Mga Gawa 26
Ang Biblia (1978)
26 At sinabi ni Agripa kay Pablo, Ipinahihintulot sa iyong magsaysay ka sa ganang iyo. Nang magkagayo'y iniunat ni Pablo ang kaniyang kamay, at ginawa ang kaniyang pagsasanggalang:
2 Ikinaliligaya kong lubha, haring Agripa, na sa harapan mo'y gawin ko ang aking pagsasanggalang sa araw na ito tungkol sa lahat ng mga bagay na isinasakdal ng mga Judio laban sa akin.
3 Lalong-lalo na sapagka't bihasa ka sa lahat ng mga (A)kaugalian at mga suliranin na mayroon ang mga Judio: kaya nga ipinamamanhik ko sa iyo na pagdalitaan mong dinggin ako.
4 Ang akin ngang pamumuhay mula sa aking pagkabata, na nang una'y inugali ko sa gitna ng aking bansa at sa Jerusalem, ay nalalaman ng lahat ng mga Judio;
5 Na napagtatalastas nila mula pa nang una, kung ibig nilang magsisaksi, na alinsunod sa (B)lalong mahigpit na sekta ng aming relihion ay nabuhay akong isang Fariseo.
6 At ngayo'y nakatayo ako upang hatulan (C)dahil sa pagasa sa (D)pangakong ginawa ng Dios sa aming mga magulang;
7 Dahil sa pangakong ito'y ang aming labingdalawang angkan ay buong pusong nagsisipaglingkod sa Dios gabi't araw, na inaasahang kakamtin. At tungkol sa pagasang ito ako'y isinasakdal ng mga Judio, Oh hari!
8 Bakit inaakala ninyong ito'y hindi mapaniniwalaan, kung binubuhay ng Dios ang mga patay?
9 (E)Tunay na ako ma'y nagisip na dapat akong gumawa ng maraming mga bagay laban sa pangalan ni Jesus na taga Nazaret.
10 At ginawa ko (F)rin ito sa Jerusalem: at kinulong ko sa mga bilangguan (G)ang marami sa mga banal, (H)pagkatanggap ko ng kapamahalaan sa mga pangulong saserdote, at (I)nang sila'y ipinapapatay, ay ibinibigay ko ang aking pagsangayon laban sa kanila.
11 At madalas sa pagpaparusa ko sa kanila sa lahat ng mga sinagoga, ay pinipilit ko silang magsipamusong; at (J)sa totoong pagkagalit ko sa kanila, ay sila'y pinaguusig ko hanggang sa mga bayan ng ibang lupain.
12 Hinggil dito (K)sa paglalakbay kong patungo sa Damasco na taglay ang kapamahalaan at bilin ng mga pangulong saserdote,
13 Nang katanghalian, Oh hari, ay nakita ko sa daan ang isang ilaw na mula sa langit, na lalong maningning kay sa araw, at lumiwanag sa palibot ko at sa mga nagsisipaglakbay na kasama ko.
14 At nang mangapasubasob sa lupa kaming lahat, ay narinig ko ang isang tinig na nagsasalita sa akin sa wikang Hebreo, Saulo, Saulo, bakit mo ako pinaguusig? mahirap sa iyo ang sumikad sa mga matulis.
15 At sinabi ko, Sino ka baga, Panginoon? At sinabi ng Panginoon, Ako'y si Jesus na iyong pinaguusig.
16 Datapuwa't magbangon ka, at ikaw ay tumindig sa iyong mga paa: sapagka't dahil dito'y napakita ako sa iyo, upang ihalal kitang ministro at saksi din naman ng mga bagay na nakita mo sa akin, at ng mga bagay na pagpapakitaan ko sa iyo;
17 Na ililigtas kita sa bayan, at sa mga Gentil, (L)na sa kanila'y sinusugo kita,
18 Upang (M)idilat mo ang kanilang mga mata, (N)upang sila'y mangagbalik sa ilaw mula sa kadiliman at mula sa kapangyarihan ni Satanas hanggang sa Dios, upang sila'y magsitanggap ng (O)kapatawaran ng mga kasalanan at ng mga (P)mana sa kasamahan ng mga pinapaging banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin.
19 Dahil nga dito, Oh haring Agripa, hindi ako nagsuwail sa pangitain ng kalangitan:
20 Kundi (Q)nangaral akong unauna sa mga taga Damasco, at sa (R)Jerusalem din naman, at (S)sa buong lupain ng Judea, at gayon din (T)sa mga Gentil, na sila'y mangagsisi at mangagbalik-loob sa Dios, na mangagsigawa ng mga gawang karapatdapat sa pagsisisi.
21 Dahil dito'y hinuli ako ng mga Judio sa templo, at pinagsisikapang ako'y patayin.
22 Nang aking tamuhin nga ang tulong na mula sa Dios, ay nananatili ako hanggang sa araw na ito na nagpapatotoo sa maliliit at gayon din sa malalaki, na wala akong sinasabing anoman kundi (U)ang sinabi ng mga propeta at ni Moises na mangyayari;
23 Kung paano na ang Cristo ay (V)kailangang maghirap, at kung paano na siya (W)muna sa pamamagitan ng pagkabuhay na maguli ng mga patay (X)ay magtatanyag ng ilaw sa bayan, at gayon din sa mga Gentil.
24 At nang magawa na niyang gayon ang kaniyang pagsasanggalang ay sinabi ni Festo ng malakas na tinig, Pablo, (Y)ikaw ay ulol; ang kalakhan ng dunong mo ay siyang sa iyo'y nagpapaulol.
25 Datapuwa't sinabi ni Pablo, Hindi ako ulol, kagalanggalang na Festo; kundi nagsasalita ako ng mga salitang katotohanan at kahinahunan.
26 Sapagka't nalalaman ng hari ang mga bagay na ito, na sa kaniya'y nagsasalita naman ako ng buong laya: sapagka't naniniwala ako na sa kaniya'y walang nalilingid sa mga bagay na ito; sapagka't ito'y hindi ginawa sa isang sulok.
27 Haring Agripa, naniniwala ka baga sa mga propeta? Nalalaman kong naniniwala ka.
28 At sinabi ni Agripa kay Pablo, Sa kakaunting paghikayat ay ibig mo akong maging (Z)Cristiano.
29 At sinabi ni Pablo, Loobin nawa ng Dios, na sa kakaunti o sa marami man, ay hindi lamang ikaw, kundi pati ng lahat ng mga nagsisipakinig sa akin ngayon, ay pawang maging katulad ko naman, tangi lamang (AA)sa mga tanikalang ito.
30 At nagtindig ang hari, at ang gobernador, at si (AB)Bernice, at ang mga nagsiupong kasama nila:
31 At nang sila'y makahiwalay, ay nangagsalitaan sila sa isa't isa, na nagsisipagsabi, Ang taong ito ay (AC)walang anomang ginagawa na marapat sa kamatayan o sa mga tanikala.
32 At sinabi ni Agripa kay Festo, (AD)mapalalaya sana ang taong ito, (AE)kung hindi naghabol kay Cesar.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978