Mga Kawikaan 18
Magandang Balita Biblia
18 Ang taong makasarili ay humihiwalay sa karamihan,
at salungat sa lahat ng tamang isipan.
2 Walang saysay sa mangmang ang lahat ng bagay,
ang nais lang niya'y ipakitang siya'y may alam.
3 Pagsipot ng kasamaan, kasunod ay kahihiyan;
kapag nawala ang karangalan, kapalit ay kadustaan.
4 Ang wika ng tao ay bukal ng karunungan,
parang dagat na malalim at malamig na batisan.
5 Ang pagkiling sa may sala ay isang kamalian;
gayundin naman kung ipagkakait ang katarungan.
6 Ang labi ng mangmang, bunga ay alitan,
at ang kanyang bibig, hatid ay kaguluhan.
7 Kanyang bibig, maghahatid sa sariling kasiraan;
kanyang labi nama'y isang bitag na kahuhulugan.
8 Ang tsismis ay masarap pakinggan,
gustung-gusto ng lahat na pag-uusapan.
9 Ang taong batugan ay sinsama ng taong mapanira.
10 Ang pangalan ni Yahweh ay matibay na tanggulan,
kanlungan ng matuwid mula sa kapahamakan.
11 Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlungan,
akala niya'y maililigtas siya nito sa oras ng kapahamakan.
12 Ang pagmamataas ay nagbubunga ng kapahamakan,
ngunit ang pagpapakumbaba, ay karangalan.
13 Nakakahiya(A) at isang mangmang ang isang taong sumasagot sa tanong
na hindi naman niya nalalaman.
14 Ang matatag na kalooban ay mabuti sa tao,
ngunit kung mahina ang loob, anong mangyayari rito?
15 Ang matalino ay nagdaragdag ng kaalaman,
ang may unawa'y namumulot pa ng karunungan.
16 Kung nais mapalapit sa maykapangyarihan,
magdala ng regalo, sa kanya ay ibigay.
17 Ang unang pahayag ay inaakalang tama,
hangga't hindi naririnig, tanong ng kabila.
18 Ang sigalot ay maaaring malutas sa palabunutan,
at mapagkasundo ang mahigpit na magkaaway.
19 Ang kaibigang nasaktan ay higit pa sa lunsod na napapaderan,
ang di pagkakaunawaan ay mas matibay pa kaysa isang tarangkahan.
20 Anumang sabihin ng tao ay kanyang pananagutan,
ayon sa kanyang salita siya'y gagantimpalaan.
21 Ang buhay at kamatayan ay sa dila nakasalalay,
makikinabang ng bunga nito ang dito ay nagmamahal.
22 Ang(B) mabuting maybahay ay isang kayamanan;
siya'y pagpapala na si Yahweh lang ang may bigay.
23 Ang mahirap ay lumalapit sa diwa ng pakiusap,
ngunit ang sagot ng mayama'y salitang mararahas.
24 May pagkakaibigang madaling lumamig,
ngunit may kaibigang higit pa sa kapatid.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.