Mga Bilang 6:13-21
Magandang Balita Biblia
13 “Ito(A) naman ang gagawin pagkatapos ng kanyang panata bilang Nazareo. Haharap siya sa pintuan ng Toldang Tipanan 14 at maghahandog ng tatlong tupa: isang lalaking tupa na isang taóng gulang at walang kapintasan bilang handog na susunugin; isang babaing tupa na isa ring taóng gulang at walang kapintasan bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan; at isang barakong tupa na walang kapintasan bilang handog na pangkapayapaan. 15 Bukod dito, maghahandog siya ng isang basket na tinapay na walang pampaalsa at hinaluan ng langis, at manipis na tinapay na wala ring pampaalsa at may pahid na langis. Magdadala rin siya ng mga handog na pagkaing butil at inumin.
16 “Ang lahat ng ito'y dadalhin naman ng pari sa harapan ni Yahweh at iaalay ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na susunugin. 17 Ang handog pangkapayapaan ay ihahandog niyang kasama ng basket ng tinapay na walang pampaalsa, saka isusunod ang handog na pagkaing butil at inumin. 18 Pagkatapos, aahitin ng Nazareo ang kanyang buhok at susunugin sa apoy na pinagsusunugan ng handog pangkapayapaan.
19 “Kukunin naman ng pari ang nilagang balikat ng handog pangkapayapaan, sasamahan ng isang tinapay na walang pampaalsa at isang manipis na tinapay at ilalagay sa kamay ng Nazareo. 20 Kukunin niyang muli ang mga ito at iaalay kay Yahweh. Mapupunta ang mga ito sa pari, pati ang pitso at ang hita ng handog pangkapayapaan. Pagkatapos nito, ang Nazareo ay maaari nang uminom ng alak.
21 “Ito ang tuntunin tungkol sa panata ng Nazareo. Ngunit kung nangako siya ng iba pang bagay bukod rito, kailangang tuparin din niya iyon.”
Read full chapterMagandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.