Mga Bilang 32
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang mga Lipi sa Silangan ng Jordan(A)
32 Napakarami ng hayop ng mga lipi nina Ruben at Gad. Nang makita nila na mainam ang pastulan sa Jazer at sa Gilead, 2 pumunta sila kay Moises, kay Eleazar at sa mga pinuno ng Israel. Sinabi nila, 3 “Ang Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Hesbon, Eleale, Sebma, Nebo at Beon, 4 mga lupaing nilupig ni Yahweh para sa Israel ay mainam na pastulan ng mga hayop. Kaming mga lingkod ninyo ay may mga bakahan. 5 Kung inyong mamarapatin, ito na po lamang ang ibigay ninyo sa amin. Huwag na po ninyo kaming patawirin sa kabila ng Jordan.”
6 Ngunit ganito ang sagot ni Moises sa lipi ni Ruben at ni Gad, “Hahayaan ba ninyong makipaglaban ang inyong mga kapatid samantalang kayo'y nagpapasarap dito? 7 Gusto ba ninyong panghinaan ng loob ang mga Israelita sa pagpunta sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh? 8 Ganyan din ang ginawa ng inyong mga magulang nang sila'y suguin ko upang tiktikan ang Kades-barnea. 9 Nang makaahon sila sa may kapatagan ng Escol at makita ang lupain, sinira nila ang loob ng mga Israelita. 10 Dahil(B) doon, nagalit sa kanila si Yahweh. Kaya't isinumpa niya 11 na dahil sa hindi nila pagsunod sa kanya nang buong puso, isa man sa mga nanggaling sa Egipto na may gulang na dalawampung taon pataas ay hindi makakapasok sa lupain na kanyang ipinangako kina Abraham, Isaac at Jacob. 12 Wala ngang nakarating doon liban kay Caleb na anak ni Jefune na mula sa angkan ng Cenizeo at kay Josue na anak ni Nun, sapagkat sila lamang ang buong pusong sumunod kay Yahweh. 13 Nagalit nga sa kanila si Yahweh, kaya sila'y ginawa niyang mga lagalag sa ilang sa loob ng apatnapung taon, hanggang mamatay na lahat ang mga gumawa ng masama sa kanyang paningin. 14 At ngayon, kayo naman ang pumalit sa inyong mga makasalanang magulang. Gusto ba ninyong tularan ang ginawa nila at lalo pang magalit si Yahweh sa Israel? 15 Kapag tumalikod kayo sa kanya, pababayaan niya sa ilang ang Israel. At kayo ang magiging dahilan ng pagkalipol ng bayang ito.”
16 Lumapit sila kay Moises at sinabi: “Igagawa lang muna namin ng kulungan ang aming mga hayop, at ng tirahan ang aming mga pamilya. 17 Kailangang bago namin sila iwan ay matiyak naming ligtas sila sa mga tagarito. Pagkatapos, makikipaglaban kaming kasama ng mga Israelita hanggang makarating sila sa lupaing titirhan nila. 18 Hindi kami uuwi hanggang hindi nila nakakamtan ang lupaing dapat mapunta sa kanila. 19 At hindi na kami makikihati sa lupang masasakop nila sa kabila ng Jordan sapagkat nakakuha na kami ng parte rito sa silangan ng Jordan.”
20 Sumagot si Moises, “Kung talagang gagawin ninyo iyan, ngayon mismo sa harapan ni Yahweh ay humanda na kayo sa pakikipaglaban. 21 Ang lahat ninyong mandirigma ay tatawid sa Jordan at sa pamumuno ni Yahweh ay sasalakayin nila ang mga kaaway hanggang malipol silang lahat ni Yahweh 22 at masakop ang buong lupain. Kapag nagampanan na ninyo ang inyong tungkulin sa kanya at sa buong Israel, makakauwi na kayo. Pagkatapos, tunay ngang ibinigay na sa inyo ni Yahweh ang lupaing ito na nasa silangan ng Jordan. 23 Ngunit kung hindi ninyo gagawin ang inyong sinabi, magkakasala kayo laban kay Yahweh. At ito ang tandaan ninyo: tiyak na pagbabayaran ninyo ang inyong kasalanan. 24 Sige, igawa na ninyo ng tirahan ang inyong mga pamilya at ng kulungan ang inyong mga tupa. Subalit huwag na huwag ninyong kalilimutan ang inyong pangako.”
25 Sinabi ng mga anak nina Gad at Ruben kay Moises, “Gagawin po namin ang ipinag-uutos ninyo sa amin. 26 Ang aming mga anak, asawa at mga hayop ay iiwan namin dito sa Gilead. 27 At kaming mga lingkod ninyo, lahat kaming maaaring makipaglaban ay tatawid ng Jordan sa pamumuno ni Yahweh at makikipaglaban gaya ng inyong ipinag-uutos.”
