Mga Hukom 3
Ang Dating Biblia (1905)
3 Ito nga ang mga bansang iniwan ng Panginoon, upang subukin ang Israel sa pamamagitan nila, sa makatuwid baga'y sa mga hindi nakaalam ng mga pagbabaka sa Canaan;
2 Nang maalaman man lamang yaon ng mga sali't saling lahi ng mga anak ni Israel, upang turuan sila ng pakikibaka, yaon man lamang nang una'y hindi nakaalam:
3 Ang nangabanggit ay ang limang pangulo ng mga Filisteo at ang lahat ng mga Cananeo, at ang mga Sidonio, at ang mga Heveo, na tumatahan sa bundok ng Libano, mula sa bundok ng Baal-hermon hanggang sa pasukan ng Hamath.
4 At sila nga upang subukin ang Israel sa pamamagitan nila, na maalaman kung kanilang didinggin ang mga utos ng Panginoon, na kaniyang iniutos sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ni Moises.
5 At ang mga anak ni Israel ay tumahan sa gitna ng mga Cananeo, ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Heveo, at ng Jebuseo:
6 At kinuha nila ang kanilang mga anak na babae upang maging mga asawa nila, at ibinigay ang kanilang sariling mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalake, at naglingkod sa kanilang mga dios.
7 At ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon, at nilimot ang Panginoon nilang Dios, at naglingkod sa mga Baal at sa mga Aseroth.
8 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa Israel, at kaniyang ipinagbili sila sa kamay ni Chusan-risathaim, na hari sa Mesopotamia: at ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Chusan-risathaim na walong taon.
9 At nang dumaing sa Panginoon ang mga anak ni Israel ay nagbangon ang Panginoon ng isang tagapagligtas sa mga anak ni Israel, na siyang nagligtas sa kanila, sa makatuwid baga'y si Othoniel na anak ni Cenaz, na kapatid na bata ni Caleb.
10 At ang Espiritu ng Panginoon ay sumakaniya, at siya'y naghukom sa Israel; at siya'y lumabas na nakibaka, at ibinigay ng Panginoon si Chusan-risathaim na hari sa Mesopotamia sa kaniyang kamay: at ang kaniyang kamay ay nanaig laban kay Chusan-risathaim.
11 At nagpahinga ang lupain na apat na pung taon. At si Othoniel na anak ni Cenaz ay namatay.
12 At ginawang muli ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon: at pinatibay ng Panginoon si Eglon na hari sa Moab laban sa Israel, sapagka't kanilang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon.
13 At kaniyang tinipon ang mga anak ni Ammon at ni Amalec; at siya'y yumaon at sinaktan niya ang Israel, at kanilang inari ang bayan ng mga puno ng palma.
14 At ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Eglon na labing walong taon.
15 Nguni't nang dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon, ibinangon sa kanila ng Panginoon ang isang tagapagligtas, si Aod na anak ni Gera, ang Benjamita, na isang lalaking kaliwete. At ang mga anak ni Israel, ay nagpadala ng isang kaloob sa pamamagitan niya kay Eglon na hari sa Moab.
16 At si Aod ay gumawa ng isang tabak na may dalawang talim, na may isang siko ang haba; at kaniyang ibinigkis sa loob ng kaniyang suot, sa kaniyang dakong kanang hita.
17 At kaniyang inihandog ang kaloob kay Eglon na hari sa Moab: at si Eglon ay lalaking napakataba.
18 At nang siya'y matapos makapaghandog ng kaloob, ay pinapagpaalam niya ang mga tao na nagdala ng kaloob.
19 Nguni't siya nga ay bumalik mula sa tibagan ng bato na nasa piling ng Gilgal, at nagsabi, Ako'y may isang pasugong lihim sa iyo, Oh hari. At kaniyang sinabi, Tumahimik ka. At yaong lahat na nakatayo sa siping niya, ay umalis sa harap niya.
