Mga Bilang 13
Magandang Balita Biblia
Nagsugo ng Labindalawang Espiya sa Canaan(A)
13 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Pumili ka ng isa sa mga kinikilalang pinuno ng bawat lipi at isugo mo sila upang manmanan ang Canaan, ang lupaing ibibigay ko sa inyo.” 3-15 Ganoon nga ang ginawa ni Moises. Kaya't mula sa ilang ng Paran, isinugo niya ang mga sumusunod na pinuno upang magmanman:
| Lipi | Pinuno | 
|---|---|
| Ruben | Samua na anak ni Zacur | 
| Simeon | Safat na anak ni Hori | 
| Juda | Caleb na anak ni Jefune | 
| Isacar | Igal na anak ni Jose | 
| Efraim | Oseas na anak ni Nun | 
| Benjamin | Palti na anak ni Rafu | 
| Zebulun | Gadiel na anak ni Sodi | 
| Manases | Gadi na anak ni Susi | 
| Dan | Amiel na anak ni Gemali | 
| Asher | Setur na anak ni Micael | 
| Neftali | Nahabi na anak ni Vapsi | 
| Gad | Geuel na anak ni Maqui | 
16 Sila ang isinugo ni Moises upang maging espiya sa Canaan; si Oseas na anak ni Nun ay tinawag niyang Josue. 17 Bago lumakad ang mga espiya, sila'y pinagbilinan ni Moises, “Sa Negeb kayo dumaan saka magtuloy sa kaburulan. 18 Pag-aralan ninyong mabuti ang lupain. Tingnan ninyo kung malalakas o mahihina ang mga tao roon, kung marami o kakaunti. 19 Tingnan ninyo kung mainam o hindi ang lupa, at kung may matitibay na muog o wala ang mga bayang tinitirhan ng mga tao roon. 20 Tingnan din ninyo kung mataba ang mga bukirin doon o hindi, at kung maraming punongkahoy o wala. Lakasan ninyo ang inyong loob. At pagbalik ninyo, magdala kayo ng ilang bungangkahoy mula roon.” Noon ay panahon ng pagkahinog ng ubas.
21 Pagdating sa Canaan, tiningnan ng mga espiya ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa malapit sa Pasong Hamat. 22 Umahon sila ng Negeb at nakarating ng Hebron at doo'y natagpuan nila ang mga angkan nina Ahiman, Sesai at Talmai. Ang mga ito'y mula sa lahi ni Anac. (Ang Hebron ay pitong taon nang lunsod bago ang Zoan sa Egipto.) 23 Pagdating nila sa kapatagan ng Escol, kumuha sila ng isang buwig ng ubas na pinasan ng dalawang tao. Nanguha rin sila ng bunga ng punong granada at igos. 24 Ang lugar na iyon ay tinawag nilang Escol[a] dahil sa malaking buwig ng ubas na nakuha nila roon.
25 Pagkaraan ng apatnapung araw, umuwi na ang mga espiya 26 at humarap kina Moises, Aaron at sa buong bayang Israel na natitipon noon sa Paran, sakop ng Kades. Iniulat nila ang kanilang nakita at ipinakita ang mga uwi nilang bungangkahoy. 27 Ang sabi nila, “Pinag-aralan namin ang lupain at natuklasan naming ito'y mayaman at masagana sa lahat ng bagay. Katunayan ang bungangkahoy na kinuha namin doon. 28 Ngunit malalakas ang mga tagaroon. Malalaki ang lunsod at matitibay ang mga pader. Bukod dito, naroon din ang mga lahi ng higante. 29 Sakop ng mga Amalekita ang Negeb. Ang kaburulan ay tinitirhan naman ng mga Heteo, Jebuseo at Amoreo. Mga Cananeo naman ang nasa baybay-dagat at sa tabi ng Ilog Jordan.”
30 Subalit pinatahimik ni Caleb ang mga taong-bayan na nagrereklamo na noon kay Moises. Sinabi ni Caleb, “Hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Lusubin na natin sila sapagkat kaya natin silang gapiin.”
