Add parallel Print Page Options

17 Pagkatahak nga nila sa Amfipolis at sa Apolonia, ay nagsirating sila sa Tesalonica, na kinaroroonan ng isang sinagoga ng mga Judio.

At si Pablo, ayon sa ugali niya ay pumasok sa kanila, at sa tatlong sabbath ay nangatuwiran sa kanila sa mga kasulatan,

Na binubuksan at pinatunayan na kinakailangang si Cristo ay maghirap, at muling mabuhay sa mga patay; at itong si Jesus, aniya, na aking ipinangangaral sa inyo, ay siyang Cristo.

At nangahikayat ang ilan sa kanila, at nakikampi kay Pablo at kay Silas; at gayon din ang lubhang maraming mga Griegong masisipag sa kabanalan, at hindi kakaunting mga babaing mararangal.

Datapuwa't ang mga Judio, palibhasa'y nangaudyokan ng inggit, ay nangagsama ng ilang masasamang tao sa pamilihan, at pagkatipon ng isang karamihan, ay ginulo ang bayan; at pagkalusob sa bahay ni Jason, ay pinagsikapan nilang sila'y iharap sa mga tao.

At nang hindi sila mangasumpungan, ay kanilang kinaladkad si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng mga punong bayan, na ipinagsisigawan, Itong mga nagsisipagtiwarik ng sanglibutan, ay nagsiparito rin naman;

Na tinanggap sila ni Jason: at ang lahat ng mga ito ay nagsisigawa ng laban sa mga utos ni Cesar, na nagsasabing may ibang hari, si Jesus.

At kanilang ginulo ang karamihan at ang mga punong bayan, nang kanilang marinig ang mga bagay na ito.

At nang matanggap na nila ang pinakaako kay Jason at sa mga iba, ay kanilang pinawalan sila.

10 At pagdaka'y pinayaon sa gabi ng mga kapatid si Pablo at si Silas sa Berea: na nang dumating sila doon ay nagsipasok sa sinagoga ng mga Judio.

11 Ngayon lalong naging mararangal ang mga ito kay sa mga taga Tesalonica, sapagka't tinanggap nila ang salita ng buong pagsisikap, at sinisiyasat sa araw-araw ang mga kasulatan, kung tunay nga ang mga bagay na ito.

12 Kaya nga marami sa kanila ang mga nagsisampalataya; gayon din sa mga babaing Griega na may mga kalagayang mahal, at sa mga lalake, ay hindi kakaunti.

13 Datapuwa't nang maunawa ng mga Judiong taga Tesalonica na sa Berea ay ipinangangaral din ni Pablo ang salita ng Dios, ay nagsiparoon din naman, na ginulo at binagabag ang mga karamihan.

14 At nang magkagayo'y pagdaka'y pinayaon ng mga kapatid si Pablo na pumaroon hanggang sa dagat: at nangatira pa roon si Silas at si Timoteo.

15 Datapuwa't silang mga nagsipaghatid kay Pablo ay dinala siya hanggang sa Atenas: at nang matanggap na nila ang pautos kay Silas at kay Timoteo na madalingmadali silang magsiparoon sa kaniya, ay nagsialis sila.

16 Samantala ngang sila'y hinihintay ni Pablo sa Atenas, ay namuhi ang kaniyang espiritu sa loob niya sa pagkamasid niya sa bayan na puno ng diosdiosan.

17 Kaya't sa sinagoga'y nakipagmatuwiran siya sa mga Judio at sa mga taong masisipag sa kabanalan, at sa araw-araw sa pamilihan sa mga nakikipagkita sa kaniya.

18 At ilan naman sa mga pilosopong Epicureo at Estoico ay nakipagtalo sa kaniya. At sinabi ng ilan, Anong ibig sabihin ng masalitang ito? binagabag ang mga iba, Parang siya'y tagapagbalita ng mga ibang dios: sapagka't ipinangangaral niya si Jesus at ang pagkabuhay na maguli.

19 At siya'y tinangnan nila, at dinala siya sa Areopago, na sinasabi, Mangyayari bagang maalaman namin kung ano itong bagong aral, na sinasalita mo?

20 Sapagka't naghahatid ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga tainga: ibig nga naming maalaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito.

21 (Lahat nga ng mga Ateniense at ang mga taga ibang bayang nakikipamayan doon ay walang ibang ginagawa, kundi ang magsipagsaysay o mangakinig ng anomang bagay na bago.)

