Add parallel Print Page Options

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ng mga Anak ni Kora.

84 Napakaganda ng tahanan mo,
    O Panginoon ng mga hukbo!
Ang kaluluwa ko'y nananabik, oo, nanghihina
    para sa mga bulwagan ng Panginoon;
ang puso ko't laman ay umaawit sa kagalakan
    sa buháy na Diyos.

Maging ang maya ay nakakatagpo ng bahay,
    at ang layang-layang ay ng pugad para sa kanya,
    na mapaglalagyan niya ng kanyang inakay,
O Panginoon ng mga hukbo, sa mga dambana mo,
    Hari ko, at Diyos ko.
Mapalad silang naninirahan sa bahay mo,
    na laging umaawit ng pagpupuri sa iyo! (Selah)

Mapalad ang mga tao na ang mga kalakasan ay nasa iyo;
    na ang mga daan tungo sa Zion ay nasa kanilang puso.
Sa kanilang pagdaan sa libis ng Baca,
    ay ginawa nila itong dako ng mga bukal;
    kinakalatan din ito ng mga pagpapala ng maagang ulan.
Sila'y humahayo sa lakas at lakas,
    ang Diyos ng mga diyos ay makikita sa Zion.

O Panginoong Diyos ng mga hukbo, pakinggan mo ang aking panalangin,
    pakinggan mo, O Diyos ni Jacob. (Selah)
Masdan mo ang aming kalasag, O Diyos,
    tingnan mo ang mukha ng iyong pinahiran ng langis!
10 Sapagkat ang isang araw sa iyong mga bulwagan
    ay mabuti kaysa isang libo saanman.
Nanaisin ko pang maging tanod sa pintuan sa bahay ng aking Diyos,
    kaysa tumahan sa mga tolda ng kasamaan.
11 Sapagkat ang Panginoong Diyos ay araw at kalasag,
    siya'y nagbibigay ng biyaya at karangalan.
Walang mabuting bagay ang ipagkakait ng Panginoon
    sa mga nagsisilakad nang matuwid.
12 O Panginoon ng mga hukbo,
    mapalad ang taong nagtitiwala sa iyo!

Pananabik sa Templo ng Dios

84 Panginoong Makapangyarihan, kay ganda ng inyong templo!
Gustong-gusto kong pumunta roon!
    Nananabik akong pumasok sa inyong templo, Panginoon.
    Ang buong katauhan koʼy aawit nang may kagalakan sa inyo,
    O Dios na buhay.
Panginoong Makapangyarihan, aking Hari at Dios,
    kahit na ang mga ibon ay may pugad malapit sa altar kung saan nila inilalagay ang kanilang mga inakay.
Mapalad ang mga taong nakatira sa inyong templo;
    lagi silang umaawit ng mga papuri sa inyo.
Mapalad ang mga taong tumanggap ng kalakasan mula sa inyo
    at nananabik na makapunta sa inyong templo.
Habang binabaybay nila ang tuyong lambak ng Baca,[a]
    iniisip nilang may mga bukal doon at tila umulan dahil may tubig kahit saan.
Lalo silang lumalakas habang lumalakad hanggang ang bawat isa sa kanila ay makarating sa presensya ng Dios doon sa Zion.[b]
Panginoong Dios na Makapangyarihan,
    Dios ni Jacob, pakinggan nʼyo ang aking panalangin!
Pagpalain nʼyo O Dios, ang tagapagtanggol[c] namin,
    ang hari na inyong pinili.
10 Ang isang araw sa inyong templo ay higit na mabuti kaysa sa 1,000 araw sa ibang lugar.
    O Dios, mas gusto ko pang tumayo sa inyong templo,[d]
    O Dios, kaysa sa manirahan sa bahay ng masama.
11 Dahil kayo Panginoong Dios ay parang araw na nagbibigay liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin.
    Pinagpapala nʼyo rin kami at pinararangalan
    Hindi nʼyo ipinagkakait ang mabubuting bagay sa sinumang matuwid ang pamumuhay.
12 O Panginoong Makapangyarihan,
    mapalad ang taong nagtitiwala sa inyo.

Footnotes

  1. 84:6 lambak ng Baca: o, lambak na may maraming puno ng Balsamo; o, lambak na may mga umiiyak.
  2. 84:7 Zion: o, Jerusalem.
  3. 84:9 tagapagtanggol: sa literal, pananggalang.
  4. 84:10 tumayo sa inyong templo: o, maging guwardya ng pintuan ng templo; o, maging pulubi sa may pintuan ng templo.
'Awit 84 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.