Mga Hebreo 7
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Pagkapari ni Melquizedek
7 Ang (A) Melquizedek na ito, hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos, ay sumalubong kay Abraham sa pagbabalik niya galing sa paglipol sa mga hari, at siya’y binasbasan nito. 2 Sa kanya ibinigay ni Abraham ang ikasampung bahagi ng lahat. Una sa lahat, si Melquizedek ay hari ng katuwiran; ito ang kahulugan ng kanyang pangalan. At dahil hari siya ng Salem, siya ay hari din ng kapayapaan. 3 Walang binanggit na ama o ina o talaan ng kanyang angkan o maging tungkol sa kanyang kapanganakan o kamatayan. Tulad ng Anak ng Diyos, siya ay nanatiling pari magpakailanman.
4 Masdan ninyo kung gaano kadakila ang taong ito! Maging si Abraham na patriyarka ay nagkaloob sa kanya ng ikasampung bahagi ng kanyang mga nasamsam mula sa labanan. 5 Ang (B) mga pari mula sa angkan ni Levi ay itinatakda ng Kautusan na tumanggap ang ikasampung bahagi mula sa taong-bayan, na kanilang mga kapatid, kahit ang mga ito ay mula rin kay Abraham. 6 Ngunit si Melquizedek, bagamat hindi mula sa lahi ni Levi, ay tumanggap ng ikasampung bahagi mula kay Abraham. At binasbasan ni Melquizedek si Abraham na siyang pinangakuan ng Diyos. 7 Walang alinlangan na ang mas mababa ay tumatanggap ng basbas mula sa mas nakakataas. 8 Sa isang banda, ang mga pari na tumatanggap ng ikasampung bahagi ay namamatay; sa kabila naman, ang tumanggap ay pinatutunayang nanatiling buháy. 9 Maaari pang sabihin na maging si Levi na tumatanggap ng mga ikasampung bahagi ay nagbayad ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham, 10 sapagkat nang siya’y salubungin ni Melquizedek, si Levi ay nasa katawan pa ng kanyang ninunong Abraham.
11 Ngayon, kung ang pagiging sakdal ay makakamit sa pamamagitan ng pagkapari ng mga Levita, yamang tinanggap ng bayan ang Kautusan sa pamamagitan ng mga paring Levita—bakit kinailangan pa na may lumitaw na isang pari ayon sa pagkapari ni Melquizedek at hindi ayon sa pagkapari ni Aaron? 12 Sapagkat kapag may pagbabago sa pagkapari, kailangan ding may pagbabago sa Kautusan. 13 Sapagkat ang tinutukoy ng mga bagay na ito ay kabilang sa ibang angkan, at mula sa angkang iyon ay wala pang sinuman na naglingkod sa dambana. 14 Maliwanag na ang ating Panginoon ay nagmula sa Juda, at walang sinabing anuman si Moises tungkol sa mga pari kaugnay ng liping iyon. 15 Lalo pa itong naging maliwanag nang lumitaw ang isang pari na kagaya ni Melquizedek, 16 siya ay naging pari, hindi dahil sa itinatakda ng batas ukol sa lahing pinagmulan, kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na hindi mapupuksa. 17 Sapagkat (C) pinapatotohanan,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
18 Sa isang dako'y pinawalang bisa ang naunang alituntunin sapagkat ito ay mahina at walang pakinabang, 19 yamang hindi nagawa ng Kautusan na maging sakdal ang sinuman. Sa kabilang dako nama'y ipinakilala ang higit na mabuting pag-asa, at sa pamamagitan nito ay lumalapit tayo sa Diyos.
20 At ang pagiging pari ni Jesus ay may kasamang panunumpa, hindi kagaya ng mga nauna na naging pari na walang kasamang panunumpa. 21 Subalit (D) siya ay naging pari na mayroong panunumpa nang sabihin ng Diyos sa kanya,
“Nanumpa ang Panginoon
at hindi siya magbabago ng kanyang isip,
‘Ikaw ay pari magpakailanman.’ ”
22 Dahil dito, si Jesus ang naging katiyakan ng mas mabuting tipan. 23 Bukod dito, kailangan noon ang maraming pari sapagkat hinahadlangan ng kamatayan ang pagpapatuloy nila sa tungkulin. 24 Subalit dahil nananatili si Jesus magpakailanman, ang kanyang pagkapari ay walang katapusan. 25 Dahil dito, sa lahat ng panahon ay kaya niyang iligtas ang lahat[a] ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, yamang lagi siyang nabubuhay upang mamagitan para sa kanila.
26 Nararapat lang, kung gayon, na magkaroon tayo ng ganoong Kataas-taasang Pari na banal, walang sala, walang dungis, inihiwalay sa mga makasalanan, at naging mas mataas kaysa mga langit. 27 Hindi (E) katulad ng ibang mga Kataas-taasang Pari, hindi niya kailangang maghandog ng alay araw-araw, una'y para sa kanyang sariling mga kasalanan, at para na rin sa mga kasalanan ng bayan. Nang ihandog niya ang kanyang sarili, ang kanyang handog ay minsan lamang, at ang bisa'y magpakailanman. 28 Sapagkat ang hinihirang ng Kautusan bilang mga Kataas-taasang Pari ay mga taong may kahinaan; ngunit ang salita ng panunumpa sa pagkapari na dumating pagkatapos ng Kautusan ay humirang sa Anak, na ginawang sakdal magpakailanman.
Footnotes
- Mga Hebreo 7:25 o kaya'y kaya niyang iligtas nang lubusan ang lahat.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.