Mga Kawikaan 18
Ang Biblia, 2001
18 Ang namumuhay nang nag-iisa ay nagpapasasa,
at hinahamak ang lahat ng may mabuting pasiya.
2 Ang hangal ay hindi nalulugod sa pang-unawa,
kundi ang maihayag lamang ang sariling paniniwala.
3 Kapag dumarating ang kasamaan, ang paghamak ay dumarating din naman,
at kasama ng pagkutya ang kahihiyan.
4 Ang mga salita ng bibig ng tao ay parang malalim na tubig;
ang bukal ng karunungan ay parang umaagos na batis.
5 Hindi mabuti na ang masamang tao ay panigan,
o pagkaitan man ang taong matuwid ng katarungan.
6 Ang mga labi ng hangal ay nagdadala ng alitan,
at ang kanyang bibig ay nag-aanyaya ng hampasan.
7 Ang bibig ng hangal ang kapahamakan niya,
at ang kanyang mga labi ay bitag ng kanyang kaluluwa.
8 Ang mga salita ng mapagbulong ay masasarap na subo ang katulad,
sila'y nagsisibaba sa kaloob-looban ng katawan.
9 Siyang sa kanyang gawain ay pabaya,
ay isang kapatid ng maninira.
10 Ang pangalan ng Panginoon ay isang toreng matibay;
tinatakbuhan ng matuwid at doon siya'y tiwasay.
11 Ang yaman ng mayamang tao ang kanyang matibay na lunsod,
at sa kanyang pag-iisip ay tulad ng pader na matayog.
12 Bago ang pagkawasak ang puso ng tao ay palalo muna,
ngunit nauuna sa karangalan ang pagpapakumbaba.
13 Siyang sumasagot bago pa man makinig,
ito'y kahangalan at sa kanya'y kahihiyan.
14 Aalalay ang espiritu ng tao sa kanyang karamdaman;
ngunit ang bagbag na diwa, sino ang makakapasan?
15 Ang may matalinong pag-iisip ay kumukuha ng kaalaman,
at ang pandinig ng marunong ay humahanap ng kaalaman.
16 Ang kaloob ng tao ay nagbubukas ng daan sa kanya,
at dinadala siya sa harap ng mga taong dakila.
17 Ang unang naglalahad ng kanyang panig ay parang matuwid,
hanggang sa may ibang dumating at siya'y siyasatin.
18 Ang pagpapalabunutan sa mga pagtatalo'y nagwawakas,
at nagpapasiya sa mga magkatunggaling malalakas.
19 Ang kapatid na nasaktan ay tulad ng lunsod na matibay,
ngunit parang mga halang ng isang kastilyo ang pag-aaway.
20 Ang isang tao'y nabubusog ng bunga ng bibig niya,
sa bunga ng kanyang mga labi ay nasisiyahan siya.
21 Ang kamatayan at ang buhay ay nasa kapangyarihan ng dila;
at ang umiibig sa kanya ay kakain ng kanyang mga bunga.
22 Ang nakakatagpo ng asawang babae ay nakakatagpo ng mabuting bagay,
at mula sa Panginoon, pagpapala ay nakakamtan.
23 Ang mahirap ay gumagamit ng mga pakiusap,
ngunit ang mayaman ay sumasagot na may kagaspangan.
24 May mga kaibigang nagkukunwaring kaibigan,
ngunit may kaibigan na mas madikit kaysa isang kapatid.