Mga Gawa 15
Ang Dating Biblia (1905)
15 At may ibang mga taong nagsilusong mula sa Judea ay nagsipagturo sa mga kapatid, na sinasabi, Maliban na kayo'y mangagtuli ayon sa kaugalian ni Moises, ay hindi kayo mangaliligtas.
2 At nang magkaroon si Pablo at si Bernabe ng di kakaunting pagtatalo at pakikipagtuligsaan sa kanila, ay ipinasiya ng mga kapatid na si Pablo at si Bernabe, at ang ilan sa kanila, ay magsiahon sa Jerusalem, sa mga apostol at sa mga matanda tungkol sa suliraning ito.
3 Sila nga, palibhasa'y inihatid ng iglesia sa kanilang paglalakbay, ay tinahak ang Fenicia at Samaria, na isinasaysay ang pagbabalik-loob ng mga Gentil: at sila'y nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid.
4 At nang sila'y magsidating sa Jerusalem, ay tinanggap sila ng iglesia at ng mga apostol at ng mga matanda, at isinaysay nila ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Dios sa pamamagitan nila.
5 Datapuwa't nagsitindig ang ilan sa sekta ng mga Fariseong nagsisampalataya na nangagsasabi, Kinakailangang sila'y tuliin, at sa kanila'y ipagbiling ganapin ang kautusan ni Moises.
6 At nangagkatipon ang mga apostol at ang mga matanda upang pagusapan ang bagay na ito.
7 At pagkatapos ng maraming pagtatalo, ay nagtindig si Pedro, at sinabi sa kanila, Mga kapatid, nalalaman ninyo na nang unang panahong nakaraan ay humirang ang Dios sa inyo, upang sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Gentil ang salita ng Evangelio, at sila'y magsisampalataya.
8 At ang Dios, na nakatataho ng puso, ay nagpatotoo sa kanila, na sa kanila'y ibinigay ang Espiritu Santo, na gaya naman ng kaniyang ginawa sa atin;
9 At tayo'y hindi niya itinangi sa kanila, na nilinis sa pamamagitan ng pananampalataya ang kanilang mga puso.
10 Ngayon nga bakit ninyo tinutukso ang Dios, na inyong nilalagyan ng pamatok ang batok ng mga alagad na kahit ang ating mga magulang ni tayo man ay hindi maaaring makadala?
11 Datapuwa't naniniwala tayo na tayo'y mangaliligtas sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, na gaya rin naman nila.
12 At nagsitahimik ang buong karamihan; at kanilang pinakinggan si Bernabe at si Pablo na nagsisipagsaysay ng mga tanda at ng mga kababalaghang ginawa ng Dios sa mga Gentil sa pamamagitan nila.
13 At nang matapos na silang magsitahimik, ay sumagot si Santiago, na sinasabi, Mga kapatid, pakinggan ninyo ako:
14 Sinaysay na ni Simeon kung paanong dinalaw na una ng Dios ang mga Gentil, upang kumuha sa kanila ng isang bayan sa kaniyang pangalan.
15 At dito'y nasasangayon ang mga salita ng mga propeta; gaya ng nasusulat,
16 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ako'y babalik, At muli kong itatayo ang tabernakulo ni David, na nabagsak; At muli kong itatayo ang nangasira sa kaniya. At ito'y aking itatayo:
17 Upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon, At ng lahat ng mga Gentil, na tinatawag sa aking pangalan,
18 Sabi ng Panginoon, na nagpapakilala ng mga bagay na ito mula nang una.
19 Dahil dito'y ang hatol ko, ay huwag nating gambalain yaong sa mga Gentil ay nangagbabalik-loob sa Dios;
20 Kundi sumulat tayo sa kanila, na sila'y magsilayo sa mga ikahahawa sa diosdiosan, at sa pakikiapid, at sa binigti, at sa dugo.
21 Sapagka't si Moises mula nang unang panahon ay mayroon sa bawa't bayan na nangangaral tungkol sa kaniya, palibhasa'y binabasa sa mga sinagoga sa bawa't sabbath.