31 Ngunit sumagot ang ibang espiyang kasama niya, “Hindi natin sila kaya sapagkat mas malakas sila kaysa atin.” 32 Hindi maganda ang kanilang ulat tungkol sa lupaing pinasiyasat sa kanila. Ito ang sinabi nila, “Malalaking tao ang nakatira doon at sinumang magtangkang sumakop sa kanila ay lalamunin nila. 33 Nakita(B) namin doon ang mga higante. Sila ay mula sa lahi ni Anac. Mga tipaklong lamang kami kung ihahambing sa kanila.”
Footnotes
- Mga Bilang 13:24 ESCOL: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito ay “buwig ng ubas”.
Mga Bilang 13
Ang Biblia (1978)
Nagpadala ng tiktik sa Canaan.
13 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 (A)Magsugo ka ng mga lalake na makakapaniktik sa lupain ng Canaan, na aking ibibigay sa mga anak ni Israel: isang lalake sa bawa't isa sa mga lipi ng kanilang mga magulang ay susuguin ninyo, na bawa't isa'y prinsipe sa kanila.
3 At sinugo sila ni Moises mula sa (B)ilang ng Paran ayon sa utos ng Panginoon: silang lahat ay mga lalaking pangulo sa mga anak ni Israel.
4 At ito ang kanilang mga pangalan: sa lipi ni Ruben, ay si Sammua na anak ni Zaccur.
5 Sa lipi ni Simeon, ay si Saphat na anak ni Huri.
6 (C)Sa lipi ni Juda, ay si (D)Caleb na anak ni Jephone.
7 Sa lipi ni Issachar, ay si Igal na anak ni Jose.
8 Sa lipi ni Efraim, ay si Oseas na anak ni Nun.
9 Sa lipi ni Benjamin, ay si Palti na anak ni Raphu.
10 Sa lipi ni Zabulon, ay si Gaddiel na anak ni Sodi.
11 Sa lipi ni Jose, sa makatuwid baga'y sa lipi ni Manases, ay si Gaddi na anak ni Susi.
12 Sa lipi ni Dan, ay si Ammiel na anak ni Gemalli.
13 Sa lipi ni Aser, ay si Sethur, na anak ni Michael.
14 Sa lipi ni Nephtali, ay si Nahabi na anak ni Vapsi.
15 Sa lipi ni Gad, ay si Geuel na anak ni Machi.
16 Ito ang mga pangalan ng mga lalake na sinugo ni Moises upang tiktikan ang lupain. At tinawag ni Moises na Josue ang anak ni Nun na si (E)Oseas.
17 At sinugo sila ni Moises upang tiktikan ang lupain ng Canaan, at sinabi sa kanila, Sumampa kayo rito sa dakong Timugan at (F)umakyat kayo sa mga bundok:
18 At tingnan ninyo ang lupain, kung ano; at ang bayan na tumatahan doon, kung sila'y malakas o mahina, kung sila'y kaunti o marami;
19 At kung ano ang lupain na kanilang tinatahanan, kung mabuti o masama; at kung ano ang mga bayan na kanilang tinatahanan, kung sa mga kampamento, o sa mga nakukutaan;
20 At kung ano ang lupain, kung mataba o payat, (G)kung mayroong kahoy o wala. At (H)magpakatapang kayo, at magdala kayo rito ng bunga ng lupain. Ngayon ang panahon ay panahon ng mga unang hinog na ubas.
21 Sila nga'y umakyat, at kanilang tiniktikan ang lupain mula sa (I)ilang ng Zin hanggang sa (J)Rehob, sa pagpasok sa Emath.
22 At sila'y umakyat sa dakong Timugan, at sila'y dumating sa Hebron; at si (K)Aimen, si Sesai at si Talmai, na mga anak ni Anac, ay nangaroon. (Ngayon ang Hebron ay (L)natayong pitong taon bago ang Zoan (M)sa Egipto).
23 (N)At sila'y dumating sa libis ng Escol, at sila'y pumutol doon ng isang sangang may isang kumpol na ubas, at dinala sa isang pingga ng dalawa; sila'y nagdala rin ng mga granada, at mga igos.
24 Ang dakong yaon ay tinawag na libis ng Escol, dahil sa kumpol na kinitil ng mga anak ni Israel doon.
Masamang balita ng mga tiktik.
25 At sila'y nagbalik pagkatiktik sa lupain, sa katapusan ng apat na pung araw.
26 At sila'y nagsiyaon at nagsiparoon kay Moises, at kay Aaron at sa buong kapisanan ng mga anak ni Israel, sa ilang ng Paran, (O)sa Cades; at kanilang binigyang sagot sila, at ang buong kapisanan, at kanilang ipinakita sa kanila ang bunga ng lupain.
27 At kanilang isinaysay sa kaniya, at sinabi, Kami ay dumating sa lupaing yaong pinaparoonan mo sa amin, at tunay na binubukalan ng (P)gatas at pulot; at ito ang (Q)bunga niyaon.
28 Gayon man (R)ang bayan na tumitira sa lupaing yaon ay malakas, at ang mga bayan ay nakukutaan, at napakalalaki: at saka aming nakita ang mga anak ni Anac doon.
29 (S)Si Amalec ay tumatahan sa lupain ng Timugan: at ang Hetheo, at ang Jebuseo, at ang Amorrheo ay tumatahan sa mga bundok: at ang Cananeo ay tumatahan sa tabi ng dagat, at sa mga pangpang ng Jordan.
30 At pinatahimik ni (T)Caleb ang bayan sa harapan ni Moises, at sinabi, Ating akyating paminsan, at ating ariin; sapagka't kaya nating lupigin.
31 (U)Nguni't sinabi ng mga lalaking nagsiakyat na kasama niya, Hindi tayo makaaakyat laban sa bayan; sapagka't sila'y malakas kay sa atin.
32 At sila'y nagdala ng masamang balita tungkol sa lupaing kanilang tiniktikan, sa mga anak ni Israel, na sinasabi, Ang lupain na aming pinaroonan upang tiktikan ay isang lupain na kinakain ang mga tumatahan doon; at (V)lahat ng bayan na aming nakita roon, ay mga taong malalaki.
33 (W)At doo'y aming nakita ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anac, na mula sa mga Nefilim: at kami sa aming sariling paningin ay naging (X)parang mga balang, at gayon din kami sa kanilang paningin.
Mga Bilang 13
Ang Biblia, 2001
Nagpadala ng mga Espiya sa Canaan(A)
13 At nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 “Magsugo ka ng mga lalaki upang lihim na siyasatin ang lupain ng Canaan, na aking ibibigay sa mga anak ni Israel. Isang lalaki sa bawat isa sa mga lipi ng kanilang mga ninuno ay susuguin ninyo, na bawat isa'y pinuno sa kanila.”
3 Kaya't sinugo sila ni Moises mula sa ilang ng Paran ayon sa utos ng Panginoon. Silang lahat ay mga lalaking pinuno sa mga anak ni Israel.
4 At ito ang kanilang mga pangalan: mula sa lipi ni Ruben ay si Samua na anak ni Zacur;
5 mula sa lipi ni Simeon ay si Shafat na anak ni Hori;
6 mula sa lipi ni Juda ay si Caleb na anak ni Jefone;
7 mula sa lipi ni Isacar ay si Igal na anak ni Jose;
8 mula sa lipi ni Efraim ay si Hosheas na anak ni Nun;
9 mula sa lipi ni Benjamin ay si Palti na anak ni Rafu;
10 mula sa lipi ni Zebulon ay si Gadiel na anak ni Sodi;
11 mula sa lipi ni Jose, samakatuwid ay sa lipi ni Manases ay si Gaddi na anak ni Susi;
12 mula sa lipi ni Dan ay si Amiel na anak ni Gemalli;
13 mula sa lipi ni Aser ay si Sethur na anak ni Micael;
14 mula sa lipi ni Neftali ay si Nahabi na anak ni Vapsi;
15 mula sa lipi ni Gad ay si Geuel na anak ni Maci.
