Mga Kawikaan 20
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
20 Ang alak ay nagpapababa sa dangal ng isang tao,
kaya isang kamangmangan ang magpakalulong dito.
2 Ang poot ng hari ay parang leong umuungal,
ang gumalit sa kanya'y nanganganib ang buhay.
3 Ang marangal na tao'y umiiwas sa kaguluhan,
ngunit ang gusto ng mangmang ay laging pag-aaway.
4 Ang taong tamad sa panahon ng taniman
ay walang magagapas pagdating ng anihan.
5 Tulad ng tubig na malalim ang isipan ng isang tao,
ngunit ito'y matatarok ng isang matalino.
6 Sinasabi ng bawat isa na siya ay tapat,
ngunit kahit kanino sa kanila'y hindi ka nakakatiyak.
7 Kung ang isang ama'y namumuhay sa katuwiran,
mapalad ang mga anak na siya ang tinutularan.
8 Sa pagluklok ng hari upang igawad ang kahatulan,
walang matatagong anumang kasamaan.
9 Sino ang makakapagsabi na ang puso niya'y malinis
at di namuhay sa kasamaan kahit isang saglit?
10 Ang mandarayang timbangan at mandarayang sukatan,
kay Yahweh ay parehong kasuklam-suklam.
11 Kahit ang bata ay makikilala sa kanyang mga gawa;
makikita sa kanyang kilos kung siya ay tapat nga.
12 Ang taingang nakakarinig at matang nakakakita,
parehong si Yahweh ang siyang maylikha.
13 Matulog ka nang matulog at ika'y maghihirap,
ngunit maganda ang iyong bukas kung ika'y magsisikap.
14 Ang sabi ng mamimili, “Ang presyo mo'y ubod taas.”
Ngunit pagtalikod ay ipinamamalitang nakabarat.
15 Ang taong nakakaalam ng kanyang sinasabi,
daig pa ang may ginto at alahas na marami.
16 Ang sinumang nananagot sa utang ng iba,
dapat kunan ng ari-arian bilang garantiya.
17 Anumang nakuha sa pandaraya ay parang masarap na pagkain,
ngunit kapag tumagal ay para kang kumain ng buhangin.
18 Ang mabuting payo ay kailangan para magtagumpay;
kung hindi ka handa huwag nang pumalaot sa labanan.
19 Ang lihim ay nahahayag dahil sa mga tsismis,
kaya huwag kang makisama sa taong makati ang dila.
20 Sinumang magmura sa kanyang magulang,
parang ilaw na walang ningas ang wakas ng kanyang buhay.
21 Ang perang hindi pinaghirapan,
kung gastusin ay walang hinayang.
22 Huwag mong gantihan ng masama ang masama;
tutulungan ka ni Yahweh, sa kanya ka magtiwala.
23 Si Yahweh ay napopoot sa panukat na di tama,
siya ay namumuhi sa timbangang may daya.
24 Si Yahweh lamang ang nagtatakda ng ating landasin;
kaya huwag ipagyabang ang iyong lakbayin.
25 Bago mangako sa Diyos ay isiping mabuti,
upang hindi ka magsisi sa bandang huli.
26 Malalaman ng haring matalino ang lahat ng gumagawa ng masama,
at pagdating ng araw sila'y pinaparusahan nang walang awa.
27 Binigyan tayo ni Yahweh ng isipan at ng budhi,
kaya't wala tayong maitatago kahit na sandali.
28 Ang haring tapat at makatarungan
ay magtatagal sa kanyang luklukan.
29 Karangalan ng kabataan ang kanyang kalakasan,
ang putong ng katandaan, buhok na panay uban.
30 Ang hampas na lumalatay ay lumilinis ng kasamaan,
at ang palong nadarama'y humuhugas sa kalooban.