20 At si Aod ay naparoon sa kaniya; at siya'y nakaupong magisa sa kaniyang kabahayan na pangtaginit. At sinabi ni Aod, Ako'y may dalang pasugo sa iyo na mula sa Dios. At siya'y tumindig sa kaniyang upuan.
21 At inilabas ni Aod ang kaniyang kaliwang kamay, at binunot ang tabak mula sa kaniyang kanang hita, at isinaksak sa kaniyang tiyan:
22 At pati ng puluhan ay sumuot na kasunod ng talim; at natikom ang taba sa tabak, sapagka't hindi niya binunot ang tabak sa kaniyang tiyan; at lumabas sa likod.
23 Nang magkagayo'y lumabas si Aod sa pintuan, at sinarhan niya siya sa mga pintuan ng kabahayan, at pinagtatrangkahan.
24 Nang makalabas nga siya ay dumating ang kaniyang mga alila; at kanilang nakita, at, narito, ang mga pintuan ng kabahayan ay nakakandaduhan; at kanilang sinabi, Walang pagsalang kaniyang tinatakpan ang kaniyang mga paa sa kaniyang silid na pangtaginit.
25 At sila'y nangaghintay hanggang sa sila'y nangapahiya; at, narito, hindi niya binuksan ang mga pintuan ng kabahayan: kaya't sila'y kumuha ng susi, at binuksan; at, narito, ang kanilang panginoon, ay nakabulagtang patay sa lupa.
26 At tumakas si Aod samantalang sila'y nangaghihintay, at siya'y dumaan sa dako roon ng tibagan ng bato at tumakas hanggang sa Seirath.
27 At nangyari, pagdating niya, ay kaniyang hinipan ang pakakak sa lupaing maburol ng Ephraim, at ang mga anak ni Israel ay nagsilusong na kasama niya mula sa lupaing maburol, at siya'y sa unahan nila.
28 At kaniyang sinabi sa kanila, Sumunod kayo sa akin; sapagka't ibinigay ng Panginoon ang inyong mga kaaway na mga Moabita sa inyong kamay. At sila'y nagsilusong na kasunod niya, at sinakop ang mga tawiran sa Jordan laban sa mga Moabita, at hindi nila pinayagang tumawid doon ang sinomang tao.
29 At sila'y sumakit sa Moab nang panahong yaon ng may sangpung libong lalake, bawa't lalaking may loob, at bawa't lalaking may tapang; at doo'y walang nakatakas na lalake.
30 Gayon napasuko ang Moab nang araw na yaon, sa ilalim ng kapangyarihan ng kamay ng Israel: at ang lupa'y nagpahingang walong pung taon.
31 At pagkatapos niya'y si Samgar, na anak ni Anat, ay siyang nanakit sa mga Filisteo, ng anim na raang lalake, sa pamamagitan ng panundot sa baka: at kaniya ring iniligtas ang Israel.
Mga Hukom 3
Ang Biblia, 2001
Ang mga Bansang Iniwan ng Panginoon upang Subukin ang Israel
3 Ito ang mga bansang iniwan ng Panginoon upang subukin ang mga Israelita na walang karanasan sa pakikipaglaban sa Canaan;
2 Iyon ay upang malaman ng mga salinlahi ng mga anak ni Israel ang pakikipaglabanan, upang turuan sa pakikipaglaban ang mga hindi nakaranas nito noong una.
3 Ang nabanggit ay ang limang pinuno ng mga Filisteo at ang lahat ng mga Cananeo, mga Sidonio, at mga Heveo na naninirahan sa bundok ng Lebanon, mula sa bundok ng Baal-hermon hanggang sa pasukan ng Hamat.
4 Ang mga ito ay upang subukin ang Israel sa pamamagitan nila, at malaman kung kanilang papakinggan ang mga utos ng Panginoon, na kanyang iniutos sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ni Moises.
