Mga Awit 79
Magandang Balita Biblia
Panalangin Upang Iligtas ang Buong Bansa
Awit ni Asaf.
79 O(A) Diyos,
pinasok ng Hentil ang lupang pangako, hayo't iyong masdan!
Winasak ang lunsod, ang banal mong templo ay nilapastangan;
2 ang mga katawan
ng mga lingkod mo ay ginawang pagkain ng mga ibon,
ang kanilang laman, sa mga halimaw ay ipinalamon.
3 Dugo ng bayan mo'y
ibinubo nila, sa buong palibot nitong Jerusalem,
katulad ay tubig; sa dami ng patay ay walang maglibing.
4 Ang karatig-bansang
doo'y nakasaksi, kami'y kinutya at nagtatawa sila,
lahat sa palibot ay humahalakhak sa gayong nakita.
5 Iyang iyong galit
sa amin, O Yahweh, hanggang kailan ba kaya matatapos?
Di na ba titigil ang pagkagalit mong sa ami'y tutupok?
6 Doon mo ibaling
ang matinding galit sa maraming bansang ayaw kang kilanlin,
mga kahariang ang banal mong ngala'y ayaw na tawagin.
7 Masdan ang ginawa
nila sa bayan mo, ang mga lingkod mo ay pinatay nila,
pati ang tahanan nila ay winasak, walang itinira.
8 Huwag mong parusahan
kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang,
ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa'y pumanaw.
9 Mahabag ka sana,
kami ay tulungan, Diyos na aming Tagapagligtas,
dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala'y patawaring ganap;
at sa karangalan ng iyong pangalan, kami ay iligtas.
10 Bakit magtatanong
itong mga bansa ng katagang ito: “Ang Diyos mo'y nasaan?”
Ipaghiganti mo ang mga lingkod mong kanilang pinatay,
ang pagpaparusa'y iyong ipakita sa iyong mga hirang.
11 Iyong kahabagan
ang mga bilanggong kanilang hinuli, dinggin mo ang daing,
sa taglay mong lakas, iligtas mo silang takdang papatayin.
12 Iyong parusahan
yaong mga bansang sa iyo, O Yahweh, lumalapastangan,
parusahan sila ng pitong ibayo sa gawang pag-uyam.
13 Kaya nga, O Yahweh,
kaming iyong lingkod, parang mga tupa sa iyong pastulan,
magpupuring lagi't magpapasalamat sa iyong pangalan!
Mga Awit 79
Ang Biblia, 2001
Awit ni Asaf.
79 O(A) Diyos, ang mga pagano sa iyong mana ay dumating,
kanilang dinungisan ang iyong templong banal;
ang Jerusalem sa mga guho ay kanilang inilagay.
2 Ang mga katawan ng iyong mga lingkod ay ibinigay nila
bilang pagkain sa mga ibon sa himpapawid,
ang laman ng iyong mga banal sa mga hayop sa lupa.
3 Ang kanilang dugo ay parang tubig na ibinuhos nila
sa palibot ng Jerusalem;
at walang sinumang sa kanila'y maglibing.
4 Kami'y naging tampulan ng pagtuya sa aming mga kalapit,
ang mga nasa palibot namin kami'y nililibak at nilalait.
5 Hanggang kailan, O Panginoon? Magagalit ka ba habang panahon?
Ang iyo bang mapanibughong poot ay mag-aalab na parang apoy?
6 Ibuhos mo ang iyong galit sa mga bansang
hindi kumikilala sa iyo,
at sa mga kaharian
na hindi tumatawag sa pangalan mo!
7 Sapagkat ang Jacob ay kanilang nilapa,
at ang kanyang tahanan ay kanilang giniba.
8 Huwag mong alalahanin laban sa amin
ang kasamaan ng aming mga ninuno,
mabilis nawang dumating ang iyong kahabagan upang salubungin kami,
sapagkat kami ay lubhang pinababa.
9 Tulungan mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan,
para sa kaluwalhatian ng iyong pangalan;
iligtas mo kami at patawarin ang aming mga kasalanan,
alang-alang sa iyong pangalan.
10 Bakit sasabihin ng mga bansa,
“Nasaan ang kanilang Diyos?”
Nawa'y ang paghihiganti para sa dugong nabuhos ng iyong mga lingkod
ay malaman ng mga bansa sa harap ng aming mga mata.
11 Ang daing ng mga bilanggo'y dumating nawa sa iyong harapan,
ayon sa iyong dakilang kapangyarihan iligtas mo ang mga nakatakdang mamatay!
12 Ibalik mo ng pitong ulit sa sinapupunan ng aming mga kalapit-bansa
ang mga pagkutyang ikinutya nila sa iyo, O Panginoon.
13 Kung gayon kaming iyong bayan, ang mga tupa sa iyong pastulan,
ay magpapasalamat sa iyo magpakailanman;
sa lahat ng salinlahi ang papuri sa iyo'y aming isasalaysay.
Awit 79
Ang Dating Biblia (1905)
79 Oh Dios, ang mga bansa ay dumating sa iyong mana; ang iyong banal na templo ay kanilang nilapastangan; kanilang pinapaging bunton ang Jerusalem.
2 Ang mga bangkay ng iyong mga lingkod ay ibinigay nila na pagkain sa mga ibon sa himpapawid, ang laman ng iyong mga banal ay sa mga hayop sa lupa.
3 Ang kanilang dugo ay ibinubo nila na parang tubig sa palibot ng Jerusalem; at walang naglibing sa kanila.
4 Kami ay naging kadustaan sa aming kalapit, kasabihan at kakutyaan nilang nangasa palibot namin.
5 Hanggang kailan, Oh Panginoon, magagalit ka magpakailan man? Magaalab ba ang iyong paninibugho na parang apoy?
6 Ibugso mo ang iyong pagiinit sa mga bansa na hindi nangakakakilala sa iyo, at sa mga kaharian na hindi nagsisitawag sa iyong pangalan.
7 Sapagka't kanilang nilamon ang Jacob, at inilagay na sira ang kaniyang tahanan.
8 Huwag mong alalahanin laban sa amin ang kasamaan ng aming mga magulang: magmadali ang iyong mga malumanay na kaawaan na tulungan kami: sapagka't kami ay totoong hinamak.
9 Iyong tulungan kami, Oh Dios ng aming kaligtasan, dahil sa kaluwalhatian ng iyong pangalan: at iyong iligtas kami, at linisin mo ang aming mga kasalanan, dahil sa iyong pangalan.
10 Bakit sasabihin ng mga bansa, Saan nandoon ang kanilang Dios? Ang kagantihan sa dugo na nabubo sa iyong mga lingkod maalaman nawa ng mga bansa sa aming paningin.
11 Dumating nawa sa harap mo ang buntong-hininga ng bihag; ayon sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan ay palagiin mo yaong nangatakda sa kamatayan:
12 At ibalik mo sa aming mga kalapit-bansa sa makapito sa kanilang sinapupunan, ang kanilang pagduwahagi na kanilang idinuwahagi sa iyo, Oh Panginoon.
13 Sa gayo'y kaming iyong bayan at mga tupa sa pastulan mo mangagpapasalamat sa iyo magpakailan man: aming ipakikilala ang iyong kapurihan sa lahat ng mga lahi.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.