16 Ito ang mga pangalan ng mga lalaki na isinugo ni Moises upang lihim na siyasatin ang lupain. At tinawag ni Moises na Josue si Hosheas na anak ni Nun.
17 Isinugo sila ni Moises upang lihim na siyasatin ang lupain ng Canaan at sinabi sa kanila, “Umakyat kayo sa Negeb at umakyat kayo sa mga kaburulan.
18 Tingnan ninyo kung ano ang lupain, at ang mga taong naninirahan doon, kung sila'y malakas o mahina, kung sila'y kaunti o marami;
19 at kung ano ang lupain na kanilang tinatahanan, kung mabuti o masama; at kung ano ang mga lunsod na kanilang tinatahanan, kung sa mga kampo o sa mga may pader,
20 at kung ang lupain ay mataba o payat, kung mayroong kahoy o wala. Magpakatapang kayo at magdala kayo rito ng mga bunga ng lupain.” Ang panahong iyon ay panahon ng mga unang hinog na ubas.
21 Kaya't sila'y umakyat, at kanilang lihim na siniyasat ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa pagpasok sa Hamat.
22 Sila'y umakyat sa Negeb, at sila'y nakarating sa Hebron; at si Ahiman, si Sesai at si Talmai, na mga anak ni Anak, ay naroon. (Ang Hebron ay itinayo pitong taon bago ang Zoan sa Ehipto).
23 At sila'y dumating sa libis ng Escol, at sila'y pumutol doon ng isang sangang may isang kumpol na ubas, at dinala sa isang pingga ng dalawa sa kanila. Sila'y nagdala rin ng mga prutas na granada, at mga igos.
24 Ang dakong iyon ay tinawag na libis ng Escol, dahil sa kumpol na pinutol ng mga anak ni Israel mula doon.
Ang Masamang Balita ng mga Espiya
25 At sila'y nagbalik pagkatapos na lihim na siyasatin ang lupain, sa katapusan ng apatnapung araw.
26 Sila'y dumating kina Moises at Aaron at sa buong sambayanan ng mga anak ni Israel, sa ilang ng Paran, sa Kadesh; at kanilang dinalhan sila ng balita at ang buong sambayanan, at kanilang ipinakita sa kanila ang bunga ng lupain.
27 Kanilang sinabi sa kanya, “Kami ay dumating sa lupaing iyon na kung saan ay sinugo mo kami, at tunay na iyon ay dinadaluyan ng gatas at pulot; at ito ang bunga niyon.
28 Gayunman, ang mga tao na tumitira sa lupaing iyon ay malalakas, at ang mga bayan ay may pader at napakalalaki; at saka aming nakita roon ang mga anak ni Anak.
29 Ang Amalekita ay naninirahan sa lupain ng Negeb, ang mga Heteo, ang mga Jebuseo, at ang mga Amoreo ay naninirahan sa mga bundok. Ang mga Cananeo ay naninirahan sa tabi ng dagat, at sa mga pampang ng Jordan.”
30 Ngunit pinatahimik ni Caleb ang bayan sa harapan ni Moises, at sinabi, “Ating akyatin agad at sakupin sapagkat kayang kaya nating lupigin iyon.”
31 Ngunit sinabi ng mga lalaking umakyat na kasama niya, “Hindi tayo makakaakyat laban sa mga taong iyon, sapagkat sila'y malalakas kaysa atin.
32 Kaya't sila'y nagdala ng masamang balita tungkol sa lupaing kanilang siniyasat, sa mga anak ni Israel, na sinasabi, “Ang lupain na aming pinaroonan upang lihim na siyasatin ay isang lupain na nilalamon ang mga naninirahan doon; at lahat ng tao na aming nakita roon ay malalaking tao.
33 At(B) nakita namin doon ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anak, na mula sa mga Nefilim; at kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga tipaklong, at gayundin kami sa kanilang paningin.”