5 Kaya't ang mga anak ni Israel ay nanirahang kasama ng mga Cananeo, mga Heteo, mga Amoreo, mga Perezeo, mga Heveo, at mga Jebuseo.
6 Kinuha nila ang kanilang mga anak na babae upang maging mga asawa nila, at ibinigay ang kanilang sariling mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, at naglingkod sa kanilang mga diyos.
Si Otniel ang Siyang Naging Hukom
7 Ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon, at nilimot ang Panginoon nilang Diyos, at naglingkod sa mga Baal at sa mga Ashera.
8 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kanyang ipinagbili sila sa kamay ni Cushan-risataim, na hari sa Mesopotamia; at ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Cushan-risataim ng walong taon.
9 Ngunit nang dumaing sa Panginoon ang mga anak ni Israel, ang Panginoon ay nagbangon ng isang tagapagligtas sa mga anak ni Israel, na siyang nagligtas sa kanila, samakatuwid ay si Otniel na anak ni Kenaz, na nakababatang kapatid ni Caleb.
10 Ang Espiritu ng Panginoon ay sumakanya, at siya'y naging hukom sa Israel. Siya'y lumabas sa pakikipaglaban, at ibinigay ng Panginoon sa kanyang kamay si Cushan-risataim na hari sa Mesopotamia at ang kanyang kamay ay nanaig laban kay Cushan-risataim.
11 Kaya't nagpahinga ang lupain ng apatnapung taon. At si Otniel na anak ni Kenaz ay namatay.
12 Muling gumawa ng masama ang mga anak ni Israel sa paningin ng Panginoon. Pinatatag ng Panginoon si Eglon na hari sa Moab laban sa Israel, sapagkat kanilang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon.
13 Kanyang tinipon ang mga anak ni Ammon at ni Amalek at siya'y humayo at tinalo niya ang Israel, at kanilang inangkin ang lunsod ng mga puno ng palma.
14 Ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Eglon na hari ng Moab ng labingwalong taon.
Naging Hukom si Ehud
15 Ngunit nang dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon, humirang para sa kanila ang Panginoon ng isang tagapagligtas, si Ehud na anak ni Gera, ang Benjaminita, na isang lalaking kaliwete. At ang mga anak ni Israel ay nagpadala ng buwis sa pamamagitan niya kay Eglon na hari ng Moab.
16 Si Ehud ay gumawa ng isang tabak na may dalawang talim, na may isang siko ang haba; at kanyang ibinigkis sa loob ng kanyang suot, sa kanyang dakong kanang hita.
17 Kanyang inihandog ang buwis kay Eglon na hari ng Moab; at si Eglon ay lalaking napakataba.
18 Pagkatapos makapaghandog ng buwis, pinaalis niya ang mga taong nagdala ng kaloob.
19 Ngunit siya ay bumalik mula sa tibagan ng bato na malapit sa Gilgal, at nagsabi, “Ako'y may isang lihim na mensahe sa iyo, O hari.” At kanyang sinabi, “Tumahimik ka.” At ang lahat ng kanyang tagapaglingkod ay umalis sa kanyang harapan.
20 Si Ehud ay lumapit sa kanya habang siya'y nakaupong mag-isa sa kanyang malamig na silid sa itaas. Sinabi ni Ehud, “Ako'y may dalang mensahe sa iyo na mula sa Diyos.” Siya'y tumindig sa kanyang upuan.
21 At inabot ni Ehud ng kanyang kaliwang kamay ang tabak mula sa kanyang kanang hita, at isinaksak sa tiyan ni Eglon.
22 Pati ang puluhan ay sumuot na kasunod ng talim, at natikom ang taba sa tabak, sapagkat hindi niya binunot ang tabak sa kanyang tiyan; at lumabas ang dumi.
23 Nang magkagayo'y lumabas si Ehud sa pintuan, at pinagsarhan niya ng mga pintuan ang silid sa itaas at ikinandado ang mga ito.
24 Nang makalabas siya ay dumating ang kanyang mga katulong. Kanilang nakita na ang mga pintuan ng silid sa itaas ay nakakandado; at kanilang sinabi, “Maaaring siya ay dumudumi[a] sa malamig na silid.”
25 Sila'y naghintay hanggang sa sila'y mag-alala. Nang hindi pa niya buksan ang mga pintuan ng silid sa itaas, sila'y kumuha ng susi at binuksan ang mga ito. Nakita nilang ang kanilang panginoon ay patay na nakabulagta sa sahig.
26 Tumakas si Ehud samantalang sila'y naghihintay, at siya'y dumaan sa dako roon ng tibagan ng bato at tumakas hanggang sa Seira.
27 Pagdating niya ay kanyang hinipan ang trumpeta sa lupaing maburol ng Efraim, at ang mga anak ni Israel ay lumusong na kasama niya mula sa lupaing maburol, at siya'y nasa unahan nila.
28 Kanyang sinabi sa kanila, “Sumunod kayo sa akin; sapagkat ibinigay ng Panginoon ang inyong mga kaaway na mga Moabita sa inyong kamay.” At sila'y lumusong na kasunod niya, sinakop ang mga tawiran sa Jordan laban sa mga Moabita, at hindi nila pinayagang tumawid doon ang sinumang tao.
29 Ang kanilang napatay nang panahong iyon ay may sampung libo sa mga Moabita, lahat ng malalakas, matitipuno ang katawan; at doo'y walang nakatakas na lalaki.
30 Gayon nalupig ang Moab nang araw na iyon, sa ilalim ng kamay ng Israel. At ang lupain ay nagpahinga ng walumpung taon.
Tinalo ni Shamgar ang mga Filisteo
31 Kasunod niya'y dumating si Shamgar, na anak ni Anat, na nakapatay ng animnaraang Filisteo sa pamamagitan ng panundot sa baka; at kanya ring iniligtas ang Israel.
Footnotes
- Mga Hukom 3:24 Sa Hebreo ay kanyang tinatakpan ang kanyang mga paa .
Hukom 3
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang mga Natirang Tao sa Canaan
3 Nagtira ang Panginoon ng ibang mga tao sa Canaan para subukin ang mga Israelita na hindi nakaranas makipaglaban sa Canaan. 2 Ginawa ito ng Panginoon para maturuan niyang makipaglaban ang mga lahi ng Israelita na hindi pa nakaranas nito. 3 Ito ang mga taong itinira ng Panginoon: ang mga nakatira sa limang lungsod ng mga Filisteo, ang lahat ng Cananeo, ang mga Sidoneo, at ang mga Hiveo na nakatira sa mga bundok ng Lebanon, mula sa Bundok ng Baal Hermon hanggang sa Lebo Hamat. 4 Itinira sila para subukin kung tutuparin ng mga Israelita ang mga utos ng Panginoon na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno sa pamamagitan ni Moises. 5 Kaya nanirahan ang mga Israelita kasama ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo. 6 Nagsipag-asawa ang mga Israelita ng mga anak ng mga taong ito at ibinigay nila ang kanilang mga anak na babae para maging asawa rin ng mga ito, at sumamba rin sila sa mga dios-diosan ng mga ito.
Si Otniel
7 Gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon dahil kinalimutan nila ang Panginoon na kanilang Dios at sumamba sila sa mga imahen ni Baal at ni Ashera. 8 Dahil dito, labis na nagalit ang Panginoon sa kanila, kaya hinayaan niya silang matalo ni Haring Cushan Rishataim ng Aram Naharaim.[a] Silaʼy sinakop nito sa loob ng walong taon.
