Mga Hebreo 2
Ang Biblia (1978)
2 Kaya't nararapat nating pagkatantuin ang mga bagay na narinig, baka sakaling tayo'y makahagpos.
2 Sapagka't kung ang ipinangusap na salita (A)sa pamamagitan ng mga anghel ay nagtibay, at ang bawa't pagsalangsang at pagsuway ay tumanggap ng matuwid na parusa na kabayaran;
3 Paanong makatatanan (B)tayo, kung ating pabayaan ang ganitong dakilang kaligtasan? (C)na ipinangusap ng Panginoon noong una ay (D)pinatunayan sa atin sa pamamagitan ng mga nakarinig;
4 Na pawang sinasaksihan naman ng Dios na kasama nila, sa pamamagitan ng (E)mga tanda at mga kababalaghan, at ng saganang (F)kapangyarihan, at (G)ng mga kaloob ng Espiritu Santo, ayon sa kaniyang sariling kalooban.
5 Sapagka't hindi niya ipinasakop sa mga anghel (H)ang sanglibutang darating, na siya naming isinasaysay.
6 Nguni't pinatunayan ng isa sa isang dako, na sinasabi,
(I)Ano ang tao, upang siya'y iyong alalahanin?
O ang anak ng tao, upang siya'y iyong dalawin?
7 Siya'y ginawa mong mababa ng kaunti kay sa mga anghel;
Siya'y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan,
At siya'y inilagay mo sa ibabaw ng mga gawa ng iyong mga kamay:
8 Inilagay mo (J)ang lahat ng mga bagay sa pagsuko sa ilalim ng kaniyang mga paa.
Sapagka't nang pasukuin niya ang lahat ng mga bagay sa kaniya, ay wala siyang iniwan na di sumuko sa kaniya. (K)Nguni't ngayon ay hindi pa natin nakikitang sumuko sa kaniya ang lahat ng mga bagay.
9 Kundi nakikita natin ang (L)ginawang mababa ng kaunti kay sa mga anghel, sa makatuwid ay si Jesus, na dahil sa pagbata ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Dios ay (M)lasapin niya ang kamatayan (N)dahil sa bawa't tao.
10 (O)Sapagka't marapat sa kaniya na (P)pinagukulan ng lahat ng mga bagay, at sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming anak sa kaluwalhatian (Q)na (R)gawing sakdal siyang may gawa ng kaligtasan nila sa pamamagitan ng mga sakit.
11 Sapagka't (S)ang nagpapagingbanal at ang mga pinapagingbanal ay pawang (T)sa isa: na dahil dito'y (U)hindi siya nahihiyang tawagin silang mga kapatid,
12 Na sinasabi,
(V)Ibabalita ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid,
Sa gitna ng kapisanan ay aawitin ko ang kapurihan mo.
13 At muli, (W)ilalagak ko ang aking pagkakatiwala sa kaniya. At muli, (X)Narito, ako at ang mga (Y)anak na ibinigay sa akin ng Dios.
14 Dahil sa ang mga anak ay mga may bahagi sa laman at dugo, (Z)siya nama'y gayon ding nakabahagi sa mga ito; (AA)upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kaniyang malipol yaong may paghahari sa kamatayan, sa makatuwid ay ang diablo:
15 At mailigtas silang lahat (AB)na dahil sa takot sa kamatayan ay nangasailalim ng pagkaalipin sa buong buhay nila.
16 Sapagka't tunay na hindi niya tinutulungan ang mga anghel, kundi tinutulungan niya ang binhi ni Abraham.
17 Kaya't nararapat sa kaniya na sa lahat ng mga bagay ay matulad sa kaniyang mga kapatid, upang maging isang dakilang saserdoteng (AC)maawain at tapat sa mga bagay na nauukol sa Dios, upang gumawa ng pangpalubag-loob patungkol sa mga kasalanan ng bayan.
18 (AD)Palibhasa'y nagbata siya sa pagkatukso, siya'y makasasaklolo sa mga tinutukso.
Mga Hebreo 2
Ang Biblia, 2001
Ang Dakilang Kaligtasan
2 Kaya't dapat nating pag-ukulan ng higit pang pansin ang mga bagay na ating narinig, baka tayo'y matangay na papalayo.
2 Sapagkat kung ang salita na ipinahayag sa pamamagitan ng mga anghel ay may bisa, at ang bawat paglabag at pagsuway ay tumanggap ng kaukulang parusa,
3 paano nga tayo makakatakas, kung ating pababayaan ang ganito kadakilang kaligtasan? Ito ay ipinahayag noong una sa pamamagitan ng Panginoon, at pinatunayan sa atin ng mga nakarinig sa kanya,
4 na pawang pinatotohanan din ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda at ng mga kababalaghan at iba't ibang himala at ng mga kaloob ng Espiritu Santo, na ipinamahagi ayon sa kanyang kalooban.
Naging Dakila sa Pagiging Hamak
5 Sapagkat hindi ipinasakop ng Diyos[a] sa mga anghel ang sanlibutang darating, na siya naming sinasabi,
6 Ngunit(A) may nagpatunay sa isang dako, na sinasabi,
“Ano ang tao upang siya'y iyong alalahanin?
O ang anak ng tao upang siya'y iyong pagmalasakitan?
7 Siya'y ginawa mong mababa kaysa mga anghel nang sandaling panahon;
siya'y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan,
at siya'y inilagay mo sa ibabaw ng mga gawa ng iyong mga kamay.[b]
8 Ipinasakop mo ang lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang mga paa.”
Nang masakop niya ang bawat bagay, wala siyang iniwan na hindi niya nasasakop. Ngunit ngayon ay hindi pa natin nakikitang nasasakop niya ang lahat ng mga bagay,
9 kundi nakikita natin si Jesus, na sa sandaling panahon ay ginawang mababa kaysa mga anghel, na dahil sa pagdurusa ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay maranasan niya ang kamatayan alang-alang sa lahat.
10 Sapagkat nararapat na ang Diyos,[c] na para sa kanya at sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming anak tungo sa kaluwalhatian, ay gawing sakdal ang tagapagtatag ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng mga pagdurusa.
11 Sapagkat ang gumagawang banal at ang mga ginawang banal ay pawang nagmula sa isa. Dahil dito'y hindi nahihiya si Jesus[d] na tawagin silang mga kapatid,
12 na(B) sinasabi,
“Ipahahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid,
sa gitna ng kapulungan ay aawitan kita ng mga himno.”
13 At(C) muli,
“Ilalagak ko ang aking pagtitiwala sa kanya.”
At muli,
“Narito ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Diyos.”
14 Kaya, yamang ang mga anak ay nakibahagi sa laman at dugo, at siya man ay nakibahagi rin sa mga bagay na ito, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kanyang mapuksa ang may kapangyarihan sa kamatayan, samakatuwid ay ang diyablo,
15 at mapalaya silang lahat na dahil sa takot sa kamatayan sa buong buhay nila ay nasa ilalim ng pagkaalipin.
16 Sapagkat(D) maliwanag na hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, kundi ang kabilang sa binhi ni Abraham.
17 Kaya't kailangang siya ay maging kagaya ng kanyang mga kapatid sa lahat ng mga bagay, upang siya ay maging isang maawain at tapat na pinakapunong pari sa mga bagay na nauukol sa Diyos, upang gumawa ng handog na pantubos sa mga kasalanan ng mga tao.
18 Palibhasa'y nagtiis siya sa pagkatukso, siya'y makasasaklolo sa mga tinutukso.
Footnotes
- Mga Hebreo 2:5 Sa Griyego ay niya .
- Mga Hebreo 2:7 Ang pangungusap na ito ay wala sa ilang matatandang kasulatan .
- Mga Hebreo 2:10 Sa Griyego ay siya .
- Mga Hebreo 2:11 Sa Griyego ay siya .