22 At tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at sinabi, Kayong mga lalaking taga Atenas, sa lahat ng mga bagay ay napapansin kong kayo'y lubhang relihioso.

23 Sapagka't sa aking pagdaraan, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, ay nakasumpong din naman ako ng isang dambana na may sulat na ganito, SA ISANG DIOS NA HINDI KILALA. Yaon ngang inyong sinasamba sa hindi pagkakilala, siya ang sa inyo'y ibinabalita ko.

24 Ang Dios na gumawa ng sanglibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto, siya, palibhasa'y Panginoon ng langit at ng lupa, ay hindi tumatahan sa mga templong ginawa ng mga kamay;

25 Ni hindi rin naman pinaglilingkuran siya ng mga kamay ng mga tao, na para bagang siya'y nangangailangan ng anomang bagay, yamang siya rin ang nagbibigay sa lahat ng buhay, at ng hininga, at ng lahat ng mga bagay;

26 At ginawa niya sa isa ang bawa't bansa ng mga tao upang magsipanahan sa balat ng buong lupa, na itinakda ang kanilang talagang ayos ng mga kapanahunan at ang mga hangganan ng kanilang tahanan;

27 Upang kanilang hanapin ang Dios baka sakaling maapuhap nila siya at siya'y masumpungan, bagaman hindi siya malayo sa bawa't isa sa atin:

28 Sapagka't sa kaniya tayo'y nangabubuhay, at nagsisikilos, at mayroon tayong pagkatao: na gaya naman ng sinabi ng ilan sa inyong sariling mga manunula, Sapagka't tayo nama'y sa kaniyang lahi.

29 Yamang tayo nga'y lahi ng Dios, ay hindi marapat nating isipin na ang pagka Dios ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na inukit ng kabihasnan at katalinuhan ng tao.

30 Ang mga panahon ng kahangalan ay pinalipas na nga ng Dios; datapuwa't ngayo'y ipinaguutos niya sa mga tao na mangagsisi silang lahat sa lahat ng dako:

31 Sapagka't siya'y nagtakda ng isang araw na kaniyang ipaghuhukom sa sanglibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking kaniyang itinalaga; na ito'y pinatunayan niya sa lahat ng mga tao, nang siya'y buhayin niyang maguli sa mga patay.

32 At nang kanilang marinig ang tungkol sa pagkabuhay na maguli, ay nanglibak ang ilan; datapuwa't sinabi ng mga iba, Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.

33 Sa gayo'y umalis si Pablo sa gitna nila.

34 Datapuwa't nakisama sa kanya ang ilang mga tao, at nagsisampalataya: na sa mga yao'y isa si Dionisio na Areopagita, at ang isang babaing nagngangalang Damaris, at mga iba pang kasama nila.

Sa Tesalonica

17 Dumaan sina Pablo at Silas sa Amfipolis at Apolonia, pagkatapos ay nagtungo sa Tesalonica, kung saan may sinagoga ng mga Judio. Ayon sa kanyang nakaugalian, pumasok si Pablo doon, at sa loob ng tatlong Sabbath ay nakipagtalakayan sa kanila gamit ang mga Kasulatan. Ipinaliliwanag at pinatutunayan niya na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa kamatayan. Sinabi niya, “Ang Jesus na ito na aking ipinangangaral sa inyo—siya ang Cristo!” Nahikayat ang ilan sa kanila at sumama kina Pablo at kay Silas, gayundin ang napakaraming relihiyosong Griyego, at marami-raming pangunahing babae. Subalit dahil sa inggit, nagsama ang mga Judio ng ilang masasamang tao mula sa pamilihan at nang makapagtipon sila ng maraming tao ay nanggulo sa lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason at hinahanap sina Pablo at Silas, sa kagustuhang maiharap ang mga ito sa mga tao. Nang hindi nila natagpuan ang dalawa, kinaladkad nila si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng mga pinuno ng lungsod, habang sumisigaw ng ganito, “Napasok ang ating lungsod ng mga taong lumikha ng gulo saan man makarating![a] Pinatuloy sila ni Jason sa kanyang tahanan. Lahat sila ay lumalabag sa mga utos ng Emperador, at sinasabi nilang may ibang hari na ang pangalan ay Jesus!” Naligalig ang maraming tao at ang mga pinuno ng lungsod nang marinig nila ang sigawang ito. Pinagpiyansa nila si Jason at ang kanyang mga kasama bago sila pinakawalan.

