Mga Bilang 36
Ang Biblia, 2001
Tungkol sa Pag-aasawa ng mga Tagapagmanang Babae
36 Ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng mga anak ni Gilead, na anak ni Makir, na anak ni Manases, sa mga angkan ng mga anak ni Jose, ay lumapit at nagsalita sa harap ni Moises at ng mga pinuno, na mga puno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng mga anak ni Israel.
2 Sinabi(A) nila, “Ang Panginoon ay nag-utos sa aking panginoon na ibigay sa pamamagitan ng palabunutan ang lupain na pinakamana sa mga anak ni Israel at inutusan din naman ng Panginoon ang aking panginoon na ibigay ang mana ni Zelofehad na aming kapatid sa kanyang mga anak na babae.
3 Kung sila'y mag-asawa sa kaninuman sa mga anak ng ibang mga lipi ng mga anak ni Israel ay aalisin ang mana nila na mula sa mana ng aming mga ninuno, at idaragdag sa mana ng lipi na kinabibilangan nila; sa gayo'y aalisin ito sa manang nauukol sa amin.
4 At pagdating ng jubileo ng mga anak ni Israel ay idaragdag ang kanilang mana sa mana ng lipi na kanilang kinabibilangan; sa gayo'y ang kanilang mana ay aalisin sa mana ng lipi ng aming mga ninuno.”
5 At iniutos ni Moises sa mga anak ni Israel ayon sa salita ng Panginoon, na sinasabi, “Tama ang sinasabi ng lipi ng mga anak ni Jose.”
6 Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon tungkol sa mga anak na babae ni Zelofehad, na sinasabi, ‘Hayaan silang mag-asawa sa sinumang iniisip nila na pinakamabuti; ngunit sa angkan ng lipi lamang ng kanilang ama.
7 Sa gayon ay walang mana ng mga anak ni Israel ang magpapalipat-lipat sa iba't ibang lipi, sapagkat ang mga anak ni Israel ay mananatili sa isa sa mana ng lipi ng kanyang mga ninuno.
8 Bawat anak na babae na nagmamay-ari sa anumang lipi ng mga anak ni Israel ay mag-aasawa sa isa sa mga angkan ng lipi ng kanyang ama, upang mapanatili ng bawat isa sa mga anak ni Israel ang mana ng kanyang mga ninuno.
9 Sa gayon ay hindi magpapalipat-lipat ang mana sa ibang lipi; sapagkat dapat manatili ang bawat lipi ng mga anak ni Israel sa kanyang sariling mana.
10 Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises ay gayon ang ginawa ng mga anak na babae ni Zelofehad;
11 sapagkat sina Mahla, Tirsa, Holga, Milca, at Noa, na mga anak na babae ni Zelofehad ay nagsipag-asawa sa mga anak ng mga kapatid ng kanilang ama.
12 Sila'y nag-asawa sa mga angkan ng mga anak ni Manases na anak ni Jose; at ang kanilang mana ay naiwan sa lipi ng angkan ng ama nila.
13 Ito ang mga utos at ang mga batas, na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises sa mga anak ni Israel sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico.