Mga Bilang 13
Magandang Balita Biblia
Nagsugo ng Labindalawang Espiya sa Canaan(A)
13 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 2 “Pumili ka ng isa sa mga kinikilalang pinuno ng bawat lipi at isugo mo sila upang manmanan ang Canaan, ang lupaing ibibigay ko sa inyo.” 3-15 Ganoon nga ang ginawa ni Moises. Kaya't mula sa ilang ng Paran, isinugo niya ang mga sumusunod na pinuno upang magmanman:
Lipi | Pinuno |
---|---|
Ruben | Samua na anak ni Zacur |
Simeon | Safat na anak ni Hori |
Juda | Caleb na anak ni Jefune |
Isacar | Igal na anak ni Jose |
Efraim | Oseas na anak ni Nun |
Benjamin | Palti na anak ni Rafu |
Zebulun | Gadiel na anak ni Sodi |
Manases | Gadi na anak ni Susi |
Dan | Amiel na anak ni Gemali |
Asher | Setur na anak ni Micael |
Neftali | Nahabi na anak ni Vapsi |
Gad | Geuel na anak ni Maqui |
16 Sila ang isinugo ni Moises upang maging espiya sa Canaan; si Oseas na anak ni Nun ay tinawag niyang Josue. 17 Bago lumakad ang mga espiya, sila'y pinagbilinan ni Moises, “Sa Negeb kayo dumaan saka magtuloy sa kaburulan. 18 Pag-aralan ninyong mabuti ang lupain. Tingnan ninyo kung malalakas o mahihina ang mga tao roon, kung marami o kakaunti. 19 Tingnan ninyo kung mainam o hindi ang lupa, at kung may matitibay na muog o wala ang mga bayang tinitirhan ng mga tao roon. 20 Tingnan din ninyo kung mataba ang mga bukirin doon o hindi, at kung maraming punongkahoy o wala. Lakasan ninyo ang inyong loob. At pagbalik ninyo, magdala kayo ng ilang bungangkahoy mula roon.” Noon ay panahon ng pagkahinog ng ubas.
21 Pagdating sa Canaan, tiningnan ng mga espiya ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa malapit sa Pasong Hamat. 22 Umahon sila ng Negeb at nakarating ng Hebron at doo'y natagpuan nila ang mga angkan nina Ahiman, Sesai at Talmai. Ang mga ito'y mula sa lahi ni Anac. (Ang Hebron ay pitong taon nang lunsod bago ang Zoan sa Egipto.) 23 Pagdating nila sa kapatagan ng Escol, kumuha sila ng isang buwig ng ubas na pinasan ng dalawang tao. Nanguha rin sila ng bunga ng punong granada at igos. 24 Ang lugar na iyon ay tinawag nilang Escol[a] dahil sa malaking buwig ng ubas na nakuha nila roon.
25 Pagkaraan ng apatnapung araw, umuwi na ang mga espiya 26 at humarap kina Moises, Aaron at sa buong bayang Israel na natitipon noon sa Paran, sakop ng Kades. Iniulat nila ang kanilang nakita at ipinakita ang mga uwi nilang bungangkahoy. 27 Ang sabi nila, “Pinag-aralan namin ang lupain at natuklasan naming ito'y mayaman at masagana sa lahat ng bagay. Katunayan ang bungangkahoy na kinuha namin doon. 28 Ngunit malalakas ang mga tagaroon. Malalaki ang lunsod at matitibay ang mga pader. Bukod dito, naroon din ang mga lahi ng higante. 29 Sakop ng mga Amalekita ang Negeb. Ang kaburulan ay tinitirhan naman ng mga Heteo, Jebuseo at Amoreo. Mga Cananeo naman ang nasa baybay-dagat at sa tabi ng Ilog Jordan.”
30 Subalit pinatahimik ni Caleb ang mga taong-bayan na nagrereklamo na noon kay Moises. Sinabi ni Caleb, “Hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Lusubin na natin sila sapagkat kaya natin silang gapiin.”
31 Ngunit sumagot ang ibang espiyang kasama niya, “Hindi natin sila kaya sapagkat mas malakas sila kaysa atin.” 32 Hindi maganda ang kanilang ulat tungkol sa lupaing pinasiyasat sa kanila. Ito ang sinabi nila, “Malalaking tao ang nakatira doon at sinumang magtangkang sumakop sa kanila ay lalamunin nila. 33 Nakita(B) namin doon ang mga higante. Sila ay mula sa lahi ni Anac. Mga tipaklong lamang kami kung ihahambing sa kanila.”
Read full chapterFootnotes
- Mga Bilang 13:24 ESCOL: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang ito ay “buwig ng ubas”.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.