Mga Kawikaan 20
Ang Biblia, 2001
20 Ang alak ay manunuya, ang matapang na inumin ay manggugulo;
at sinumang naililigaw nito ay hindi matalino.
2 Ang matinding poot ng hari ay parang ungal ng leon;
ang gumagalit sa kanya ay nagkakasala laban sa kanyang buhay.
3 Karangalan para sa isang tao ang umiwas sa alitan;
ngunit bawat hangal ay makikipag-away.
4 Ang tamad ay hindi nag-aararo sa tagginaw;
siya'y maghahanap sa anihan, at walang matatagpuan.
5 Ang layunin sa puso ng tao ay parang malalim na tubig;
ngunit sa taong may kaunawaan, ito'y kanyang iniigib.
6 Maraming tao ang naghahayag ng sariling katapatan,
ngunit sinong makakatagpo ng taong tapat?
7 Ang taong matuwid na lumalakad sa katapatan niya—
mapapalad ang kanyang mga anak na susunod sa kanya!
8 Ibinubukod ng haring nakaupo sa trono ng kahatulan
sa pamamagitan ng kanyang mga mata, ang lahat ng kasamaan.
9 Sinong makapagsasabi, “Puso ko'y aking nalinisan;
ako'y malinis mula sa aking kasalanan”?
10 Iba't ibang panimbang, at iba't ibang sukatan,
parehong sa Panginoon ay karumaldumal.
11 Ang bata man ay nakikilala sa pamamagitan ng kanyang mga gawa,
kung ang kanyang ginagawa ay malinis at tama.
12 Ang nakikinig na tainga, at ang nakakakitang mata,
ang Panginoon ang parehong gumawa sa kanila.
13 Huwag mong ibigin ang pagtulog, baka humantong ka sa kahirapan,
imulat mo ang iyong mga mata, at mabubusog ka ng tinapay.
14 “Walang halaga, walang halaga,” sabi ng mamimili;
ngunit kapag nakalayo na siya, saka siya magmamalaki.
15 Mayroong ginto, at napakaraming mga batong mahal,
ngunit mahalagang hiyas ang mga labi ng kaalaman.
16 Kunin mo ang suot ng taong nananagot sa di-kilala;
at tanggapan mo ng sangla ang nananagot sa mga banyaga.
17 Matamis sa isang tao ang tinapay na nakuha sa pandaraya,
ngunit pagkatapos, ang kanyang bibig ay mapupuno ng graba.
18 Natatatag sa pamamagitan ng payo ang bawat panukala;
sa pamamagitan ng matalinong patnubay ikaw ay makipagdigma.
19 Ang naghahatid ng tsismis ay naghahayag ng mga lihim;
kaya't ang nagsasalita ng kahangalan ay huwag mong kasamahin.
20 Kung sumumpa sa kanyang ama o sa kanyang ina ang sinuman,
ang kanyang ilawan ay papatayin sa pusikit na kadiliman.
21 Ang mana na madaling nakuha sa pasimula,
sa katapusan ay hindi mapagpapala.
22 Huwag mong sabihin, “Ang masama'y aking gagantihan,”
maghintay ka sa Panginoon, at ikaw ay kanyang tutulungan.
23 Ang paiba-ibang panimbang, sa Panginoon ay karumaldumal,
at hindi mabuti ang madadayang timbangan.
24 Ang mga lakad ng tao ay sa Panginoon;
paano ngang mauunawaan ng tao ang kanyang lakad?
25 Isang bitag sa tao ang padalus-dalos na magsabi, “Ito ay banal,”
at pagkatapos gumawa ng mga panata, saka pa magbubulay-bulay.
26 Ibinubukod ng matalinong hari ang masama,
at sa gulong sila'y ipinasasagasa.
27 Ilawan ng Panginoon ang espiritu ng tao,
na sumisiyasat ng kaloob-looban nito.
28 Ang nagpapanatili sa hari ay katapatan at katotohanan,
at ang kanyang trono ay inaalalayan ng katuwiran.
29 Ang kaluwalhatian ng mga kabataan ay ang kanilang kalakasan,
at ang kagandahan ng matatanda ay ang ulo nilang may uban.
30 Ang mga latay na sumusugat ay lumilinis ng kasamaan;
at ang mga hampas ay nagpapadalisay sa kaloob-looban.