Mga Bilang 36
Ang Biblia (1978)
Batas tungkol sa pagaasawa ng mga tagapagmanang babae.
36 At ang mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak (A)ni Galaad, na anak ni Machir, na anak ni Manases, sa mga angkan ng mga anak ni Jose, ay nagsilapit, at nagsalita sa harap ni Moises at sa harap ng mga prinsipe, na mga pangulo sa mga sangbahayan ng mga magulang ng mga anak ni Israel:
2 At sinabi nila, Ang (B)Panginoon ay nagutos sa aking panginoon na ibigay sa sapalaran ang lupain na pinakamana sa mga anak ni Israel: at (C)inutusan din naman ng Panginoon ang aking panginoon na ibigay ang mana ni Salphaad na aming kapatid sa kaniyang mga anak na babae.
3 At kung sila'y magasawa sa kaninoman sa mga anak ng ibang mga lipi ng mga anak ni Israel ay aalisin nga ang mana nila na mula sa mana ng aming mga magulang, at sa idaragdag sa mana ng lipi na kinauukulan nila: sa gayo'y aalisin sa manang naukol sa amin.
4 At (D)pagjujubileo ng mga anak ni Israel, ay idaragdag nga ang kanilang mana sa mana ng lipi na kanilang kinaukulan: sa gayo'y ang kanilang mana ay aalisin sa mana ng lipi ng aming mga magulang.
5 At iniutos ni Moises sa mga anak ni Israel ayon sa salita ng Panginoon na sinasabi, Ang lipi ng mga anak ni Jose ay (E)nagsasalita ng matuwid.
6 Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon tungkol sa mga anak na babae ni Salphaad, na sinasabi, Magasawa sila sa kaninomang kanilang magalingin; (F)nguni't sa angkan ng lipi lamang ng kanilang ama magasawa sila.
7 Sa gayon ay hindi magkakalipatlipat ang (G)mana ng mga anak ni Israel sa iba't ibang lipi: sapagka't ang mga anak ni Israel ay masasanib bawa't isa sa mana ng lipi ng kaniyang mga magulang.
8 At (H)bawa't anak na babae na nagaari sa anomang lipi ng mga anak ni Israel ay magasawa sa isa ng angkan ng lipi ng kaniyang ama, upang ang mga anak ni Israel ay magmana bawa't isa ng mana ng kaniyang mga magulang.
9 Sa gayon ay hindi magkakalipatlipat ang mana sa ibang lipi; sapagka't ang mga lipi ng mga anak ni Israel ay masasanib bawa't isa sa kaniyang sariling mana.
10 Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayong ginawa ng mga anak na babae ni Salphaad:
11 Sapagka't si (I)Maala, si Tirsa, si Holga, at si Milca, at si Noa, na mga anak na babae ni Salphaad ay nagsipagasawa sa mga anak ng mga kapatid ng kanilang ama.
12 Sila'y nagasawa sa mga angkan ng mga anak ni Manases na anak ni Jose; at ang kanilang mana ay naiwan sa lipi ng angkan ng ama nila.
13 Ito ang mga utos at ang mga kahatulan, na iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises sa mga anak ni Israel (J)sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978