22 Nang magkagayo'y minagaling ng mga apostol at ng matatanda, pati ng buong iglesia, na magsihirang ng mga tao sa kanilang magkakasama, at suguin sa Antioquia na kasama ni Pablo at ni Bernabe; si Judas na tinatawag na Barsabas, at si Silas na mga nangungulo sa mga kapatid:
23 At nagsisulat sila sa pamamagitan nila, Ang mga apostol at ang mga matanda, mga kapatid, sa mga kapatid na nangasa mga Gentil sa Antioquia at Siria at Cilicia, ay bumabati:
24 Sapagka't aming nabalitaan na ang ilang nagsialis sa amin ay nangangbagabag sa inyo ng mga salita, na isininsay ang inyong mga kaluluwa; na sa kanila'y hindi kami nangagutos ng anoman;
25 Ay minagaling namin, nang mapagkaisahan na, na magsihirang ng mga lalake at suguin sila sa inyo na kasama ng aming mga minamahal na si Bernabe at si Pablo,
26 Na mga lalaking nangagsapanganib ng kanilang mga buhay alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo.
27 Kaya nga sinugo namin si Judas at si Silas, na mangagsasaysay din naman sila sa inyo ng gayon ding mga bagay sa salita ng bibig.
28 Sapagka't minagaling ng Espiritu Santo, at namin, na huwag kayong atangan ng lalong mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan:
29 Na kayo'y magsiilag sa mga bagay na inihain sa mga diosdiosan, at sa dugo, at sa mga binigti, at sa pakikiapid; kung kayo'y mangilag sa mga bagay na ito, ay ikabubuti ninyo. Paalam na sa inyo.
30 Kaya nga, nang sila'y mapayaon na, ay nagsilusong sa Antioquia; at nang matipon na nila ang karamihan, ay kanilang ibinigay ang sulat.
31 At nang ito'y kanilang mabasa na, ay nangagalak dahil sa pagkaaliw.
32 Si Judas at si Silas, palibhasa'y mga propeta rin naman, ay inaralan ang mga kapatid ng maraming mga salita, at sila'y pinapagtibay.
33 At nang sila'y makapaggugol na ng ilang panahon doon, ay payapang pinapagbalik sila ng mga kapatid sa mga nagsipagsugo sa kanila.
34 Datapuwa't minagaling ni Silas ang matira roon.
35 Datapuwa't nangatira si Pablo at si Bernabe sa Antioquia, na itinuturo at ipinangangaral ang salita ng Panginoon, na kasama naman ng ibang marami.
36 At nang makaraan ang ilang araw ay sinabi ni Pablo kay Bernabe, Pagbalikan natin ngayon at dalawin ang mga kapatid sa bawa't bayang pinangaralan natin ng salita ng Panginoon, at tingnan natin kung ano ang lagay nila.
37 At inibig ni Bernabe na kanilang isama naman si Juan, na tinatawag na Marcos.
38 Datapuwa't hindi minagaling ni Pablo na isama nila ang humiwalay sa kanila mula sa Pamfilia, at hindi sumama sa kanila sa gawain.
39 At nagkaroon ng pagtatalo, ano pa't sila'y naghiwalay, at isinama ni Bernabe si Marcos, at lumayag sa Chipre:
40 Datapuwa't hinirang ni Pablo si Silas, at yumaon, na sila'y ipinagtagubilin ng mga kapatid sa biyaya ng Panginoon.
41 At kaniyang tinahak ang Siria at Cilicia, na pinagtitibay ang mga iglesia.
Mga Gawa 15
Ang Biblia, 2001
Ang Pagpupulong sa Jerusalem
15 May(A) ilang tao ang dumating mula sa Judea na nagtuturo sa mga kapatid, “Maliban na kayo'y tuliin ayon sa kaugalian ni Moises, hindi kayo maliligtas.”
2 Pagkatapos na magkaroon sina Pablo at Bernabe ng hindi maliit na pakikipagtalo at pakikipagsalungatan sa kanila, sina Pablo at Bernabe, at ang ilan sa iba pa ay inatasang pumunta sa Jerusalem, upang talakayin ang suliraning ito sa mga apostol at sa matatanda.
3 Kaya't isinugo sila ng iglesya sa kanilang paglalakbay, at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, iniulat nila ang pagbabagong-loob ng mga Hentil at sila'y nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid.
4 Nang sila'y makarating sa Jerusalem, tinanggap sila ng iglesya at ng mga apostol at ng matatanda, at iniulat nila ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.
5 Subalit ang ilang mananampalataya na kasapi sa sekta ng mga Fariseo ay tumayo at nagsabi, “Kailangang sila'y tuliin at utusang sundin ang kautusan ni Moises.”
6 Nagtipon ang mga apostol at ang matatanda upang pag-usapan ang bagay na ito.
7 Pagkatapos(B) ng maraming talakayan, tumindig si Pedro at sinabi sa kanila, “Mga ginoo, mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga unang araw ay pumili ang Diyos sa inyo, na sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Hentil ang salita ng ebanghelyo, at sila'y manampalataya.
8 At(C) ang Diyos na nakakaalam ng puso ng tao ay nagpatotoo sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng Espiritu Santo tulad nang nangyari sa atin;
9 at tayo'y hindi niya itinangi sa kanila, kundi nilinis ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya.
10 Kaya ngayon, bakit ninyo sinusubok ang Diyos sa pamamagitan ng paglalagay ng pamatok sa batok ng mga alagad na kahit ang ating mga ninuno ni tayo ay hindi nakayang dalhin?
11 Ngunit naniniwala tayo na maliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, na tulad naman nila.”
12 Tumahimik ang buong kapulungan at kanilang pinakinggan sina Bernabe at Pablo na isinasalaysay ang mga tanda at mga kababalaghang ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila sa gitna ng mga Hentil.
13 Nang matapos na silang magsalita ay sumagot si Santiago, “Mga kapatid, pakinggan ninyo ako.
14 Ipinaliwanag na ni Simeon kung paanong unang dinalaw ng Diyos ang mga Hentil, upang kumuha sa kanila ng isang bayan para sa kanyang pangalan.
15 At dito'y sumasang-ayon ang mga salita ng mga propeta, tulad ng nasusulat,
16 ‘Pagkatapos(D) ng mga bagay na ito, ako'y babalik,
at muli kong itatayo ang tolda ni David na bumagsak;
muli kong itatatag ang guho nito,
at ito'y aking itatayo:
17 upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon,
at ng lahat ng mga Hentil na tinatawag sa aking pangalan,
18 sabi ng Panginoon na nagpakilala ng mga bagay na ito mula ng una.’
19 Kaya't ang hatol ko ay huwag nating gambalain ang mga Hentil na nagbabalik-loob sa Diyos.
20 Sa(E) halip ay sumulat tayo sa kanila, na sila'y lumayo sa mga bagay na pinarumi ng diyus-diyosan at pakikiapid, at sa anumang bagay na binigti, at sa dugo.
21 Sapagkat mula sa mga unang salinlahi si Moises ay mayroon sa bawat lunsod na nangangaral tungkol sa kanya, dahil binabasa siya nang malakas tuwing Sabbath sa mga sinagoga.”
Ang Sulat sa mga Mananampalatayang Hentil
22 Nang magkagayo'y minabuti ng mga apostol at ng matatanda, pati ng buong iglesya, na pumili ng kalalakihan mula sa kanilang bilang at isugo sa Antioquia na kasama nina Pablo at Bernabe. Isinugo nila si Judas na tinatawag na Barsabas, at si Silas, na mga nangungunang lalaki sa mga kapatid,
23 at isinulat sa pamamagitan ng kamay nila:
“Ang mga apostol at ang matatanda, ang mga kapatid, sa mga kapatid na nasa mga Hentil sa Antioquia at Siria at Cilicia, ay bumabati.
24 Yamang aming nabalitaan na ang ilang tao mula sa amin ay nagsabi ng mga bagay upang bagabagin kayo at ginugulo ang inyong mga isip gayong hindi namin sila binigyan ng tagubilin,
25 ay may pagkakaisa naming ipinasiya na humirang ng mga lalaki at isugo sila sa inyo na kasama ng aming mga minamahal na sina Bernabe at Pablo,
26 na mga lalaking nagsuong ng kanilang mga buhay sa panganib alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
27 Kaya't isinugo namin sina Judas at Silas na magsasabi sa inyo ng gayunding mga bagay sa pamamagitan ng salita ng bibig.
28 Sapagkat minabuti ng Espiritu Santo at namin na huwag kayong pagpasanin ng higit na mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kailangan:
29 na kayo'y umiwas sa mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyosan, sa dugo, sa mga binigti, at sa pakikiapid. Kung kayo'y iiwas sa mga bagay na ito ay ikabubuti ninyo. Paalam.”
30 Kaya't nang sila'y makaalis na, pumunta sila sa Antioquia. Nang matipon na nila ang kapulungan ay kanilang ibinigay ang sulat.
31 Nang ito'y kanilang mabasa, sila ay nagalak sa pangaral.
32 Sina Judas at Silas, na mga propeta rin naman, ay nagsalita ng marami upang pasiglahin at palakasin ang mga kapatid.
33 Pagkatapos na sila'y manatili roon ng ilang panahon, sila'y payapang pinabalik ng mga kapatid sa mga nagsugo sa kanila.