Sa Berea

10 Pagsapit ng gabi ay agad pinaalis ng mga kapatid sina Pablo at Silas patungo sa Berea. Pagdating doon ay pumasok sila sa sinagoga ng mga Judio. 11 Higit na mararangal ang mga tao roon kaysa mga taga-Tesalonica. Tinanggap nila ang salita nang buong pananabik at sinisiyasat araw-araw ang mga Kasulatan kung tunay nga ang ipinapangaral sa kanila. 12 Kaya marami sa kanila ang sumampalataya, kabilang ang marami-raming Griyego—mga babae at mga lalaking ginagalang sa lipunan. 13 Subalit nang malaman ng mga Judio sa Tesalonica na ipinangaral din ni Pablo ang salita ng Diyos sa Berea, nagpunta sila roon upang guluhin at sulsulan ang maraming tao. 14 Kaya pinaalis agad ng mga kapatid si Pablo at pinapunta sa tabing-dagat. Nagpaiwan naman doon sina Silas at Timoteo. 15 Sinamahan si Pablo ng mga naghatid sa kanya hanggang Atenas. Pagkatapos, iniwan nila si Pablo taglay ang kanyang bilin para kina Silas at Timoteo na sumunod sa lalong madaling panahon.

Sa Atenas

16 Samantalang hinihintay sila ni Pablo sa Atenas, labis siyang nanlumo nang makita niyang sobrang dami ng mga diyus-diyosan sa lungsod. 17 Kaya't sa sinagoga ay araw-araw siyang nakipagtalakayan sa mga Judio at sa mga relihiyosong tao, gayundin sa mga taong nagkataong nasa pamilihan. 18 Nakipagtalo rin sa kanya ang ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico. Ilan sa kanila'y nagtanong, “Ano ba ang sinasabi ng madaldal na ito?” Sinabi ng iba, “Para siyang tagapagbalita ng mga ibang diyos”—sapagkat ipinangangaral niya si Jesus at ang Muling Pagkabuhay. 19 Siya'y kinuha nila at dinala sa Areopago, at tinanong, “Maaari ba naming malaman kung ano itong bagong aral na sinasabi mo? 20 Bago sa aming pandinig ang mga itinuturo mo, kaya nais naming malaman ang kahulugan ng mga ito.” 21 Wala nang pinagkakaabalahan ang lahat ng mga taga-Atenas at ang mga dayuhang naninirahan doon kundi ang mag-usap o makinig ng mga bagong bagay. 22 Kaya't tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at nagsabi, “Mga lalaking taga-Atenas, napapansin kong sa lahat ng bagay, kayo'y lubhang may takot sa mga diyos. 23 Sapagkat sa paglalakad ko sa lungsod, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, nakatagpo rin ako ng isang dambanang may nakasulat na ganito: ‘SA DIYOS NA HINDI KILALA.’ Ang inyong sinasambang hindi ninyo kilala ang siyang ipahahayag ko sa inyo. 24 Ang Diyos (A) na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto ang Panginoon ng langit at ng lupa. Siya'y hindi naninirahan sa mga templong ginawa ng tao. 25 Hindi rin siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng tao na para bang mayroon siyang kailangan, gayong siya ang nagbibigay ng buhay, hininga at ng lahat ng bagay sa sangkatauhan. 26 Nilikha niya mula sa isa[b] ang bawat bansa upang manirahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda niya ang kanya-kanyang panahon at mga hangganan. 27 Ginawa niya ito upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling sa kanilang paghahanap ay matagpuan siya. Ang totoo'y hindi naman siya malayo sa bawat isa sa atin. 28 Sapagkat “sa kanya tayo'y nabubuhay, at kumikilos, at nasa kanya ang ating pagkatao.” Tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, ‘Tayo man ay kanyang mga supling.’ 29 Yamang tayo'y mga supling ng Diyos, hindi natin dapat isiping ang pagiging Diyos ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na pawang likhang-kamay at kathang-isip ng tao. 30 Pinalampas ng Diyos ang mga panahon ng kamangmangan. Subalit ngayo'y ipinag-uutos niya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi. 31 Sapagkat nagtakda siya ng araw ng kanyang makatarungang paghatol sa sanlibutan sa pamamagitan ng lalaking kanyang hinirang. Pinatunayan niya ito sa lahat nang kanyang muling buhayin ang taong iyon mula sa kamatayan.” 32 Nang kanilang marinig ang tungkol sa muling pagkabuhay, nangutya ang ilan. Ngunit sinabi ng iba, “Pakikinggan ka naming muli tungkol dito.” 33 At umalis si Pablo doon. 34 Subalit sumama sa kanya ang ilan at sumampalataya. Isa sa kanila si Dionisio na taga-Areopago, at isang babaing ang pangalan ay Damaris at iba pang mga kasama nila.

