Mga Bilang 35
Ang Biblia (1978)
Mga bayan na ibibigay sa mga Levita.
35 At sinalita ng Panginoon kay Moises sa mga (A)kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico, na sinasabi,
2 (B)Iutos mo sa mga anak ni Israel, na kanilang bigyan ang mga Levita sa mana na kanilang pagaari, ng mga bayan na matahanan; at ang mga (C)pastulan sa palibot ng mga bayang yaon ay ibibigay ninyo sa mga Levita,
3 At mapapasa kanila ang mga bayan upang tahanan; at ang kanilang mga pastulan ay sa kanilang mga kawan, at sa kanilang mga pagaari, at sa lahat nilang mga hayop.
4 At ang mga pastulan sa mga bayan, na inyong ibibigay sa mga Levita, ay isang libong siko sa palibot mula sa kuta ng bayan hanggang sa dakong labas.
5 At ang inyong susukatin sa labas ng bayan sa dakong silanganan ay dalawang libong siko, at sa dakong timugan ay dalawang libong siko, at sa dakong kalunuran ay dalawang libong siko, at sa dakong hilagaan ay dalawang libong siko, na ang bayan ay sa gitna. Ito ang magiging sa kanila'y mga pastulan sa mga bayan.
6 At ang mga bayan na inyong ibibigay sa mga Levita ay ang (D)anim na bayan na ampunan, na siya ninyong ibibigay na matatakasan ng nakamatay ng tao: at bukod sa rito ay magbibigay kayo ng apat na pu't dalawang bayan.
7 Lahat ng mga bayan na inyong ibibigay sa mga Levita ay (E)apat na pu't walong bayan: inyong ibibigay sangpu ng kanilang mga pastulan.
8 At tungkol sa mga bayan na (F)pagaari ng mga anak ni Israel na inyong ibibigay ay kukuha kayo ng (G)marami sa marami; at sa kaunti ay kukuha kayo ng kaunti: bawa't isa ayon sa kaniyang mana na kaniyang minamana ay magbibigay sa kaniyang mga bayan sa mga Levita.
9 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
10 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, (H)Pagkaraan ninyo ng Jordan sa lupain ng Canaan,
11 (I)Ay pipili nga kayo ng mga bayan na maging mga bayang ampunan sa inyo, upang ang nakamatay ng tao na pumatay ng sinomang tao na hindi (J)sinasadya, ay makatakas doon.
12 At ang mga bayang yaong ay magiging sa inyo'y pinaka ampunan laban sa manghihiganti; upang ang nakamatay ay huwag mamatay, hanggang sa maitayo sa kapisanan na hatulan.
13 At ang mga bayan na inyong ibibigay ay (K)anim na bayang ampunan sa inyo.
14 (L)Magbibigay kayo ng tatlong bayan sa dako roon ng Jordan, at tatlong bayan ang ibibigay ninyo sa lupain ng Canaan; siyang magiging mga bayang ampunan.
15 Sa mga anak ni Israel, (M)at sa taga ibang lupa, at sa makikipamayan sa kanila ay magiging ampunan ang anim na bayang ito: upang ang bawa't nakamatay ng sinomang tao, na hindi sinasadya, ay makatakas doon.
16 (N)Nguni't kung kaniyang saktan ang kaniyang kapuwa ng isang kasangkapang bakal, na ano pa't namatay, siya nga'y mamamatay tao; ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.
17 At kung kaniyang saktan ng isang batong tangan niya sa kamay na ikamamatay ng isang tao, at namatay nga, mamamatay tao siya: ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.
18 O kung kaniyang saktan ng isang almas na kahoy na tangan niya sa kamay na ikamamatay ng tao, at namatay nga, ay mamamatay tao siya: ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.
19 Ang manghihiganti sa dugo ay (O)siyang papatay sa pumatay: pagka nasumpungan niya ay kaniyang papatayin.
20 At kung kaniyang itinulak sa kapootan, o kaniyang hinagis na (P)binanta, ano pa't siya'y namatay;
21 O sa pakikipagkaalit ay sinaktan niya ng kaniyang kamay, na ano pa't siya'y namatay: siya na sumakit ay walang pagsalang papatayin; siya'y mamamatay tao: ang manghihiganti sa dugo ay siyang papatay sa pumatay, pagka nasumpungan niya.
Bayang ampunan para sa nakamatay.
22 Nguni't kung sa kabiglaanan ay kaniyang (Q)maitulak na walang pakikipagkaalit, o mahagisan niya ng anomang bagay na hindi binanta,
23 O ng anomang bato na ikamamatay ng tao, na hindi niya nakikita at kaniyang maihagis sa kaniya, na ano pa't namatay at hindi niya kaaway, at hindi niya pinagaakalaan ng masama:
24 Kung gayo'y ang (R)kapisanan ang siyang hahatol sa sumakit at sa manghihiganti sa dugo, ayon sa mga kahatulang ito:
25 At ililigtas ng kapisanan ang nakamatay sa kamay ng manghihiganti sa dugo, at siya'y pababalikin ng kapisanan sa kaniyang bayang ampunan, na kaniyang tinakasan: at siya'y tatahan doon hanggang sa pagkamatay ng (S)pangulong saserdote, (T)na pinahiran ng banal na langis.
26 Nguni't kung ang nakamatay ay lumabas sa anomang dahilan, sa hangganan ng kaniyang bayang ampunan, na kaniyang tinakasan;
27 At masumpungan siya ng manghihiganti sa dugo sa labas ng hangganan ng kaniyang bayang ampunan, at patayin ng manghihiganti sa dugo ang nakamatay, ay hindi siya magiging salarin sa dugo,
28 Sapagka't siya'y nararapat na tumira sa kaniyang bayang ampunan, hanggang sa pagkamatay ng dakilang saserdote: nguni't pagkamatay ng dakilang saserdote ang nakamatay ay makababalik sa lupain ng kaniyang pagaari.
Batas tungkol sa mamamatay tao.
29 At ang mga bagay na ito ay magiging isang (U)palatuntunan sa kahatulan sa inyo, sa buong panahon ng inyong mga lahi sa lahat ng inyong mga tahanan.
30 Sinomang pumatay sa kaninoman, ay papatayin ang pumatay sa (V)patotoo ng mga saksi: nguni't ang isang saksi ay hindi makapagpapatotoo laban sa kaninomang tao upang patayin.
31 Bukod sa rito, huwag kayong tatanggap ng suhol sa buhay ng pumatay na nagiging salarin sa pagpapatay: kundi siya'y walang pagsalang papatayin.
32 At huwag kayong tatanggap ng suhol sa kaninomang tumakas sa kaniyang bayang ampunan, upang bumalik na manahan sa kaniyang lupain, hanggang sa pagkamatay ng dakilang saserdote.
33 Kaya't huwag ninyong dudumhan ang lupain na inyong kinaroroonan; (W)sapagka't ang dugo ay nagpaparumi ng lupain: at walang paglilinis na magagawa sa lupa dahil sa dugo na nabubo doon, kundi sa (X)pamamagitan ng dugo niyaong nagbubo.
34 (Y)At huwag ninyong dudumhan ang lupain na inyong tinatahanan, na ako'y tumahan sa gitna niyan: sapagka't (Z)akong Panginoon ay tumatahan sa gitna ng mga anak ni Israel.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978