[34 Ngunit minabuti ni Silas ang manatili roon.]
35 Ngunit nanatili sina Pablo at Bernabe sa Antioquia, na itinuturo at ipinangangaral ang salita ng Panginoon na kasama rin ang marami pang iba.
Naghiwalay sina Pablo at Bernabe
36 Makaraan ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa bawat bayang pinangaralan natin ng salita ng Panginoon, at tingnan natin kung ano ang kalagayan nila.”
37 Nais ni Bernabe na kanilang isama si Juan, na tinatawag na Marcos.
38 Ngunit(F) minabuti ni Pablo na huwag isama ang humiwalay sa kanila mula sa Pamfilia at hindi sumama sa kanila sa gawain.
39 At nagkaroon ng mainitang pagtatalo, anupa't sila'y naghiwalay, at isinama ni Bernabe si Marcos, at naglayag patungong Cyprus.
40 Ngunit pinili ni Pablo si Silas, at sila'y umalis na ipinagtagubilin ng mga kapatid sa biyaya ng Panginoon.
41 Siya'y dumaan sa Siria at Cilicia at pinalakas ang mga iglesya.
Gawa 15
Ang Salita ng Diyos
Ang Pulong sa Jerusalem
15 May ilang mga kalalakihan ang bumaba mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid. Sinabi nila: Malibang kayo ay patuli ayon sa kaugalian ni Moises, hindi kayo maliligtas.
2 Kaya nga, dahil kina Pablo at Bernabe ay nagkaroon ng mahigpit na kaguluhan at pagtatalo sa kanila. Pinagpasiyahan nilang suguin sina Pablo at Bernabe at ilan pa sa kanila na umahon sa Jerusalem at makipagkita sa mga apostol at sa mga matanda patungkol sa katanungang ito. 3 Sinugo nga sila ng iglesiya. Nang sila ay nagdaan sa Fenecia at Samaria, ibinalita nila ang pagnunumbalik ng mga Gentil. Sila ay nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid. 4 Nang sila ay dumating sa Jerusalem, tinanggap sila ng iglesiya, ng mga apostol at ng mga matanda. Isinaysay nila ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila.
5 Ngunit tumindig ang ilan sa sekta ng mga mananampalatayang Fariseo. Sinabi nila: Kinakailangang sila ay tuliin at iutos sa kanila na ganapin ang kautusan ni Moises.
6 Nagtipon ang mga apostol at ang mga matanda upang pag-usapan ang bagay na ito. 7 Pagkatapos ng maraming pagtatalo, tumindig si Pedro. Sinabi niya sa kanila: Mga kapatid, nalalaman natin na nang nakaraang mga araw ay hinirang ako ng Diyos mula sa inyo. Hinirang ako upang sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Gentil ang salita ng ebanghelyo at upang sila ay sumampalataya. 8 Sila ay kinilala ng Diyos na nakakaalam ng puso ay siya ring nagbigay sa kanila ang Banal na Espiritu na gaya rin naman ng ginawa niya sa atin. 9 Wala siyang ibinibigay na anumang kaibahan sa atin at sa kanila. Nilinis niya ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya. 10 Ngayon nga, bakit ninyo sinusubuk ang Diyos? Bakit ninyo nilalagyan ng pamatok ang mga alagad na kahit ang ating mga ninuno, ni tayo man ay hindi makadala? 11 Subalit sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesucristo tayo ay naniniwala na maliligtas tayo, gaya rin naman nila.
12 Pagkatapos nito, tumahimika ang napakaraming tao. Pinakinggan nila sina Pablo at Bernabe na nagsasaysay ng mga tanda at ng mga kamangha-manghang gawa na ginawa ng Diyos sa mga Gentil sa pamamagitan nila. 13 Nang tumahimik sila, sumagot si Santiago na sinasabi: Mga kapatid, pakinggan ninyo ako. 14 Isinalaysay na ni Simeon kung paanong noong una ay dinalaw ng Diyos ang mga Gentil upang pumili sa kanila ng mga tao para sa kaniyang pangalan. 15 Naaayon ito sa mga salita ng mga propeta. Ayon sa nasusulat:
16 Pagkatapos nito, ako ay babalik at itatayo kong muli ang tolda ni David na bumagsak. Itatayo kong muli ang mga nasira nito at ito ay aking ititindig muli. 17 Upang hanapin nawa ng nalabi sa mga tao ang Panginoon at ng lahat ng mga Gentil na tinatawag sa aking pangalan. Ito ang sabi ng Panginoon na gumawa ng lahat ng mga bagay na ito. 18 Alam ng Diyos ang lahat ng kaniyang mga gawa mula sa walang hanggan.