9 Pero nang humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon, binigyan sila ng isang tao na magliligtas sa kanila. Siyaʼy si Otniel na anak ni Kenaz na nakababatang kapatid ni Caleb. 10 Ginabayan siya ng Espiritu ng Panginoon, at pinamunuan niya ang Israel. Nakipaglaban siya kay Haring Cushan Rishataim ng Aram, at pinagtagumpay siya ng Panginoon. 11 Kaya nagkaroon ng kapayapaan sa Israel sa loob ng 40 taon. At pagkatapos ay namatay si Otniel.
Si Ehud
12 Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita sa paningin ng Panginoon. Dahil dito, ipinasakop sila ng Panginoon kay Haring Eglon ng Moab. 13 Sa tulong ng mga Ammonita at Amalekita, nilusob at tinalo ni Eglon ang Israel, at sinakop ang lungsod ng Jerico.[b] 14 Sinakop sila ni Eglon sa loob ng 18 taon.
15 Muling humingi ng tulong ang mga Israelita sa Panginoon at binigyan sila ng isang tao na magliligtas sa kanila. Siya ay ang kaliweteng si Ehud na anak ni Gera na mula sa lahi ni Benjamin. Ipinadala siya ng mga Israelita kay Haring Eglon ng Moab para ibigay dito ang buwis ng Israel. 16 Bago siya umalis, gumawa siya ng isang espada na magkabila ang talim na may kalahating metro ang haba. Itinali niya ito sa kanyang kanang hita sa ilalim ng kanyang damit. 17 Nang naroon na siya, ibinigay niya ang buwis kay Haring Eglon na napakatabang tao. 18 Nang maibigay ni Ehud ang buwis, pinauwi niya ang mga kasamahang nagdala ng buwis. 19 Sumama siya sa kanila noong una, pero nang makarating sila sa mga inukitang bato sa Gilgal, bumalik si Ehud at sinabi sa hari, “Mahal na Hari, may lihim po akong sasabihin sa inyo.” Kaya sinabi ng hari sa mga utusan niya, “Iwan nʼyo muna kami.” At umalis ang lahat ng utusan niya. 20 Pagkatapos, lumapit si Ehud sa hari na nakaupo sa malamig niyang kwarto sa itaas. Sinabi ni Ehud, “May mensahe ako sa inyo mula sa Dios.” Nang tumayo ang hari, 21 binunot ni Ehud ng kaliwang kamay niya ang espada sa kanang hita niya, at sinaksak sa tiyan ang hari, 22 at tumagos ito hanggang sa kanyang likod. At dahil mataba ang hari, bumaon pati ang hawakan ng espada. Kaya hindi na niya ito binunot.
23 Pagkatapos, lumabas si Ehud sa kwarto at ikinandado ang mga pinto. 24 Nang nakaalis na siya, bumalik ang mga utusan ng hari at nakita nila na sarado ang mga pinto. Akala nila nasa palikuran ang hari, 25 kaya hindi na lang nila binuksan ang mga pinto at naghintay sila sa labas. Pero nang magtagal, hindi na sila mapalagay dahil hindi pa rin binubuksan ng hari ang mga pinto. Kaya kinuha na lang nila ang susi at binuksan ito, at nakita nila ang kanilang hari na nakahandusay sa sahig na patay na.
26 Habang hinihintay ng mga utusan na buksan ng hari ang mga pinto, nakatakas na si Ehud. Dumaan siya sa mga imaheng bato at pumunta sa Seira. 27 Pagdating niya sa kabundukan ng Efraim, hinipan niya ang trumpeta para tawagin ang mga Israelita sa pakikipaglaban. Pagkatapos, bumaba ang mga Israelita mula sa kabundukan sa pangunguna ni Ehud. 28 Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin dahil pagtatagumpayin kayo ng Panginoon laban sa Moab na kalaban ninyo.” Kaya sumunod sila sa kanya at sinakop nila ang tawiran sa Ilog ng Jordan patungong Moab, at wala silang pinatawid doon ni isang tao. 29 Nang araw na iyon, nakapatay sila ng 10,000 malalakas at matatapang na Moabita. Wala ni isang nakatakas sa kanila. 30 Sinakop ng Israel ang Moab nang araw na iyon, at mula noon, naging mapayapa ang Israel sa loob ng 80 taon.
