Add parallel Print Page Options

Mga Tuntunin Tungkol sa mga Handog

15 Inutusan ng Panginoon si Moises na sabihin ito sa mga Israelita: “Kapag dumating na kayo sa lupain na ibibigay ko sa inyo na inyong titirhan, maghandog kayo sa akin mula sa inyong mga hayop bilang mga handog sa pamamagitan ng apoy[a]. Maghandog din kayo ng mga handog sa pagtupad ng isang panata o mga handog na kusang-loob o mga handog sa panahon ng mga pista. Ang mabangong samyo ng mga handog na sinusunog na ito ay makalulugod sa akin. 4-5 Ang maghahandog ng batang tupa bilang handog na sinusunog para sa akin ay maghandog din ng handog para sa pagpaparangal sa akin ng mga dalawang kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng isang litrong langis. At sasamahan pa ito ng handog na inumin na isang litrong katas ng ubas. Kung matandang tupa ang ihahandog, sasamahan ito ng handog para sa pagpaparangal sa akin ng mga apat na kilo ng magandang klaseng harina, na hinaluan ng isaʼt kalahating litro ng langis. At sasamahan pa ito ng handog na inumin na isaʼt kalahating litrong katas ng ubas. Ang mabangong samyo ng handog na itoʼy makalulugod sa akin.

“Ang maghahandog ng batang toro bilang handog na sinusunog o handog sa pagtupad ng isang panata, o handog para sa mabuting relasyon, ay kailangang maghandog din ng handog para sa pagpaparangal sa akin ng mga anim na kilo ng magandang klaseng harina na hinaluan ng dalawang litrong langis. 10 At sasamahan pa ito ng mga handog na inumin na dalawang litrong katas ng ubas. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa akin. 11 Ito ang inyong gagawin kapag maghahandog kayo ng isang toro o matandang lalaking tupa o kambing. 12 Gawin ninyo ito sa bawat hayop na inyong ihahandog.

13 “Ang lahat ng katutubong Israelita na mag-aalay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy bilang mabangong handog na makalulugod sa akin ay dapat sumunod sa mga tuntuning ito. 14 Kung sa susunod pang mga henerasyon ay may mga dayuhang maninirahang kasama ninyo, panandalian man o permanente, at gustong mag-alay ng mga handog sa pamamagitan ng apoy bilang mabangong handog na makalulugod sa akin, dapat ay susundin din nila ang mga nabanggit na tuntunin. 15 Kayong mga Israelita at ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo ay pareho lang sa harapan ko at parehong kautusan lang ang tutuparin ninyo. Dapat ninyong sundin ang mga tuntuning ito at ng inyong lahi hanggang sa susunod pang mga henerasyon. 16 Pareho lang ang mga utos at mga tuntunin ang susundin ninyo at ng mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo.”

17 Inutusan pa ng Panginoon si Moises 18 na sabihin sa mga Israelita: “Kapag dumating na kayo sa lupain na ibibigay sa inyo, 19 makakakain kayo ng bunga ng lupaing ito. Pero dapat ibukod ang iba nito para ihandog sa akin. 20 Maghandog kayo ng tinapay galing sa harina na una ninyong giniling, katulad ng inyong ginawa sa unang ani ng inyong trigo mula sa giikan. 21 Ang handog na ito mula sa harina na una ninyong giniling ay ihahandog ninyo sa akin hanggang sa susunod pang mga henerasyon.

22 “Kung ang ilan sa inyo ay nasuway ang isa sa mga utos na ibinigay ko kay Moises nang hindi sinasadya, 23 (ang mga utos na ibinigay ko sa inyo sa pamamagitan ni Moises, dapat nʼyong sundin mula sa araw na ibinigay ko ito hanggang sa susunod pang mga henerasyon) 24 kung hindi nga sinasadya ang paggawa nito, at hindi rin alam ng buong kapulungan na pagsuway pala ito, ang buong kapulungan ang maghahandog ng isang batang toro bilang handog na sinusunog sa panahon na nalaman ninyo ang inyong pagsuway. Ang mabangong samyo ng handog na itoʼy makalulugod sa Panginoon. Isama rin ninyo ang mga kinakailangang mga handog para sa pagpaparangal sa akin at mga handog na inumin at isang lalaking kambing bilang handog sa paglilinis. 25 Ihahandog ito ng pari para matubos ang buong mamamayan ng Israel sa kanilang kasalanan. Patatawarin ko sila dahil hindi naman ito sinasadya, at maghahandog din sila sa akin ng mga handog sa pamamagitan ng apoy at ng handog sa paglilinis. 26 Patatawarin ko ang buong mamamayan ng Israel, pati ang mga dayuhan na naninirahan kasama nila, dahil sangkot ang lahat sa kasalanang iyon na hindi sinasadya.

27 “Pero kung isang tao lang ang nagkasala nang hindi sinasadya, magdadala siya ng isang babaeng kambing na isang taong gulang, bilang handog sa paglilinis. 28 Ihahandog ito ng pari sa aking presensya para matubos ang taong iyon sa kanyang kasalanang hindi sinasadya, at pagkatapos, patatawarin ko siya. 29 Iisa lang ang tuntunin para sa lahat ng nagkasala nang hindi sinasadya, katutubong Israelita man o dayuhan na naninirahan kasama ninyo.

30 “Pero, ang sinumang nagkasala nang sinadya, katutubo na Israelita man o hindi, na lumapastangan sa Panginoon, kailangang huwag na ninyong ituring na kababayan. 31 Dahil sa itinakwil niya ang salita ng Panginoon at sinuway niya ang utos nito. Huwag na siyang ituturing na kabilang sa inyo. Mananagot siya sa kanyang mga kasalanan.”

Ang Parusa sa Hindi Pagsunod sa Araw ng Pamamahinga

32 Habang naroon sa ilang ang mga Israelita, may nakita silang tao na nangangahoy sa Araw ng Pamamahinga. 33 Dinala siya ng mga tao na nakakita sa kanya kina Moises at Aaron, at sa buong kapulungan. 34 Ikinulong nila siya, dahil hindi sila nakasisiguro kung ano ang dapat gawin sa kanya. 35 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kailangang patayin ang taong iyan, babatuhin siya ng buong kapulungan sa labas ng kampo.” 36 Kaya dinala siya ng mga tao sa labas ng kampo at pinagbabato hanggang sa mamatay, ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.

37 Inutusan pa ng Panginoon si Moises 38 na sabihin ito sa mga Israelita: “Gumawa kayo ng mga palawit sa laylayan ng inyong mga damit at lagyan ninyo ito ng taling kulay asul. Kailangang sundin ninyo ito hanggang sa susunod pang mga henerasyon. 39 Ang mga palawit na ito ang magpapaalala sa inyo ng lahat kong mga utos para sundin ninyo ito at hindi ang inyong kagustuhan lang ang inyong gawin. 40 Sa pamamagitan ng mga palawit na ito, maaalala ninyo ang pagtupad sa aking kasunduan, at magiging akin kayo. 41 Ako ang Panginoon na inyong Dios na naglabas sa inyo sa Egipto para maging inyong Dios. Ako ang Panginoon na inyong Dios.”

Nagrebelde si Kora at ang Kanyang mga Kasama

16 1-2 Ngayon, nagrebelde kay Moises si Kora na anak ni Izar, na angkan ni Kohat na anak ni Levi. Kasama niya sa pagrerebelde sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab, at si On na anak ni Pelet na mula sa lahi ni Reuben. May kasama pa silang 250 lalaking Israelita na kilala at pinili ng mga pinuno mula sa kapulungan ng Israel. Pumunta silang lahat kina Moises at Aaron, at sinabi, “Sobra na ang ginagawa nʼyo sa amin, ang buong sambayanan ay banal at nasa gitna nila ang presensya ng Panginoon, kaya bakit ninyo ginagawang mas mataas ang inyong sarili ng higit sa aming lahat?” Pagkarinig nito ni Moises, nagpatirapa siya para manalangin sa Panginoon. Pagkatapos, sinabi niya kay Kora at sa lahat ng kanyang tagasunod, “Bukas ng umaga, ipapahayag ng Panginoon kung sino ang totoong pinili na maglingkod sa kanya bilang mga pari dahil palalapitin niya sa kanyang presensya ang kanyang pinili. Kaya ganito ang inyong gagawin bukas: Kumuha kayo ng lalagyan ng insenso 6-7 at lagyan ninyo ito ng baga at insenso, at dalhin sa presensya ng Panginoon. Pagkatapos, makikita natin kung sino ang pinili ng Panginoon na maglingkod sa kanya. Kayong mga Levita ang sumusobra na ang mga ginagawa!” Sinabi pa ni Moises kay Kora, “Pakinggan ninyo ito, kayong mga Levita. Hindi pa ba sapat sa inyo na sa buong mamamayan ng Israel, kayo ang pinili ng Dios ng Israel na makalapit sa kanyang presensya para maglingkod sa kanyang Tolda at para maglingkod para sa sambayanan? 10 Pinili niya kayo at ang iba pang mga Levita para makalapit sa kanyang presensya, at ngayon gusto pa ninyong maging pari? 11 Sino ba si Aaron para reklamuhan ninyo? Sa ginagawa ninyong iyan, ang Panginoon ang inyong kinakalaban.”

12 Pagkatapos, ipinatawag ni Moises sina Datan at Abiram, na mga anak ni Eliab. Pero sinabi nila, “Hindi kami pupunta! 13 Hindi pa ba sapat na kinuha mo kami sa Egipto na maganda at masaganang lupain[b] para patayin lang kami rito sa ilang? At ngayon, gusto mo pang maghari sa amin. 14 At isa pa, hindi mo kami dinala sa maganda at masaganang lupain o binigyan ng mga bukid o mga ubasan na aming aariin. Ngayon, gusto mo pa ba kaming lokohin? Hindi kami pupunta sa iyo!

15 Nagalit si Moises at sinabi niya sa Panginoon, “Huwag po ninyong tatanggapin ang kanilang mga handog. Hindi ako nagkasala sa sinuman sa kanila; wala akong kinuha sa kanila kahit isang asno.”

16 Sinabi ni Moises kay Kora, “Bukas, ikaw at ang iyong mga tagasunod ay pupunta sa presensya ng Panginoon sa Toldang Tipanan, at pupunta rin doon si Aaron. 17 Ang 250 na mga tagasunod mo ay pagdalhin mo ng tig-iisang lalagyan ng insenso. Palagyan mo ito ng insenso at ihandog sa Panginoon. Kayo ni Aaron ay magdadala rin ng lalagyan ng insenso.”

18 Kaya kumuha ang bawat isa ng kanya-kanyang lalagyan ng insenso at nilagyan ng baga at insenso, at tumayo sila kasama nina Moises at Aaron sa pintuan ng Toldang Tipanan. 19 Nang magtipon na si Kora at ang mga tagasunod niya sa harapan ni Moises at ni Aaron, doon sa pintuan ng Toldang Tipanan, nagpakita ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa buong kapulungan. 20 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron, 21 “Lumayo kayo sa mga taong ito para mapatay ko sila agad.”

22 Pero nagpatirapa sina Moises at Aaron at sinabi, “O Dios na pinanggagalingan ng buhay ng lahat ng tao, magagalit po ba kayo sa buong kapulungan kahit isang tao lang ang nagkasala?” 23 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 24 “Sabihin mo sa mga mamamayan na lumayo sila sa Tolda nina Kora, Datan at ni Abiram.”

25 Pinuntahan ni Moises si Datan at si Abiram, at sumunod sa kanya ang mga tagapamahala ng Israel. 26 Pagkatapos, sinabi niya sa mga mamamayan, “Lumayo kayo sa mga tolda ng masasamang taong ito! Huwag kayong hahawak ng kahit anong pag-aari nila, dahil kapag ginawa ninyo ito parurusahan kayong kasama nila dahil sa lahat ng kasalanan nila.” 27 Kaya lumayo ang mga tao sa mga tolda nina Kora, Datan at Abiram. Lumabas sina Datan at Abiram, at tumayo sa pintuan ng kanilang mga tolda kasama ng kanilang mga asawaʼt anak.

28 Sinabi ni Moises sa mga tao, “Sa pamamagitan nito malalaman ninyo na ang Panginoon ang nagsugo sa akin para sa paggawa ng mga bagay na ito, at hindi ko ito sariling kagustuhan. 29 Kung mamatay ang mga taong ito sa natural na kamatayan, hindi ako isinugo ng Panginoon. 30 Pero kung gagawa ang Panginoon ng kamangha-manghang bagay, at mabiyak ang lupa, at lamunin silang buhay, kasama ng lahat nilang mga ari-arian papunta sa mundo ng mga patay, malalaman ninyo na ang mga taong ito ang nagtakwil sa Panginoon.”

