunawa ng katarungan,
ngunit silang nagsisihanap sa Panginoon ay nakakaunawa nito nang lubusan.
6 Mas mabuti ang dukha na lumalakad sa kanyang katapatan,
kaysa taong mayaman na liko sa kanyang mga daan.
7 Matalinong anak ang tumutupad sa kautusan,
ngunit ang kasama ng matatakaw, sa kanyang ama ay kahihiyan.
8 Ang nagpapalago ng kanyang yaman sa pamamagitan ng labis na patubo,
ay nagtitipon para sa iba na mabait sa dukha.
9 Ang naglalayo ng kanyang pandinig sa pakikinig ng kautusan,
maging ang kanyang panalangin ay karumaldumal.
10 Sinumang nagliligaw sa matuwid tungo sa masamang daan,
ay siya ring mahuhulog sa kanyang sariling hukay;
ngunit ang sakdal ay magmamana ng kabutihan.
11 Ang mayamang tao ay marunong sa ganang kanyang sarili,
ngunit ang dukha na may unawa ay nagsusuri.
12 Kapag ang matuwid ay nagtatagumpay, may dakilang kaluwalhatian;
ngunit kapag ang masama ay bumabangon, ang mga tao'y nagkukublihan.
13 Siyang nagtatakip ng kanyang mga pagsuway ay hindi sasagana,
ngunit ang nagpapahayag at tumatalikod sa mga iyon ay magtatamo ng awa.
14 Mapalad ang tao na sa Panginoon ay natatakot tuwina,
ngunit siyang nagmamatigas ng kanyang puso ay mahuhulog sa sakuna.
15 Tulad ng umuungal na leon at ng osong sumasalakay,
gayon ang masamang pinuno sa maralitang bayan.
16 Ang pinunong kulang sa pang-unawa ay isang malupit na manlulupig,
ngunit siyang namumuhi sa kasakiman, kanyang mga araw ay lalawig.
17 Kung ang isang tao'y nagpapasan ng dugo ng sinuman,
hayaan siyang maging takas hanggang kamatayan;
huwag siyang tulungan ng sinuman.
18 Maliligtas ang lumalakad sa katapatan,
ngunit ang baluktot sa kanyang mga lakad ay mahuhulog sa hukay.
19 Siyang nagbubungkal ng kanyang lupain ay magkakaroon ng saganang tinapay;
ngunit siyang sumusunod sa mga walang kabuluhang gawa ay maghihirap nang lubusan.
20 Ang taong tapat ay sasagana sa pagpapala;
ngunit siyang nagmamadali sa pagyaman ay tiyak na parurusahan.
21 Hindi mabuti ang may kinikilingan;
ngunit gagawa ng masama ang isang tao dahil sa isang pirasong tinapay.
22 Ang kuripot ay nagmamadali sa pagyaman,
at hindi nalalaman na darating sa kanya ang kasalatan.
23 Siyang sumasaway sa isang tao ay makakasumpong sa ibang araw ng higit na pagpapala,
kaysa sa taong kunwari'y pumupuri sa pamamagitan ng dila.
24 Ang nagnanakaw sa kanyang ama o sa kanyang ina,
at nagsasabi, “Hindi ito masama,”
ay kasamahan ng maninira.
25 Nag-uudyok ng away ang taong sakim,
ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon ay payayamanin.
26 Siyang nagtitiwala sa kanyang sariling puso ay hangal;
ngunit maliligtas ang lumalakad na may katalinuhan.
27 Siyang nagbibigay sa dukha ay hindi kakapusin,
ngunit siyang nagkukubli ng kanyang mga mata, sa sumpa'y pararamihin.
28 Kapag ang masama ay bumabangon, ang mga tao'y nagkukubli,
ngunit kapag sila'y namatay, ang matuwid ay dumarami.