Mga Kawikaan 25
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Mga Karagdagang Kawikaan ni Solomon
25 Narito pa ang mga kawikaan ni Solomon; tinipon at kinopya ng mga tauhan ni Hezekias na hari ng Juda.
2 Kaluwalhatian ng Diyos na balutin ng hiwaga ang lahat ng bagay, at karangalan naman ng hari na ito'y saliksikin.
3 Isipan ng hari'y mahirap malaman, ito'y sintaas ng langit, sinlalim ng karagatan.
4 Kapag ang pilak ay dalisay, may magagawa na ang panday. 5 Kapag ang masamang tagapayo'y naalis sa paligid ng hari, ang katarungan ang mamamalagi.
6 Huwag(A) kang magmamataas sa harap ng hari, ni ihanay ang sarili sa mga taong pili. 7 Pagkat mas mabuting sabihin sa iyong, “Halika rito,” kaysa hamakin ka sa harap ng marami.
8 Ang nakita mo'y huwag agad dalhin sa hukuman, baka sa bandang huli'y lumabas ka pang may kasalanan.
9 Kung may alitan kayo ng iyong kapwa, ilihim at lutasin agad at baka lumala. 10 Baka ito ay malantad sa kaalaman ng madla at kayo'y malagay sa kahiya-hiya.
11 Kapag angkop sa panahon ang salitang binigkas, para itong ginto sa lalagyang pilak.
12 Ang magandang payo sa marunong makinig ay higit na di hamak sa ginto o mamahaling alahas.
13 Ang sugong tapat ay kasiyahan ng nagsugo sa kanya, tulad ng malamig na tubig sa panahon ng tag-araw.
14 Ang taong puro pangako lamang ay parang ulap at hanging walang dalang ulan.
15 Sa malumanay na pakiusap pusong bato'y nababagbag, sa pagtitiyaga pati hari ay nahihikayat.
16 Huwag kakain ng labis na pulot-pukyutan at baka ito'y isuka mo lang. 17 Huwag mong dadalasan ang dalaw sa kapwa, baka siya mabagot at sa iyo'y magsawa.
18 Ang taong sumasaksi laban sa kapwa nang walang katotohanan ay tulad ng tabak, pambambo o palasong pumapatay.
19 Ang taksil na pinagtiwalaan sa panahon ng pangangailangan ay tulad ng ngiping umuuga at mga paang pilay.
20 Hapdi ang dulot ng awit sa pusong may sugat, parang asing ikinuskos sa gasgas na balat, parang paghuhubad ng damit sa panahon ng taglamig.
21 Kapag(B) nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo at painumin kung siya'y nauuhaw. 22 Sa gayo'y mailalagay mo siya sa kahihiyan at tatanggap ka pa ng gantimpala mula kay Yahweh.
23 Kung paanong ang hanging timog ay nagdadala ng ulan, nagdadala naman ng galit ang paninira ng karangalan.
24 Masarap pa ang tumira sa bubungan ng bahay kaysa loob ng bahay na ang kasama'y asawang madaldal.
25 Kung paano ang malamig na tubig sa labing nauuhaw, gayon ang mabuting balita buhat sa malayong bayan.
26 Bukal na nilabo o balong nadumihan ang katulad ng matuwid na sa masama ay nakipagkaibigan.
27 Kung paanong masama ang labis na pulot-pukyutan, gayon din ang pagkagahaman sa karangalan.
28 Ang taong walang pagpipigil ay tulad ng lunsod na walang tanggulan, madaling masakop ng mga kaaway.
Mga Kawikaan 25
Ang Biblia (1978)
Iba't ibang halimbawa at aral sa kalinisan.
25 Ang mga (A)ito ay mga kawikaan din ni Salomon, na isinalin (B)ng mga tao ni Hezekias na hari sa Juda.
2 (C)Kaluwalhatian nga ng Dios na maglihim ng isang bagay:
Nguni't ang kaluwalhatian ng mga hari ay (D)magusisa ng isang bagay.
3 Gaya ng langit sa kataasan, at ng lupa sa kalaliman,
Gayon ang puso ng mga hari ay di masayod.