Si Shamgar
31 Si Shamgar na anak ni Anat ang sumunod kay Ehud bilang pinuno. Iniligtas niya ang Israel sa mga Filisteo. Nakapatay siya ng 600 Filisteo gamit ang tungkod niyang pangtaboy sa baka.
Mga Hukom 3
Ang Biblia (1978)
Mga bansang iniwan ng Panginoon upang subukin ang Israel.
3 Ito nga ang mga (A)bansang iniwan ng Panginoon, upang subukin ang Israel sa pamamagitan nila, sa makatuwid baga'y sa mga hindi nakaalam ng mga pagbabaka sa Canaan;
2 Nang maalaman man lamang yaon ng mga sali't saling lahi ng mga anak ni Israel, upang turuan sila ng pakikibaka, yaon man lamang nang una'y hindi nakaalam:
3 (B)Ang nangabanggit ay ang limang pangulo ng mga Filisteo at ang lahat ng mga Cananeo, at ang mga Sidonio, at ang mga Heveo, na tumatahan sa bundok ng (C)Libano, mula sa bundok ng Baal-hermon hanggang sa pasukan ng Hamath.
4 At sila nga upang subukin ang Israel sa pamamagitan nila, na maalaman kung kanilang didinggin ang mga utos ng Panginoon, na kaniyang iniutos sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ni Moises.
5 (D)At ang mga anak ni Israel ay tumahan sa gitna ng mga Cananeo, ng Hetheo, at ng Amorrheo, at ng Pherezeo, at ng Heveo, at ng Jebuseo:
6 (E)At kinuha nila ang kanilang mga anak na babae upang maging mga asawa nila, at ibinigay ang kanilang sariling mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalake, at naglingkod sa kanilang mga dios.
Si Othoniel ang siyang naging Hukom.
7 (F)At ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon, at nilimot ang Panginoon nilang Dios, at (G)naglingkod sa mga Baal at sa mga (H)Aseroth.
8 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nagalab laban sa Israel, at kaniyang ipinagbili sila sa kamay ni Chusan-risathaim, na hari sa Mesopotamia: at ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Chusan-risathaim na walong taon.
9 (I)At nang dumaing sa Panginoon ang mga anak ni Israel ay nagbangon ang Panginoon ng isang tagapagligtas sa mga anak ni Israel, na siyang nagligtas sa kanila, sa makatuwid baga'y si (J)Othoniel na anak ni Cenaz, na kapatid na bata ni Caleb.
10 At (K)ang Espiritu ng Panginoon ay sumakaniya, at siya'y naghukom sa Israel; at siya'y lumabas na nakibaka, at ibinigay ng Panginoon si Chusan-risathaim na hari sa Mesopotamia sa kaniyang kamay: at ang kaniyang kamay ay nanaig laban kay Chusan-risathaim.
11 (L)At nagpahinga ang lupain na apat na pung taon. At si Othoniel na anak ni Cenaz ay namatay.
12 At ginawang muli ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon: at pinatibay ng Panginoon si (M)Eglon na hari sa Moab laban sa Israel, sapagka't kanilang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon.
13 At kaniyang tinipon ang mga anak ni (N)Ammon at ni (O)Amalec; at siya'y yumaon at sinaktan niya ang Israel, at kanilang inari ang (P)bayan ng mga puno ng palma.
14 At ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Eglon na labing walong taon.
Pagiging Hukom ni Aod.
15 Nguni't nang dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon, ibinangon sa kanila ng Panginoon ang isang tagapagligtas, si Aod na anak ni Gera, ang Benjamita, na isang lalaking kaliwete. At ang mga anak ni Israel, ay nagpadala ng isang kaloob sa pamamagitan niya kay Eglon na hari sa Moab.
