Awit 77
Ang Dating Biblia (1905)
77 Ako'y dadaing ng aking tinig sa Dios; sa Dios ng aking tinig; at kaniyang didinggin ako.
2 Sa kaarawan ng aking kabagabagan ay hinahanap ko ang Panginoon: ang kamay ko'y nakaunat sa gabi, at hindi nangangalay; tumatangging maaliw ang kaluluwa ko.
3 Naaalaala ko ang Dios, at ako'y nababalisa: ako'y nagdaramdam, at ang diwa ko'y nanglulupaypay. (Selah)
4 Iyong pinupuyat ang mga mata ko: ako'y totoong nababagabag na hindi ako makapagsalita.
5 Aking ginunita ang mga araw ng una, ang mga taon ng dating mga panahon.
6 Aking inaalaala ang awit ko sa gabi: sumasangguni ako sa aking sariling puso; at ang diwa ko'y masikap na nagsiyasat.
7 Magtatakuwil ba ang Panginoon magpakailan man? At hindi na baga siya lilingap pa?
8 Ang kaniya bang kagandahang-loob ay lubos na nawala magpakailan man? Natapos na bang walang hanggan ang kaniyang pangako?
9 Nakalimot na ba ang Dios na magmaawain? Kaniya bang tinakpan ng kagalitan ang kaniyang malumanay na mga kaawaan? (Selah)
10 At aking sinabi, Ito ang sakit ko; nguni't aalalahanin ko ang mga taon ng kanan ng Kataastaasan.
11 Babanggitin ko ang mga gawa ng Panginoon; sapagka't aalalahanin ko ang mga kabagabagan mo ng una.
12 Bubulayin ko ang lahat ng iyong gawa, at magmumuni tungkol sa iyong mga gawa.
13 Ang iyong daan, Oh Dios, ay nasa santuario: sino ang dakilang dios na gaya ng Dios?
14 Ikaw ay Dios na gumagawa ng mga kagilagilalas: iyong ipinakilala ang kalakasan mo sa gitna ng mga tao.
15 Iyong tinubos ng kamay mo ang iyong bayan, ang mga anak ng Jacob at ng Jose. (Selah)
16 Nakita ka ng tubig, Oh Dios; nakita ka ng tubig, sila'y nangatakot: ang mga kalaliman din naman ay nanginig.
17 Ang mga alapaap ay nangaglagpak ng tubig; ang langit ay humugong: ang mga pana mo naman ay nagsihilagpos.
18 Ang tinig ng iyong kulog, ay nasa ipoipo; tinanglawan ng mga kidlat ang sanglibutan: ang lupa ay nayanig at umuga.
19 Ang daan mo'y nasa dagat, at ang mga landas mo'y nasa malalawak na tubig, at ang bakas mo'y hindi nakilala.
20 Iyong pinapatnubayan ang iyong bayan na parang kawan, sa pamamagitan ng kamay ni Moises at ni Aaron.
Mga Awit 77
Ang Biblia, 2001
Sa Punong Mang-aawit: ayon kay Jedutun. Salmo ni Asaf.
77 Ang aking tinig ay papailanglang sa Diyos,
at ako'y dadaing ng malakas;
ang aking tinig ay papailanglang sa Diyos,
at papakinggan niya ako.
2 Hinahanap ko ang Panginoon sa araw ng aking kaguluhan;
sa gabi'y nakaunat ang aking kamay, at hindi nangangalay;
ang kaluluwa ko'y tumatangging mabigyang kaaliwan.
3 Naaalala ko ang Diyos, at ako'y nababalisa;
nang ako'y nagdaramdam, ang diwa ko'y nanlulupaypay. (Selah)
4 Pinigilan mong magsara ang talukap ng aking mga mata,
ako'y totoong naguguluhan at hindi ako makapagsalita.
5 Ginugunita ko ang mga unang araw,
ang mga taóng nagdaan.
6 Sa gabi'y nakikipag-usap ako sa aking puso;
ako'y magbubulay-bulay sa aking puso at ang aking diwa ay magsisiyasat.
7 “Magtatakuwil ba ang Panginoon magpakailanman?
At hindi na ba muling masisiyahan?
8 Ang kanya bang tapat na pag-ibig ay huminto na magpakailanman?
Ang kanya bang mga pangako sa lahat ng panahon ay nawakasan?
9 Nakalimot na ba ang Diyos na maging mapagbiyaya?
Sa kanya bang galit ay isinara niya ang kanyang awa? (Selah)
10 At aking sinabi, “Ipinaghihinagpis ko
na ang kanang kamay ng Kataas-taasan ay nagbago.”
11 Aking gugunitain ang mga gawa ng Panginoon;
oo, aking aalalahanin ang mga kahanga-hangang gawa mo noong unang panahon.
12 Ako'y magbubulay-bulay sa lahat mong mga gawa,
at magmumuni tungkol sa iyong mga gawa.
13 Ang iyong daan, O Diyos, ay banal.
Sinong diyos ang dakila na gaya ng aming Diyos?
14 Ikaw ang Diyos na gumagawa ng mga kababalaghan,
na nagpahayag ng iyong kalakasan sa gitna ng mga bayan.
15 Tinubos mo ng iyong kamay ang iyong bayan,
ang mga anak ni Jacob at ni Jose. (Selah)
16 Nang makita ka ng tubig, O Diyos;
nang makita ka ng tubig, sila'y natakot:
oo, ang kalaliman ay nanginig.
17 Ang alapaap ay nagbuhos ng tubig;
nagpakulog ang himpapawid,
ang mga palaso mo ay humagibis sa bawat panig.
18 Ang tunog ng iyong kulog ay nasa ipu-ipo;
pinagliwanag ng mga kidlat ang daigdig;
ang lupa ay nanginig at nayanig.
19 Ang daan mo'y nasa dagat,
ang landas mo'y nasa malalaking tubig;
gayunman ang bakas mo'y hindi nakita.
20 Iyong pinatnubayan ang iyong bayan na parang kawan
sa pamamagitan ng kamay ni Moises at ni Aaron.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