4 (E)Alisin ang dumi sa pilak,
At lumalabas na isang kasangkapan sa ganang mangbububo:
5 (F)Alisin ang masama sa harap ng hari,
At ang kaniyang luklukan ay matatatag sa katuwiran.
6 Huwag kang magpauna sa harapan ng hari,
At huwag kang tumayo sa dako ng mga dakilang tao:
7 (G)Sapagka't maigi na sabihin sa iyo,
Sumampa ka rito:
Kay sa ibaba ka sa harapan ng pangulo,
Na nakita ng iyong mga mata.
8 (H)Huwag kang makialam ng walang gunita sa pakikipagbabag,
Baka hindi mo maalaman kung ano ang gagawin sa wakas niyaon,
Pagka ikaw ay hiniya ng iyong kapuwa.
9 (I)Ipaglaban mo ang iyong usap sa iyong kapuwa,
At huwag mong ihayag ang lihim ng iba:
10 Baka siyang nakakarinig ay umalipusta sa iyo,
At ang iyong pagkadusta ay hindi maalis.
11 Salitang sinalita sa kaukulan
Ay gaya ng mga (J)mansanang ginto sa mga bilaong pilak.
12 Kung paano ang hikaw na ginto, at kagayakang dalisay na ginto,
(K)Gayon ang pantas na mananaway sa masunuring pakinig.
13 (L)Kung paano ang lamig ng niebe sa panahon ng pagaani,
Gayon ang tapat na sugo sa kanila na nangagsugo sa kaniya;
Sapagka't kaniyang pinagiginhawa ang kaluluwa ng kaniyang mga panginoon.
14 (M)Kung paano ang mga alapaap at hangin na walang ulan,
(N)Gayon ang taong naghahambog ng kaniyang mga kaloob na walang katotohanan.
15 (O)Sa pamamagitan ng pagpipigil ng loob ay napahihikayat ang pangulo,
At ang malumanay na dila ay bumabasag ng buto.
16 (P)Nakasumpong ka ba ng pulot? kumain ka ng sapat sa iyo;
Baka ka masuya, at iyong isuka.
17 Magdalang ang iyong paa sa bahay ng iyong kapuwa;
Baka siya'y mayamot sa iyo, at ipagtanim ka.
18 (Q)Ang tao na sumasaksi ng kasinungalingang saksi laban sa kaniyang kapuwa
Ay isang pangbayo (R)at isang tabak, at isang matulis na (S)pana.
19 Pagtiwala sa di tapat na tao sa panahon ng kabagabagan
Ay gaya ng baling ngipin, at ng nabaliang paa.
20 Kung paano ang nangaagaw ng kasuutan sa panahong tagginaw, at kung paano ang suka sa sosa,
Gayon siyang umaawit ng mga awit sa mabigat na puso.
21 (T)Kung ang iyong kaaway ay magutom, bigyan mo siya ng pagkain na makakain;
At kung siya'y mauhaw, bigyan mo siya ng tubig na maiinom:
22 Sapagka't ikaw ay magbubunton ng baga ng apoy sa kaniyang ulo,
(U)At gagantihin ka ng Panginoon.
23 (V)Ang hanging hilaga ay naglalabas ng ulan:
Gayon (W)ang dilang maninirang puri ay nakagagalit.
24 (X)Maigi ang tumahan sa sulok ng bubungan,
Kay sa kasama ng palaaway na babae sa maluwang na bahay.
25 Kung paano ang malamig na tubig sa uhaw na kaluluwa,
Gayon ang mga (Y)mabuting balita na mula sa malayong lupain.
26 Kung paano ang malabong (Z)balon, at ang bukal na nalabusaw,
Gayon ang matuwid na tao na nagbigay daan sa harap ng masama.
27 Hindi mabuting (AA)kumain ng maraming pulot:
Gayon (AB)ang paghanap ng tao ng kanilang sariling kaluwalhatian, ay hindi kaluwalhatian.
28 Siyang hindi pumipigil ng kaniyang sariling diwa
Ay parang bayang nabagsak at walang kuta.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