28 Kaya't(C) ipinagbilin ni Moises kay Eleazar, kay Josue, at sa mga pinuno ng mga angkan at mga lipi ng Israel, 29 “Kapag ang mga anak nina Gad at Ruben na handang makipaglaban sa ilalim ng pamumuno ni Yahweh ay tumawid ng Jordan at tumulong sa inyo sa pagsakop sa lupaing titirhan ninyo, ibigay ninyo sa kanila ang lupain ng Gilead. 30 Ngunit kapag hindi sila tumawid ng Jordan at hindi nakipaglabang kasama ninyo, sa Canaan din sila maninirahang kasama ninyo.”
31 Sinabi ng mga anak nina Gad at Ruben, “Gagawin po namin ang ipinag-uutos ni Yahweh. 32 Sa pamumuno niya'y tatawid kami ng Jordan at makikipaglaban upang manatiling sa amin ang lupaing nasa silangan ng Jordan.”
33 At ibinigay nga ni Moises sa mga lipi ni Gad, Ruben at sa kalahati ng lipi ni Manases ang mga kaharian ni Haring Sihon ng mga Amoreo, at Haring Og ng Bashan. 34 Itinayong muli ng lipi ni Gad ang Dibon, Atarot, Aroer, 35 Atarot-sofan, Jazer, Jogbeha, 36 Beth-nimra at Beth-haran. Ang mga lunsod na ito'y pinaligiran nila ng pader at nilagyan ng mga kulungan ng kanilang mga hayop. 37 Itinayo naman ng lipi ni Ruben ang Hesbon, Eleale, Kiryataim, 38 Nebo,(D) Baal-meon (ang mga ito'y pinalitan nila ng pangalan) at Sibma. Binigyan nila ng bagong pangalan ang mga lunsod na muli nilang itinayo.
39 Ang Gilead ay sinakop naman ng mga anak ni Maquir, buhat sa lipi ni Manases; itinaboy nila ang mga Amoreo rito. 40 Ang lugar na iyo'y ibinigay ni Moises sa kanila at doon sila nanirahan. 41 Ang mga nayon sa paligid ng Ham ay sinakop ni Jair na anak din ni Manases; tinawag niya itong “Mga Nayon ni Jair.” 42 Ang Kenat at ang sakop nito ay sinakop naman ni Noba na anak din ni Manases. Tinawag niya itong Noba, ayon sa kanyang pangalan.
Mga Bilang 32
Ang Biblia, 2001
Ang Ruben, Gad, at ang Kalahati ng Lipi ni Manases ay Nanirahan sa Gilead(A)
32 Ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad ay may lubhang napakaraming hayop. Nang kanilang makita ang lupain ng Jazer at ang lupain ng Gilead ay mabuting lugar iyon para sa hayop,
2 lumapit at nagsalita ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa mga pinuno ng sambayanan, na sinasabi:
3 “Ang Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Hesbon, Eleale, Saban, Nebo, at ang Beon,
4 na lupaing winasak ng Panginoon sa harap ng kapulungan ng Israel ay lupaing mabuti para sa hayop, at ang iyong mga lingkod ay may mga hayop.”
5 At sinabi nila, “Kung kami ay nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin ay ibigay sa iyong mga lingkod ang lupaing ito bilang ari-arian; at huwag mo na kaming patawirin sa Jordan.”
6 Sinabi ni Moises sa mga anak ni Gad at sa mga anak ni Ruben, “Pupunta ba ang inyong mga kapatid sa pakikipaglaban, samantalang kayo'y nakaupo rito?
7 At bakit pinanghihina ninyo ang loob ng mga anak ni Israel, upang huwag magpatuloy sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila?
8 Ganyan(B) ang ginawa ng inyong mga ninuno nang sila'y aking suguin, mula sa Kadesh-barnea upang lihim na siyasatin ang lupain.
9 Sapagkat nang sila'y makaahon sa libis ng Escol at makita ang lupain, ay kanilang pinanghina ang loob ng mga anak ni Israel upang huwag pumasok sa lupain na ibinigay ng Panginoon sa kanila.
10 Ang(C) galit ng Panginoon ay nagningas nang araw na iyon, at siya'y sumumpa na sinasabi,
11 ‘Tunay na walang taong lumabas sa Ehipto, mula sa dalawampung taong gulang pataas na makakakita ng lupain na aking ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob; sapagkat sila'y hindi lubos na sumunod sa akin;
12 liban kay Caleb na anak ni Jefone na Kenizeo, at si Josue na anak ni Nun sapagkat sila'y lubos na sumunod sa Panginoon.’
13 Ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kanyang pinagala-gala sila sa ilang nang apatnapung taon hanggang sa ang buong salinlahing iyon na gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon ay nalipol.
14 At, ngayo'y bumangon kayo na kapalit ng inyong mga ninuno, supling ng mga taong makasalanan, upang dagdagan pa ninyo ang matinding galit ng Panginoon sa Israel.
15 Sapagkat kung kayo'y lumihis ng pagsunod sa kanya ay kanyang muling iiwan sila sa ilang; at inyong lilipulin ang buong bayang ito.”