Footnotes

  1. Mga Gawa 17:6 lumilikha ng gulo...makarating. Sa Griyego binabaligtad ang mundo.
  2. Mga Gawa 17:26 Sa ibang manuskrito mula sa isang dugo.

Nangaral si Pablo sa Tesalonica

17 Dumaan sila sa Amfipolis at sa Apolonia hanggang sa nakarating sila sa Tesalonica. May sambahan ng mga Judio roon. At ayon sa nakagawian ni Pablo, pumasok siya doon sa sambahan. At sa loob ng tatlong Araw ng Pamamahinga, nakipagdiskusyon siya sa mga tao roon. Ginamit niya ang Kasulatan para patunayan sa kanila na ang Cristo ay kinakailangang magtiis at muling mabuhay. Sinabi ni Pablo, “Itong Jesus na aking ipinapahayag sa inyo ay ang Cristo.” Ang iba sa kanilaʼy naniwala at sumama kina Pablo at Silas. Marami ring mga Griego na sumasamba sa Dios at mga kilalang babae ang sumama sa kanila.

Pero nainggit ang mga Judio kina Pablo at Silas. Kaya tinipon nila ang mga basagulerong tambay sa kanto. At nang marami na silang natipon, nagsimula silang manggulo sa buong lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason sa paghahanap kina Pablo at Silas para iharap sila sa mga tao. Pero nang hindi nila makita sina Pablo at Silas, hinuli nila si Jason at ang iba pang mga mananampalataya. Kinaladkad nila ang mga ito papunta sa mga opisyal ng lungsod, at sumigaw sila, “Ang mga taong itoʼy nagdadala ng gulo kahit saan sila pumunta dahil sa kanilang itinuturo. At ngayon, narito na sila sa ating lungsod. Pinatuloy ni Jason sina Pablo at Silas sa kanyang bahay. Silang lahat ay kumakalaban sa mga kautusan ng Emperador, dahil sinasabi nilang may iba pang hari na ang pangalan ay Jesus.” Nang marinig iyon ng mga tao at ng mga opisyal, nagkagulo sila. Bago nila pinakawalan si Jason at ang kanyang mga kasama, pinagpiyansa muna sila.

Sina Pablo at Silas sa Berea

10 Kinagabihan, pinapunta ng mga mananampalataya sina Pablo at Silas sa Berea. Pagdating nila roon, pumunta sila sa sambahan ng mga Judio. 11 Mas bukas ang kaisipan ng mga taga-Berea kaysa sa mga taga-Tesalonica. Gustong-gusto nilang makinig sa mga itinuturo nina Pablo. At araw-araw nilang sinasaliksik ang Kasulatan para tingnan kung totoo nga ang mga sinasabi nina Pablo. 12 Marami sa kanila ang sumampalataya kabilang dito ang mga Griegong babae na kilala sa lipunan at mga Griegong lalaki. 13 Pero nang marinig ng mga Judio sa Tesalonica na nangaral si Pablo ng salita ng Dios sa Berea, pumunta sila roon at sinulsulan ang mga tao na manggulo. 14 Kaya inihatid ng mga mananampalataya si Pablo sa tabing-dagat. Pero sina Silas at Timoteo ay nagpaiwan sa Berea. 15 Ang mga taong naghatid kay Pablo ay sumama sa kanya hanggang sa Athens. Pagkatapos, bumalik sila sa Berea na dala ang bilin ni Pablo na pasunurin sa kanya sa Athens sina Silas at Timoteo.