Hebreo 2
Ang Salita ng Diyos
Babalang Makinig
2 Kaya nga, dapat nating bigyan ng higit na pagpapahalaga ang mga salita na ating narinig upang tayo ay hindi maliligaw.
2 Sapagkat kung ang mga salitang sinalita ng mga anghel ay pinagtibay, ang bawat paglabag at bawat pagsuway ay tumanggap ng kaniyang makatarungang parusa. 3 Kung gayon, papaano tayo makakatakas kung pinabayaan natin ang gayong napakadakilang kaligtasan? Ang Panginoon mismo ang unang nagsalita patungkol dito at pinagtibay ito sa atin ng mga nakarinig sa kaniya. 4 Ang Diyos din naman ang nagbigay ng kaniyang patotoo sa pamamagitan ng mga tanda, mga kamangha-manghang gawa, iba’t ibang himala at gayundin ng mga kaloob na mula sa Banal na Espiritu, ayon sa kaniyang kalooban.
Ginawa ng Diyos na si Jesus ay Maging Tulad ng Kaniyang mga Kapatid
5 Sapagkat hindi ipinailalim ng Diyos sa mga anghel ang sanlibutang darating, na siyang ating sinasabi.
6 May nagpatotoo sa isang dako:
Ano ang tao upang alalahanin mo siya? O, sino ang anak ng tao upang pagmalasakitan mo siya?
7 Sa maikling panahon ay ginawa mo siyang mababa kaysa mga anghel. Pinutungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan. Ipinailalim mo sa kaniya ang lahat ng gawa ng iyong mga kamay. 8 Ipinasakop mo ang lahat ng bagay sa kaniyang mga paa.
Sapagkat nang ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kaniya walang anumang bagay na hindi ipinasakop sa kaniya. Ngunit sa ngayon ay hindi pa natin nakikita ang lahat ng bagay na napailalim sa kaniya.
9 Ngunit nakikita natin si Jesus. Sa maikling panahon ay ginawa siyang mababa kaysa sa mga anghel na dahil sa kahirapan sa kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan. Ito ay upang sa pamamagitan ng biyaya Diyos ay tikman niya ang kamatayan para sa lahat ng tao.
10 Ang lahat ng mga bagay ay para sa Diyos at siya ang pinagmulan ng lahat ng bagay. Nang siya ay magdala ng maraming anak sa kaluwahatian, nararapat na gawin niyang ganap ang may akda ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng kahirapan. 11 Sapagkat siya na nagpapaging-banal at ang mga pinaging-banal ay kabilang sa iisang sambahayan. Kaya ito ang dahilan na kung tawagin niya silang mga kapatid ay hindi siya nahihiya. 12 Sinabi niya:
Ipahahayag ko ang pangalan mo sa aking mga kapatid. Aawitin ko ang iyong papuri sa gitna ng iglesiya.
13 At muli sinabi niya:
Ilalagak ko ang aking tiwala sa kaniya.
At muli sinabi niya:
Narito, ako at ang mga anak na ibinigay ng Diyos sa akin.
14 Yamang ang mga anak ay may laman at dugo, siya din naman ay nakibahagi ng ganoon, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kaniyang mapawalang-bisa ang diyablo na siyang may hawak ng kapangyarihan ng kamatayan. 15 Gayundin sa pamamagitan ng kamatayan ay kaniyang mapalaya ang sinumang natatakot sa kamatayan at sa kanilang buong buhay ay nasa ilalim ng pagkaalipin. 16 Ito ay sapagkat tiyak na hindi ang mga anghel ang kaniyang tinutulungan kundi ang mga anak ni Abraham. 17 Kaya kinakailangang matulad siya sa kaniyang mga kapatid sa lahat ng paraan upang sa kaniyang paglilingkod sa Diyos, siya ay maging mahabagin at matapat na pinakapunong-saserdote, upang siya ay maging kasiya-siyang hain sa mga kasalanan ng mga tao. 18 Sapagkat nakaranas siya na siya ay tuksuhin. Kaya naman kaya niyang tulungan ang mga tinutukso.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Copyright © 1998 by Bibles International