16 At si Aod ay gumawa ng isang tabak na may dalawang talim, na may isang siko ang haba; at kaniyang ibinigkis sa loob ng kaniyang suot, sa kaniyang dakong kanang hita.
17 At kaniyang inihandog ang kaloob kay Eglon na hari sa Moab: at si Eglon ay lalaking napakataba.
18 At nang siya'y matapos makapaghandog ng kaloob, ay pinapagpaalam niya ang mga tao na nagdala ng kaloob.
19 Nguni't siya nga ay bumalik mula sa tibagan ng bato na nasa piling ng Gilgal, at nagsabi, Ako'y may isang pasugong lihim sa iyo, Oh hari. At kaniyang sinabi, Tumahimik ka. At yaong lahat na nakatayo sa siping niya, ay umalis sa harap niya.
20 At si Aod ay naparoon sa kaniya; at siya'y nakaupong magisa sa kaniyang kabahayan na pangtaginit. At sinabi ni Aod, Ako'y may dalang pasugo sa iyo na mula sa Dios. At siya'y tumindig sa kaniyang upuan.
21 At inilabas ni Aod ang kaniyang kaliwang kamay, at binunot ang tabak mula sa kaniyang kanang hita, at isinaksak sa kaniyang tiyan:
22 At pati ng puluhan ay sumuot na kasunod ng talim; at natikom ang taba sa tabak, sapagka't hindi niya binunot ang tabak sa kaniyang tiyan; at lumabas sa likod.
23 Nang magkagayo'y lumabas si Aod sa pintuan, at sinarhan niya siya sa mga pintuan ng kabahayan, at pinagtatrangkahan.
24 Nang makalabas nga siya ay dumating ang kaniyang mga alila; at kanilang nakita, at, narito, ang mga pintuan ng kabahayan ay nakakandaduhan; at kanilang sinabi, Walang pagsalang kaniyang tinatakpan ang kaniyang mga paa sa kaniyang silid na pangtaginit.
25 At sila'y nangaghintay hanggang sa sila'y nangapahiya; at, narito, hindi niya binuksan ang mga pintuan ng kabahayan: kaya't sila'y kumuha ng susi, at binuksan; at, narito, ang kanilang panginoon, ay nakabulagtang patay sa lupa.
26 At tumakas si Aod samantalang sila'y nangaghihintay, at siya'y dumaan sa dako roon ng tibagan ng bato at tumakas hanggang sa Seirath.
27 At nangyari, pagdating niya, ay kaniyang hinipan[a] ang pakakak sa lupaing (Q)maburol ng Ephraim, at ang mga anak ni Israel ay nagsilusong na kasama niya mula sa lupaing maburol, at siya'y sa unahan nila.
28 At kaniyang sinabi sa kanila, Sumunod kayo sa akin; sapagka't ibinigay ng (R)Panginoon ang inyong mga kaaway na mga Moabita sa inyong kamay. At sila'y nagsilusong na kasunod niya, at sinakop ang mga (S)tawiran sa Jordan laban sa mga Moabita, at hindi nila pinayagang tumawid doon ang sinomang tao.
29 At sila'y sumakit sa Moab nang panahong yaon ng may sangpung libong lalake, bawa't lalaking may loob, at bawa't lalaking may tapang; at doo'y walang nakatakas na lalake.
30 Gayon napasuko ang Moab nang araw na yaon, sa ilalim ng kapangyarihan ng kamay ng Israel: (T)at ang lupa'y nagpahingang walong pung taon.
Samgar ang tumalo sa Filisteo.
31 At pagkatapos niya'y si (U)Samgar, na anak ni Anat, ay siyang nanakit sa mga Filisteo, ng anim na raang lalake, sa pamamagitan ng panundot sa baka: (V)at kaniya ring iniligtas ang (W)Israel.
Footnotes
- Mga Hukom 3:27 Huk. 6:34. 1 Sam. 13:3.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