31 Pagkatapos magsalita ni Moises, nabiyak ang lupa na kinatatayuan nina Datan at Abiram, 32 at nilamon sila at ang kanilang pamilya ng lupa, kasama ang lahat ng tagasunod ni Kora at ang lahat ng kanilang ari-arian. 33 Buhay silang lahat na nilamon ng lupa pati ang kanilang mga ari-arian. Sumara ang lupa at nawala sila sa kapulungan. 34 Ang lahat ng mga Israelita ay nagsilayo nang marinig nila ang kanilang pagsigaw, dahil iniisip nila na baka lamunin din sila ng lupa.

35 Pagkatapos, nagpadala ang Panginoon ng apoy, at nilamon nito ang 250 tagasunod ni Kora na naghahandog ng insenso.

36 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 37 “Sabihin mo sa paring si Eleazar na anak ni Aaron, na kunin niya ang mga lalagyan ng insenso sa mga bangkay na nangasunog, dahil banal ang mga lalagyan. Sabihan mo rin sila na ikalat nila sa malayo ang mga baga 38 ng mga lalagyang ito na galing sa mga taong nangamatay dahil sa kanilang mga kasalanan. Ipamartilyo ang mga ito hanggang sa mapitpit, at itakip sa altar dahil inihandog ito sa Panginoon at naging banal ito. Ang takip na ito sa altar ay magiging isang babala para sa mga Israelita.”

39-40 Kaya ayon sa iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises, ipinakuha ng paring si Eleazar ang mga tansong lalagyan ng insenso na dinala ng mga taong nangasunog at minartilyo niya ito upang itakip sa altar. Isa itong babala para sa mga Israelita na walang sinumang makakalapit sa altar para magsunog ng insenso sa Panginoon maliban lang sa mga angkan ni Aaron upang hindi mangyari sa kanya ang nangyari kay Kora at sa mga tagasunod niya. 41 Pero nang sumunod na araw, nagreklamo na naman ang buong mamamayang Israelita kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Pinatay ninyo ang mga mamamayan ng Panginoon.”

42 Habang nagkakaisa silang nagrereklamo kina Moises at Aaron, lumingon sila sa Toldang Tipanan at nakita nila na biglang bumalot ang ulap sa Tolda at ipinakita ng Panginoon ang kanyang makapangyarihang presensya. 43 Pumunta sina Moises at Aaron sa harapan ng Tolda 44 at sinabi ng Panginoon kay Moises, 45 “Lumayo kayo sa mga taong iyan dahil ibabagsak ko sila ngayon din.”

Nagpatirapa ang dalawa.

46 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron, “Kunin mo ang lalagyan mo ng insenso at lagyan ito ng insenso at baga galing sa altar, at magmadali kang pumunta sa mga mamamayan at maghandog ka sa Panginoon para mapatawad ang kanilang mga kasalanan, dahil galit na ang Panginoon at nagsimula na ang salot.” 47 Kaya sinunod ni Aaron ang iniutos ni Moises, at tumakbo siya sa gitna ng mga mamamayan. Nagsimula na ang salot sa mga tao, pero naghandog pa rin si Aaron ng insenso para mapatawad ang kasalanan ng mga tao. 48 Tumayo siya sa gitna ng mga taong patay na at ng mga buhay pa at tumigil ang salot. 49 Pero 14,700 ang namatay, hindi pa kasama ang mga namatay dahil kay Kora. 50 Pagkatapos, bumalik si Aaron kay Moises sa pintuan ng Toldang Tipanan dahil tumigil na ang salot.

Footnotes

  1. 15:3 handog … apoy: Hindi malinaw ang ibig sabihin ng salitang Hebreo nito. Pero ayon sa gamit nito sa Lumang Tipan, itoʼy tawag sa ibaʼt ibang klase ng mga handog. Tinatawag din itong “pagkain ng Dios” sa Lev. 21:6, 21 at Bil. 28:2.
  2. 16:13 maganda at masaganang lupain: sa literal, lupain na dumadaloy ang gatas at pulot. Ganito rin sa talatang 14.