19 Dahil dito, ang hatol ko ay huwag gambalain iyong mga Gentil na nanumbalik sa Diyos. 20 Sa halip, sulatan natin sila na lumayo sa mga bagay na nadungisan ng diyos-diyosan, sa kasalanang sekswal, sa mga binigti at sa dugo. 21 Ito ay sapagkat mula pa nang unang panahon, sa bawat lungsod ay may mga nangaral na patungkol sa mga isinulat ni Moises. Binabasa ito sa mga sinagoga bawat araw ng Sabat.
Ang Sulat ng Kapulungan sa mga Mananampalatayang Gentil
22 Nang magkagayon, minabuti ng mga apostol at ng mga matanda gayundin ng buong iglesiya na humirang ng mga lalaking mula sa kanila upang suguin sila sa Antioquia kasama nina Pablo at Bernabe. Sila ay sina Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas na mga tagapanguna sa mga kapatid.
23 Sumulat sila ng ganito:
Kaming mga apostol, mga matanda at mga kapatid ay bumabati sa inyo na aming mga kapatid na nasa mga Gentil sa Antioquia, sa Siria at sa Cilicia.
24 Sumulat kami sapagkat nabalitaan namin na ang ilang umalis sa amin ay gumugulo sa inyo sa pamamagitan ng mga salita. Nililigalig nila ang inyong mga kaluluwa na sinasabi: Kinakailangang kayo ay tuliin at ganapin ang kautusan. Hindi kami nag-uutos ng ganito sa kaninuman sa kanila. 25 Kaya minabuti namin ang may pagkakaisang magsugo sa inyo ng mga hinirang na lalaki. Sila ay kasama ng aming mga minamahal na Bernabe at Pablo. 26 Sila ay mga lalaking nagsusuong ng kanilang mga buhay alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo. 27 Kaya nga, sinugo namin sina Judas at Silas. Sila ay magsasaysay rin naman sa inyo ng gayunding mga bagay. 28 Ito ay sapagkat minabuti ng Banal na Espiritu at minabuti rin namin na huwag kayong atangan ng lalong mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan. 29 Lumayo kayo sa mga bagay na inihandog sa mga diyos-diyosan, sa dugo, sa mga binigti at sa kasalanang sekswal. Kung iingatan ninyo anginyong mga sarili mula sa mga bagay na ito ay makakabuti sa inyo. Paalam na sa inyo.
30 Kaya nang sila ay kanilang mapayaon na, lumusong sila sa Antioquia at nang kanilang mapagtipun-tipon ang napakaraming tao, kanilang ibinigay ang sulat. 31 Nang mabasa na nila ito, nagalak sila dahil lumakas ang kanilang kalooban. 32 Si Judas at si Silas, na mga propeta rin naman ay nagpalakas ng kalooban ng mga kapatid sa pamamagitan ng maraming mga salita. Sila ay pinatatag nila. 33 Nang sila ay makagugol na ng ilang panahon doon, sila ay payapang pinabalik sa mga apostol ng mga kapatid. 34 Ngunit minabuti ni Silas na magpaiwan doon. 35 Naiwan din sina Pablo at Bernabe sa Antioquia. Itinuturo nila at ipinangangaral ang salita ng Panginoon na kasama naman ng iba.
Hindi Nagkasundo sina Pablo at Bernabe
36 Pagkaraan ng ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe: Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa bawat lungsod na pinangaralan natin ng salita ng Panginoon. Alamin natin kung ano ang kalagayan nila. 37 Nakapagpasiya na si Bernabe na isama nila si Juan na tinatawag na Marcos. 38 Ngunit inisip ni Pablo na hindi mabuting siya ay isama nila sapagkat humiwalay siya sa kanila sa Pamfilia at hindi sumama sa kanila sa gawain. 39 Nagkaroon ng mahigpit na pagtatalo kaya sila ay naghiwalay sa isa’t isa. Isinama ni Bernabe si Marcos at naglayag sa Chipre. 40 Hinirang ni Pablo si Silas at yumaon sila na ipinagtagubilin ng mga kapatid sa biyaya ng Diyos. 41 Tinahak nila ang Siria at Cilicia, na pinatatatag ang mga iglesiya.
Copyright © 1998 by Bibles International