16 Sila'y lumapit sa kanya, at nagsabi, “Gagawa kami rito ng mga kulungan para sa aming mga hayop, at ng mga bayan para sa aming mga bata.
17 Ngunit kami ay maghahandang lumaban upang magpauna sa mga anak ni Israel hanggang sa aming madala sila sa kanilang lugar; at ang aming mga bata ay maninirahan sa mga bayang may pader dahil sa mga naninirahan sa lupain.
18 Kami ay hindi babalik sa aming mga bahay, hanggang sa ang lahat ng mga anak ni Israel ay magkaroon ng kanilang sariling pag-aari,
19 sapagkat hindi kami makikihati sa kanilang mana sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa dako pa roon; sapagkat tinanggap na namin ang aming mana rito sa dakong silangan ng Jordan.”
20 At sinabi ni Moises sa kanila, “Kung gagawin ninyo ang bagay na ito; kung kayo'y maghahandang lumaban upang pumaroon sa harap ng Panginoon sa pakikipaglaban,
21 at bawat may sandata sa inyo ay tatawid sa Jordan sa harap ng Panginoon, hanggang sa kanyang mapalayas ang kanyang mga kaaway sa harap niya;
22 at ang lupain ay mapasuko sa harap ng Panginoon; kung gayon ay makababalik kayo at magiging malaya sa pananagutan sa Panginoon at sa Israel; at ang lupaing ito ay magiging inyong pag-aari sa harap ng Panginoon.
23 Ngunit kung hindi ninyo gagawin ang ganito, kayo'y magkakasala laban sa Panginoon at tiyak na tutugisin kayo ng inyong kasalanan.
24 Igawa ninyo ng mga lunsod ang inyong mga bata, at ng mga kulungan ang inyong mga tupa; at gawin ninyo ang inyong sinabi.”
25 Nagsalita ang mga anak nina Gad at ang mga anak ni Ruben kay Moises, na sinasabi, “Gagawin ng iyong mga lingkod ang gaya ng iniutos ng aking panginoon.
26 Ang aming mga bata, mga asawa, kawan at buong bakahan ay mananatili riyan sa mga bayan ng Gilead.
27 Ngunit ang iyong mga lingkod ay tatawid, bawat lalaki na may sandata sa pakikipaglaban, sa harap ng Panginoon upang makipaglaban gaya ng sinabi ng aking panginoon.”
28 Sa(D) gayo'y nag-utos si Moises tungkol sa kanila sa paring si Eleazar, kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng mga lipi ng mga anak ni Israel.
29 At sinabi sa kanila ni Moises, “Kung ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben ay tatawid na kasama ninyo sa Jordan, ang lahat ng lalaki na may sandata sa pakikipaglaban, sa harap ng Panginoon; at kung ang lupain ay mapasuko sa harap ninyo ay ibibigay ninyo sa kanila bilang ari-arian ang lupain ng Gilead.
30 Ngunit kung sila'y hindi tatawid na kasama ninyo na may sandata, magkakaroon sila ng pag-aari na kasama ninyo sa lupain ng Canaan.”
31 Ang mga anak nina Gad at Ruben ay sumagot, “Kung ano ang sinabi ng Panginoon sa iyong mga lingkod ay gayon ang gagawin namin.
32 Kami ay tatawid na may sandata sa harap ng Panginoon sa lupain ng Canaan, at ang magiging pag-aari naming mana ay sa dakong ito ng Jordan.”
33 At ibinigay ni Moises sa mga anak nina Gad, at sa mga anak ni Ruben, at sa kalahati ng lipi ni Manases na anak ni Jose ang kaharian ni Sihon na hari ng mga Amoreo, at ang kaharian ni Og na hari sa Basan, ang lupain at ang mga bayan niyon, sa loob ng mga hangganan niyon, samakatuwid ay ang mga bayan sa buong lupain.
34 Itinayo ng mga anak ni Gad ang Dibon, ang Atarot, ang Aroer,
35 ang Atarot-sofan, ang Jazer, ang Jogbeha,
36 ang Bet-nimra at ang Bet-haran: na mga bayang may pader, at kulungan din naman ng mga tupa.
37 Itinayo naman ng mga anak ni Ruben ang Hesbon, Eleale, Kiryataim,
38 ang Nebo, Baal-meon, (na ang pangalan ng mga iyon ay pinalitan,) at ang Sibma. Binigyan nila ng ibang mga pangalan ang mga bayan na kanilang itinayo.
39 Ang mga anak ni Makir na anak ni Manases ay pumunta sa Gilead, sinakop ito, at pinalayas ang mga Amoreo na naroroon.
40 Ibinigay ni Moises ang Gilead kay Makir na anak ni Manases; at kanyang tinirhan.
41 Si Jair na anak ni Manases ay pumaroon at sinakop ang mga bayan niyon at tinawag ang mga ito na Havot-jair.
42 Si Noba ay pumaroon at sinakop ang Kenat at ang mga nayon niyon. Tinawag ito na Noba, ayon sa kanyang sariling pangalan.
