Mga Hebreo 9
Ang Biblia, 2001
Ang Panlupa at ang Panlangit na mga Santuwaryo
9 Ngayon, maging ang unang tipan ay nagkaroon ng mga alituntunin sa pagsamba at ng isang panlupang santuwaryo.
2 Sapagkat(A) inihanda ang unang tabernakulo na kinaroroonan ng ilawan, dulang, at ng mga tinapay na handog; ito ay tinatawag na Dakong Banal.
3 Sa(B) likod ng ikalawang tabing ay ang tabernakulo na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan.
4 Dito(C) ay nakatayo ang isang gintong dambana ng insenso at ang kaban ng tipan na ang paligid ay nababalutan ng ginto, na siyang kinaroroonan ng sisidlang-ginto na kinalalagyan ng manna at ng tungkod ni Aaron na namulaklak, at ang mga tapyas na bato ng tipan.
5 Sa(D) ibabaw nito ay ang mga kerubin ng kaluwalhatian na lumililim sa trono ng awa. Ang mga bagay na ito ay hindi namin masasabi ngayon ng isa-isa.
6 Pagkatapos(E) magawa ang ganitong pagkahanda, ang mga pari ay patuloy na pumapasok sa unang tabernakulo upang gawin ang kanilang katungkulan sa paglilingkod;
7 subalit(F) sa ikalawa ay nag-iisang pumapasok ang pinakapunong pari, minsan sa isang taon, na may dalang dugo bilang handog niya para sa kanyang sarili at sa mga kasalanang nagawa nang di sinasadya ng taong-bayan.
8 Sa pamamagitan nito, itinuturo ng Espiritu Santo na hindi pa naihahayag ang daan patungo sa santuwaryo, habang nakatayo pa ang unang tabernakulo.
9 Iyon ay isang sagisag[a] ng panahong kasalukuyan, na sa panahong yaon ang mga kaloob at ang mga alay na inihahandog ay hindi makapagpapasakdal sa budhi ng sumasamba,
10 kundi tungkol lamang sa mga pagkain at mga inumin at iba't ibang paghuhugas, na mga alituntunin tungkol sa katawan na ipinatutupad hanggang sa ang panahon ay dumating upang maisaayos ang mga bagay.
11 Ngunit nang dumating si Cristo na Pinakapunong Pari ng mabubuting bagay na darating,[b] sa pamamagitan ng lalong dakila at lalong sakdal na tabernakulo na hindi gawa ng mga kamay ng tao, samakatuwid ay hindi sa sangnilikhang ito,
12 at hindi rin sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at mga toro, kundi sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo, siya ay pumasok na minsan magpakailanman sa Dakong Banal, sa gayo'y tinitiyak ang walang hanggang katubusan.
13 Sapagkat(G) kung ang dugo ng mga kambing at ng mga toro, at ang abo ng dumalagang baka na iwiniwisik sa mga nadungisan ay makapagpapabanal sa ikalilinis ng laman,
14 gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inihandog ang kanyang sarili na walang dungis sa Diyos, ay maglilinis ng ating budhi mula sa mga gawang patay upang maglingkod sa Diyos na buháy?
15 Kaya't siya ang tagapamagitan ng isang bagong tipan, upang ang mga tinawag ay tumanggap ng pangako na pamanang buhay na walang hanggan. Yamang naganap ang isang kamatayan na tumutubos sa kanila mula sa mga pagsalangsang sa ilalim ng unang tipan.
16 Sapagkat kung saan mayroong tipan, ang kamatayan ng gumawa niyon ay dapat matiyak.
17 Sapagkat ang isang tipan ay pinagtitibay sa kamatayan, yamang ito'y walang bisa habang nabubuhay pa ang gumawa ng tipan.
18 Kaya't maging ang unang tipan ay hindi pinagtibay ng walang dugo.
19 Sapagkat(H) nang sabihin ni Moises ang bawat utos sa buong bayan ayon sa kautusan, kumuha siya ng dugo ng baka at ng mga kambing, na may tubig at mapulang balahibo at isopo, at winisikan niya ang aklat at gayundin ang buong bayan,
20 na sinasabi, “Ito ang dugo ng tipan na iniutos ng Diyos sa inyo.”
21 Sa(I) gayunding paraan, ang tabernakulo at ang lahat ng mga kasangkapang ginagamit sa banal na pagsamba ay pinagwiwisikan niya ng dugo.
22 Sa(J) katunayan, sa ilalim ng kautusan, halos lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at kung walang pagdanak ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan.
Ang Sakripisyong Nag-aalis ng Kasalanan
23 Kaya't kailangan na ang mga sinipi mula sa mga bagay sa kalangitan ay linisin ng mga ito, ngunit ang mga bagay sa sangkalangitan ay sa pamamagitan ng higit na mabubuting handog kaysa mga ito.
24 Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa santuwaryo na ginawa ng mga kamay ng tao na mga kahalintulad lamang ng mga tunay na bagay, kundi sa mismong langit, upang dumulog ngayon sa harapan ng Diyos para sa atin.
25 Hindi upang ihandog na paulit-ulit ang kanyang sarili, gaya ng pinakapunong pari na pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo na hindi mula sa kanya,
26 sapagkat kung gayon ay kailangan siyang paulit-ulit na maghirap mula pa nang lalangin ang sanlibutan. Subalit ngayon, minsanan siyang nahayag sa katapusan ng panahon para sa pag-aalis ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang sarili.
27 At yamang itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom,
28 ay(K) gayundin naman si Cristo, na inihandog na minsan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami, ay magpapakita sa ikalawang pagkakataon, hindi upang harapin ang kasalanan, kundi upang iligtas ang mga sabik na naghihintay sa kanya.
Footnotes
- Mga Hebreo 9:9 Sa Griyego ay talinghaga .
- Mga Hebreo 9:11 Sa ibang mga kasulatan ay dumating .