Mga Bilang 1
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Unang Sensus sa Israel
1 Noong(A) unang araw ng ikalawang buwan matapos umalis sa Egipto ang sambayanang Israel, si Yahweh ay nangusap kay Moises habang siya'y nasa loob ng Toldang Tipanan na noo'y nasa ilang ng Sinai. Ang sabi ni Yahweh, 2 “Magsagawa ka ng isang sensus. Bilangin at ilista ninyo ang pangalan ng buong sambayanan ng Israel ayon sa kani-kanilang angkan at lipi. Ilista ninyo ang lahat ng lalaki 3 mula sa gulang na dalawampu pataas, lahat ng maaari nang lumaban sa digmaan. Magpatulong ka kay Aaron 4 at sa pinuno ng bawat angkan.” 5-16 Ito ang mga pinuno ng bawat lipi na tutulong sa iyo:
Lipi | Pinuno |
---|---|
Ruben | Elizur na anak ni Sedeur |
Simeon | Selumiel na anak ni Zurisadai |
Juda | Naason na anak ni Aminadab |
Isacar | Nathanael na anak ni Zuar |
Zebulun | Eliab na anak ni Helon |
Efraim | Elisama na anak ni Amiud |
Manases | Gamaliel na anak ni Pedazur |
Benjamin | Abidan na anak ni Gideoni |
Dan | Ahiezer na anak ni Amisadai |
Asher | Pagiel na anak ni Ocran |
Gad | Eliasaf na anak ni Deuel |
Neftali | Ahira na anak ni Enan |
17 Ang mga taong nabanggit ay isinama nina Moises at Aaron, 18 at noong unang araw ng ikalawang buwan, tinipon nila ang lahat ng Israelita. Itinala nila ang lahat ng lalaki mula sa gulang na dalawampu pataas, ayon sa kani-kanilang lipi. 19 Ginawa nila ito sa ilang ng Sinai, ayon sa utos ni Yahweh.
20-43 Ito ang kanilang naitala:
Lipi | Bilang |
---|---|
Ruben | 46,500 |
Simeon | 59,300 |
Gad | 5,650 |
Juda | 74,600 |
Isacar | 54,400 |
Zebulun | 57,400 |
Efraim | 40,500 |
Manases | 32,200 |
Benjamin | 35,400 |
Dan | 62,700 |
Asher | 41,500 |
Neftali | 53,400 |
44-45 Lahat ng lalaki sa Israel mula sa dalawampung taon pataas at maaaring isama sa hukbo upang makidigma ay itinala nga nina Moises at Aaron. Sila ay tinulungan ng labindalawang pinuno na mula sa bawat lipi ng Israel. 46 Ang kabuuang bilang ay 603,550.
Ang Paghirang sa mga Levita
47 Ang mga Levita ay hindi kabilang sa sensus na ito 48 sapagkat ganito ang bilin ni Yahweh kay Moises: 49 “Huwag mong isasama sa sensus ng Israel ang mga Levita. 50 Sa kanila mo ibibigay ang tungkulin ng paglilingkod sa Toldang Tipanan. Itatayo nila ang kanilang mga tolda sa paligid ng Toldang Tipanan at sila ang bubuhat nito pati ang mga kasangkapan nito. 51 Kung kailangang tanggalin ang tabernakulo, sila ang magtatanggal at kung kailangang itayong muli, sila rin ang magtatayo. At sinumang lumapit sa tabernakulo liban sa kanila ay dapat patayin. 52 Ang mga lipi ng Israel ay magtatayo ng kanya-kanyang tolda sa ilalim ng kani-kanilang watawat. 53 Ang mga Levita naman ay magtatayo ng kanilang mga tolda sa paligid ng Toldang Tipanan para walang ibang makalapit dito, sapagkat kapag may ibang lumapit dito, tiyak na paparusahan ko ang buong Israel. Ang mga Levita nga ang mangangalaga sa Toldang Tipanan.” 54 Ang lahat ng mga utos na ito ni Yahweh ay sinunod ng mga Israelita.