Nangaral si Pablo sa Athens

16 Habang naghihintay si Pablo kina Silas at Timoteo sa Athens, nakita niyang maraming dios-diosan doon. At lubos niyang ikinabahala ito. 17 Kaya pumasok siya sa sambahan ng mga Judio at nakipagdiskusyon sa kanila at sa mga hindi Judio na sumasamba rin sa Dios. Araw-araw pumupunta rin siya sa plasa at nakikipagdiskusyon sa sinumang makatagpo niya roon. 18 Dalawang grupo ng mga tagapagturo ang nakipagtalo kay Pablo. Ang isa ay tinatawag na mga Epicureo, at ang isa naman ay mga Estoico. Sinabi ng ilan sa kanila, “Ano kaya ang idinadaldal ng mayabang na iyan?” Ang sabi naman ng iba, “Iba yatang dios ang ipinangangaral niya.” Ganoon ang sinabi nila dahil nangangaral si Pablo tungkol kay Jesus at sa kanyang muling pagkabuhay. 19 Isinama nila si Pablo sa pinagtitipunan ng mga namumuno sa bayan, na tinatawag na Areopagus. Sinabi nila sa kanya, “Gusto naming malaman ang bagong aral na itinuturo mo. 20 Bago kasi sa aming pandinig ang mga sinasabi mo, kaya gusto naming malaman kung ano iyan.” 21 (Sinabi nila ito dahil ang mga taga-Athens at mga dayuhang naninirahan doon ay mahilig magdiskusyon tungkol sa mga bagong aral.)

22 Kaya tumayo si Pablo sa harapan ng mga tao roon sa Areopagus at sinabi, “Mga taga-Athens! Nakita kong napakarelihiyoso ninyo. 23 Sapagkat sa aking paglilibot dito sa inyong lungsod, nakita ko ang mga sinasamba ninyo. May nakita pa akong altar na may nakasulat na ganito: ‘Para sa hindi nakikilalang Dios.’ Itong Dios na inyong sinasamba na hindi pa ninyo kilala ay ang Dios na aking ipinangangaral sa inyo. 24 Siya ang lumikha ng mundo at ng lahat ng narito. Siya ang Panginoong nagmamay-ari ng langit at lupa, kaya hindi siya nakatira sa mga templo na ginawa ng mga tao. 25 Hindi siya nangangailangan ng tulong mula sa tao dahil siya mismo ang nagbibigay ng buhay sa atin, maging ng lahat ng pangangailangan natin. 26 Mula sa isang tao, nilikha niya ang lahat ng lahi at ipinangalat sa buong mundo. Noon paʼy itinakda na niya ang hangganan ng tirahan ng mga tao at ang panahon na silaʼy mabubuhay dito sa lupa. 27 Ang lahat ng itoʼy ginawa ng Dios upang hanapin natin siya, at baka sakaling matagpuan natin siya. Pero ang totoo, ang Dios ay hindi malayo sa atin, 28 ‘dahil sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan tayoʼy nabubuhay at nakakakilos.’ Katulad din ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, ‘Tayo ngaʼy mga anak niya.’ 29 Dahil tayo nga ay mga anak ng Dios, huwag nating isipin na ang Dios ay katulad ng dios-diosang ginto, pilak, o bato na pawang imbento ng isip at kamay ng tao. 30 Noong una, nang hindi pa kilala ng mga tao ang Dios, hindi niya pinansin ang kanilang mga kasalanan. Ngunit ngayon, inuutusan ng Dios ang lahat ng tao sa lahat ng lugar na magsisi at talikuran ang kanilang masamang gawain. 31 Sapagkat nagtakda ang Dios ng araw kung kailan niya ipapataw ang kanyang makatarungang hatol sa lahat ng tao rito sa mundo sa pamamagitan ng taong kanyang pinili. Pinatunayan niya ito sa lahat, nang buhayin niyang muli ang taong iyon.”

32 Nang marinig nila ang sinabi ni Pablo tungkol sa muling pagkabuhay, pinagtawanan siya ng ilan. Pero sinabi naman ng iba, “Bumalik ka uli rito, dahil gusto pa naming makinig tungkol sa mga bagay na ito.” 33 Pagkatapos, umalis si Pablo sa kanilang pinagtitipunan. 34 May ilang lalaking kumampi kay Pablo at sumampalataya kay Jesus. Ang isa sa kanila ay si Dionisius na miyembro ng Areopagus, at ang babaeng si Damaris, at may iba pa.