Numbers 13
New International Version
Exploring Canaan
13 The Lord said to Moses, 2 “Send some men to explore(A) the land of Canaan,(B) which I am giving to the Israelites.(C) From each ancestral tribe(D) send one of its leaders.”
3 So at the Lord’s command Moses sent them out from the Desert of Paran. All of them were leaders of the Israelites.(E) 4 These are their names:
from the tribe of Reuben, Shammua son of Zakkur;
5 from the tribe of Simeon, Shaphat son of Hori;
6 from the tribe of Judah, Caleb son of Jephunneh;(F)
7 from the tribe of Issachar, Igal son of Joseph;
8 from the tribe of Ephraim, Hoshea son of Nun;(G)
9 from the tribe of Benjamin, Palti son of Raphu;
10 from the tribe of Zebulun, Gaddiel son of Sodi;
11 from the tribe of Manasseh (a tribe of Joseph), Gaddi son of Susi;
12 from the tribe of Dan, Ammiel son of Gemalli;
13 from the tribe of Asher, Sethur son of Michael;
14 from the tribe of Naphtali, Nahbi son of Vophsi;
15 from the tribe of Gad, Geuel son of Maki.
16 These are the names of the men Moses sent to explore(H) the land. (Moses gave Hoshea son of Nun(I) the name Joshua.)(J)
17 When Moses sent them to explore Canaan,(K) he said, “Go up through the Negev(L) and on into the hill country.(M) 18 See what the land is like and whether the people who live there are strong or weak, few or many. 19 What kind of land do they live in? Is it good or bad? What kind of towns do they live in? Are they unwalled or fortified? 20 How is the soil? Is it fertile or poor? Are there trees in it or not? Do your best to bring back some of the fruit of the land.(N)” (It was the season for the first ripe grapes.)(O)
21 So they went up and explored the land from the Desert of Zin(P) as far as Rehob,(Q) toward Lebo Hamath.(R) 22 They went up through the Negev and came to Hebron,(S) where Ahiman, Sheshai and Talmai,(T) the descendants of Anak,(U) lived. (Hebron had been built seven years before Zoan in Egypt.)(V) 23 When they reached the Valley of Eshkol,[a](W) they cut off a branch bearing a single cluster of grapes. Two of them carried it on a pole between them, along with some pomegranates(X) and figs.(Y) 24 That place was called the Valley of Eshkol because of the cluster of grapes the Israelites cut off there. 25 At the end of forty days(Z) they returned from exploring the land.(AA)
Report on the Exploration
26 They came back to Moses and Aaron and the whole Israelite community at Kadesh(AB) in the Desert of Paran.(AC) There they reported to them(AD) and to the whole assembly and showed them the fruit of the land.(AE) 27 They gave Moses this account: “We went into the land to which you sent us, and it does flow with milk and honey!(AF) Here is its fruit.(AG) 28 But the people who live there are powerful, and the cities are fortified and very large.(AH) We even saw descendants of Anak(AI) there.(AJ) 29 The Amalekites(AK) live in the Negev; the Hittites,(AL) Jebusites(AM) and Amorites(AN) live in the hill country;(AO) and the Canaanites(AP) live near the sea and along the Jordan.(AQ)”
30 Then Caleb(AR) silenced the people before Moses and said, “We should go up and take possession of the land, for we can certainly do it.”
31 But the men who had gone up with him said, “We can’t attack those people; they are stronger than we are.”(AS) 32 And they spread among the Israelites a bad report(AT) about the land they had explored. They said, “The land we explored devours(AU) those living in it. All the people we saw there are of great size.(AV) 33 We saw the Nephilim(AW) there (the descendants of Anak(AX) come from the Nephilim). We seemed like grasshoppers(AY) in our own eyes, and we looked the same to them.”
Footnotes
- Numbers 13:23 Eshkol means cluster; also in verse 24.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Holy Bible, New International Version®, NIV® Copyright ©1973, 1978, 1984, 2011 by Biblica, Inc.® Used by permission. All rights reserved worldwide.
NIV Reverse Interlinear Bible: English to Hebrew and English to Greek. Copyright © 2019 by Zondervan.

